ALLIYAH CRYZIELLE MENDEZ
"Ali, tapos ka na ba sa niluluto mo?" boses ng isang madre mula sa hindi kalayuan.
"Opo, sister Jade, handa na po ang sopas para sa mga bata." mapitagang sagot ko sa kanya at ngumiti nang matamis at saka ko pinunasan ang tumatagaktak na pawis sa noo ko.
"Ay mabuti naman, punasan mo na nga rin iyang pisngi mo't may dumi ng uling." turan niya sa banayad niyang boses na ikinatawa ko naman nang bahagya at ikinatango sa kanya.
Pinagmasdan ko na lamang siyang lumakad palayo pabalik sa kaniyang opisina dahil siya ang pinuno ng lahat ng madre dito.
Tumapat na uli ako sa kalan at bumuntong-hininga inalala ang nakaraan sa kung paano ako lumaki rito sa bahay-ampunan nang masaya dahil dama ko ang pagmamahal sa mga mapag-alagang madre sa akin.
May gumustong umampon sa akin noon pero hindi ako sigurado kung mababait sila gaya ng mga madre kaya umayaw ako, at nagprisenta na lamang akong maging katuwang nila sa pag-aalaga ng mga kapwa bata ko rito.
12 years ago noong siyam na taong gulang pa lamang ako ay may nagtangkang umubos sa buong pamilya namin sa pamamagitan ng pagsunog sa buong pamamahay namin.
Marangya ang pamumuhay namin, mapagmahal ang mga magulang ko, at may kasundo akong kakambal ko na parati kong kasa-kasama sa lahat ng bagay. Pero matapos nung trahedyang 'yon ay nagkalayo kami ng kapatid ko, at dahil bata pa ako ay hindi ko alam kung paano ko siya hahanapin noon...gaya na lang ng hindi ko rin kayang mahanap ang may o mga may sala sa kung bakit nakitìĺ ang buhay ng mga magulang ko kahit malaki na ako ngayon; sa kung bakit nasùnòg ang bahay namin dahil batid kong sinadya iyon.
Sino kayang kriminal iyon? Nais ko siyang pagbayarin nang panghabambuhay pero wala akong lakas para magawa iyon.
At hindi kailanma'y magkakaroon ng lakas.
Datapuwa't dahil sa isa o maraming taong iyon na sa palagay ko'y kaaway ng mga magulang ko, napadpad ako sa bahay-ampunan habang ang kakambal ko naman ay hindi ko alam kung saan napunta, ang natatandaan ko lamang ay tumatakbo kami nang mabilis sa kalagitnaan ng gabi ang aming mga magulang ay natutop ng sunog nang makatakas kami sa inapuyang bahay. Sana lang ay ligtas din ang pinakamamahal kong kapatid kung nasa'n man siya ngayon.
Naging 21 anyos na ako rito sa bahay-ampunan kaya ito na talaga ang tinatrato kong tahanan, at ang mga tao rito ang aking pamilya.
Sa pagtakbo ko palabas ng malaki naming bahay para iligtas ang aking sarili mula sa malaking apoy ang tanging nadala ko lamang nung gabing iyon ay ang laptop ni mom at dad na nasa pangangalaga ko pa rin hanggang ngayon, ang pantulog kong damit at tsinelas, ang maliit kong libro na fairytale, at ang ngalan kong ALLIYAH CRYZIELLE MENDEZ.
Naihanda na sa hapagkainan ang mga pagkain, tinawag na rin ni sister Mill ang mga bata na nagmamadali kaagad sa pagkuha ng kani-kanilang puwesto sa mahabang upuan na katabi ng mahabang mesa.
"Oh, Ali, bakit hindi ka na rin kumain kasabay nila?" napaangat ang tingin ko kay sister Jade nagpilit ako ng ngiti at naglakad palapit sa kanya.
Tumingin muna ako nang saglit sa mga bata at saka muling idinako ang paningin ko sa kanya, "Napapaisip lang po nang malalim. Nais ko kasing maghanap ng trabaho na e, para maka-ambag din ako ng kuwalta rito sa bahay-ampunan para sa mga bata kahit pambili na lang nila ng meryenda tuwing hapon." sagot ko sa kaniya.
"Ay maayos iyan, Ali. Napagtapos ka naman namin ng grade 12 e, pero ano sa palagay mo ang trabaho na nariyan para sa'yo?" pagtatanong niya naman na kinibitan ko ng balikat.
Tinikom ko ang bibig ko at nag-isip uli nang malalim. "Siguro...call center agent po? Waitress? O kahit anong kayang makuha ng diploma ko."
"Magaling ka rin naman sa wikang English dahil sa mga pinapanood mong movies at binabasa mong libro kaya mo ngang magsalita ng American accent e" tumigil siya upang tumawa nang panandalian at mahinay na may tinig-paniniwala. Napangiti naman ako. "Kaya sigurado akong matatanggap ka."
YOU ARE READING
MIRRORED FATES
RomanceMinsan ka na bang naging mapagpanggap? Mang-uuto? Taong mapagtago? O mapanlinlang? Dagdagan ang Kaalaman Hindi kailanman nabibisto ang isang sikreto kung ito'y kinikimkim lang sa puso. Napag-aalaman lang ito kapag may kalakip nang pagsisinungaling...