To:
MarishTalagO ayan hah
Solo flight. Hehe 2nd time special greetings.... ^__^O nasaan na ang iba? Miss ko na kayo. Paramdam naman kayo! Mwah!!!!
********
Hindi siya makagalaw sa kanyang kinalalagyan. Nakatitig lamang siya sa dalawang dambuhalang ahas na nasa kanyang harapan. Mabilis ang tibok ng puso niya at pinapawisan nang malamig. Pinisil niya ang hawak na kamay ni Roa ngunit tila hindi siya nito naramdaman. Nilingon niya ito at lalo siyang nagitla nang mag-anyong ahas din ito....
"Prinsesa! Prinsesa!"
Naramdaman niya ang mahinang pagyugyog sa kanya. Nagmulat siya ng mga mata at nasilayan ang nag-aalalang mukha ni Roa at ilang kaanak nila Clarion."Ayos ka lang ba, Prinsesa Z-raye? "
Tanong ni Roa.
"Nanaginip yata ako... Pero parang hindi ko namalayang nakatulog pala ako?" Naguguluhang tugon ni Z-raye.
"Maaaring may sumingit lamang na pangitain sa iyong isipan habang ikaw ay nananalangin at hindi ka naman talaga nakatulog at nanaginip..." Bigay pananaw naman ni Juno na tila lalong gumulo sa isipan ng prinsesa.
"Marahil ay ganoon nga... Pero hindi ko maunawaan ang pangitain na iyon..
At kung bakit bigla na lang sumingit sa aking isipan..."Nang masigurong kalmante na ang kanyang pakiramdam ay muling nanalangin ang lahat. Bago pumikit ay tinanaw muna ni Z-raye ang magkakapatid na nasa itaas na himlayan at sa tingin niya ay katatapos lang ng pakikipag-usap ng mga ito sa mga yumao.
Matapos ang mga panalangin ay nagmulat na ang lahat at tumindig na mula sa pagkakaupo sa sahig. Nakatindig na rin ang magkakapatid at sabay-sabay na hinubad ang kanilang itim na balabal. Nahantad ang magagara nilang damit na puti. Sunod ay sinilaban nila ang paligid ng labi ng kanilang mga magulang. Unti-unting nalusaw ang yelo at nagsimula na ring kainin ng apoy ang katawan ng mga ito. Inilagay din nila sa apoy ang kanilang mga panluksang balabal bilang tanda ng pamamaalam sa mga yumao.
Matapos ang seremonya ay bumaba na ang mga ito at dinaluhan ang kanilang mga kaanak. Ibinahagi ng magkakapatid ang ilang mensahe ng kanilang mga magulang.
Hindi na masyadong nakinig si Z-raye sapagkat sinaunang wika ng Sadaharra ang ginagamit ng magkakapatid sa kanilang pagpapahayag sa mga ito. Ibig na sana niyang bumalik sa kanyang silid o kaya'y mauna na sa bulwagang pang kainan sapagkat kumakalam na ang kanyang sikmura. Mabuti at saglit lamang ang kanyang ipinaghintay at natapos na rin ang pahayag ng magkakapatid. Inanyayahan na din ang lahat na dumulog sa unang palapag ng palasyo upang makapagsalu-salo sa hapunan.
********
"Nabanggit ni Roa na may kakatwang nangyari sa iyo kanina, prinsesa... " wika sa kanya ni Clarion habang magkatabi silang kumakain.
"Bigla kasi akong nakakita ng pangitain sa gitna ng aking pananalangin. Akala ko nga nakatulog na ako at nanaginip..."
"Ano ba ang pangitaing iyong nakita?"
"May dalawang dambuhalang ahas sa aking harapan... At nang tumingin ako sa gawi ni Binibining Roa, nag-anyong ahas din siya... "
Napakunot noo naman si Clarion na waring napapaisip sa kahulugan ng pangitaing iyon ni Z-raye.
"Kakatwa talaga ang pangitain mong iyon... Maaari kasing isa iyong babala... "
"Sa tingin ko rin. Pero sa ilang panahon ng pag-aaral ko ng pangitain, ito na yata ang pinakamahirap kong mabigyan ng kahulugan." Tugon niya sa prinsipe.
BINABASA MO ANG
Awakening The Ice Prince
FantasyNaglakas loob si Z-raye na magtungo sa isang malayong kaharian upang makuha ang tanging lunas sa karamdaman ng kanyang kapatid. Kasama ang matalik nitong kaibigan na si Miroh, nagtungo sila sa nasabing kaharian sa kabila ng panganib na kaakibat nito...