Hindi naging madali ang pakikipagtuos nila sa halimaw. Napakadami nitong galamay at panay-panay ang pagpapakawala nito ng kidlat. Kung magtatagal pa ang pakikipagtunggali nila ay baka hindi na kayanin ng kanilang kalasag.
Nag-ipon sila ng pwersa. Pinagsama nila ang kapangyarihan ng apoy mula kay Z-raye at ang hangin mula kay Miroh. Nabuo iyon na tila isang malaking bola ng kapangyarihan. Pinatama nila ito sa mismong bunganga ng halimaw. Saglit lang ay nagwala ito at biglang sumabog...
*****
Naging matiwasay ang kanilang paglipad. Paminsan-minsan ay may nasasalubong silang laksa-laksang ibon at sila'y inaatake pero mas madali na nila itong magapi.
Nagpasya na silang bumaba nang matanaw na nila ang kalupaan.
Hindi pa sila masyadong nagtatagal ay naramdaman nila ang pagyanig ng lupa. Kasunod ay ang nakakakilabot na pag-ugong buhat sa isang nakakatakot na nilalang.
Muli ay naghanda sila sa muling pag-atake. Humantad sa kanilang paningin ang isang dambuhalang halimaw. Pinagsamang anyo ng ahas at dragon ang anyo nito.
Binugahan sila nito ng yelo.
Agad silang nakaiwas subalit patuloy pa din ito sa pagbuga ng yelo. Bumubuga naman ng apoy sina Larkon at Sylvester na naiiwasan din naman ng halimaw.
Isa pang dambuhalang ahas ang sumulpot mula sa likuran ng halimaw. Pinaikutan muna sila nito bago ito unti-unting nag-anyong tao.
Nakasuot ito ng puti at asul na damit. Hindi nila maaninag ang mukha nito sapagkat nakabalabal ito hangang ulo na medyo natatakpan ang kalahati ng mukha.
Naisip nilang maaaring ito ang kawal sa hangganang iyon. Naglaho sa paningin nila ang nilalang na iyon at pagdaka'y lumitaw mismo sa kanilang harapan.
Kumalma naman ang halimaw sa tabi nito.
"Lisanin niyo na ang lupaing ito bago pa mahuli ang lahat..." Malamig na wika ng nilalang na iyon.
Bahagyang lumapit si Z-raye sa kanya upang maaninag sana ang mukha niya pero halos bibig lang ang nakalabas dito.
" Ipagpaumanhin mo, ginoo subalit mahalaga pa sa aming mga buhay ang pakay namin sa inyong kaharian."
"Ang mirmah ang inyong pakay, hindi ba?"
Sabay na tumango ang magkaibigan.
"Nagsasayang lang kayo ng oras at lakas. Humahanga ako na nalagpasan niyo ang mga bantay dito sa labas ng kaharian ngunit mas mapanganib ang naghihintay sa inyo sa loob. Mas makabubuting magbalik na kayo sa inyong bayan. "
"Pakiusap lang, ginoo. Nais naming makausap ang inyong pinunong si Prinsipe Clarion..... Maaari mo ba kaming dalhin sa kanya?" - si Miroh
Bahagyang tumawa ang kausap.
"Kaharap niyo na siya...."
Nagkatinginan ang dalawa at sabay bumaling sa kausap nila.Siya na nga ba si Prinsipe Clarion?
"Kung gayon ay....." Hindi na naituloy ni Z-raye ang kanyang sasabihin. Unti-unti kasing naglalaho sa kanilang paningin si Clarion. Tila usok na kumukupas sa hangin.
Nagsalita pa ito bago tuluyang nawala sa kanilang paningin...
"Kung malalagpasan niyo ang bantay na nasa inyong harapan ay payapa na kayong makakaraan sa bukana ng aming kaharian. Hihintayin ko kayo sa palasyo..."
*****
Unti-unti nang kumikilos ang halimaw. Sumakay na silang muli sa kani-kanilang alagad. Naghanda na sila sa pagsalakay nito...
"Ako na ang bahala dito, Z-raye. Magtungo ka na sa palasyo. Kailangan mo nang makuha ang mirmah anuman ang mangyari. "
"Pero, Miroh hindi ko kayang iwan ka rito! Sabay tayong magtutungo roon..."
"Huwag nang matigas ang ulo mo. Magmadali ka na. Siguradong hindi magiging madali ang paghaharap niyo ni Clarion pero pangako susunod agad ako..."
Labag man sa kalooban ay lumisan na si Z-raye. Kailangan naman na talaga nilang magmadali. Gayunpaman ay hindi niya maiwasan ang mag-alala para sa kaibigan. May ilang malalalim na sugat na din ito gawa ng mga nilalang na nakasagupa nila sa nakalipas na mga oras. Ang iba'y naghihilom na ngunit ang iba'y sariwa pa. May kakayahan din itong magpahilom ng sarili ngunit hindi kasing bilis ng pagpapahilom niya....
"Mag-iingat ka.... Miroh...."
BINABASA MO ANG
Awakening The Ice Prince
FantasyNaglakas loob si Z-raye na magtungo sa isang malayong kaharian upang makuha ang tanging lunas sa karamdaman ng kanyang kapatid. Kasama ang matalik nitong kaibigan na si Miroh, nagtungo sila sa nasabing kaharian sa kabila ng panganib na kaakibat nito...