A/N:
To: Ms. Gladys Boniel De Capia a.k.a. @ghegz15
Author of My Crush and His Bestfriend*Thank you for supporting my story! ^_^
------------------------------------------------------
Nang magmulat si Z-raye ng kanyang mga mata ay kaagad siyang napabalikwas ng bangon sapagkat kakaiba ang silid na kinaroroonan niya. Hindi iyon ang silid bilangguan niya at wala na rin siya sa silid na puro ahas. Alam niyang puro ilusyon lang ang mga iyon pero sigurado siyang hindi na iyon ang silid na kinalalagyan niya ngayon.
Maaliwalas ang paligid ng silid. May mga kakaibang disenyo ang dingding at may mga nakasabit na ipinintang larawan. Malambot ang kamang hinigaan niya na kulay krema. Nalalatagan ng kulay abong alpombra ang sahig. Kulay puti ang mga kurtina sa malaking bintana. Kainitan ng araw sa labas at hula niya ay tanghali na. Iginala niya ang paningin at tangkang bababa na siya sa higaan nang mapansin niyang may cobra sa tabi niya. Nakatitig iyon sa kanya. Muntik na naman siyang maduwal pero pinigilan niya. Nung una ay inakala niya iyong si Nemeruh pero napansin niyang iba ang kulay ng balat nito.
"Mabuti at gising ka na, prinsesa..."
Napalingon siya sa nagsalita. Marahil ay ito ang nagdala sa kanya sa silid na iyon. Nakangiti sa kanya ang binata at marahan itong lumapit sa kanya.
Tumayo si Z-raye at nagbigay galang sa binata. Sa hula niya ay hindi naman ito tagasilbi lamang sa palasyo. Yumukod din ito sa kanya.
"Kamusta ang iyong pakiramdam?" Tanong nito sa kanya.
"Ahm... Mabuti naman ang aking pakiramdam,ginoo. Uh, ikaw ba ang nagdala sa akin dito?"
Tumango ito na nakangiti pa rin sa kanya. Ngayon lamang sila nagkita pero magaan na ang pakiramdam niya rito.
"Ako nga pala si Cobran. Ipagpaumanhin mo sana ang hindi magandang pagtrato sa iyo ng aking kapatid..."
Pinagmasdan niya ang binata. Napansin nga niya ang pagkakahawig nito at ni Clarion. Napatingin naman siya sa ahas na nasa higaan pa rin. Kumindat ito sa kanya.
"Siya naman si Gola. Ang aking kaibigan at alagad."
Nginitian niya ito nang tipid. Ayaw niyang ipakita dito ang hindi pagkagusto sa mga ahas.
"Kamusta, prinsesa! Nasabi ni Nemeruh sa akin na takot ka raw sa mga kauri ko?" Magiliw na tanong sa kanya ni Gola.
"Uh.. Ano k-kasi... Ganoon na nga..."
Nahihiya niyang tugon dito.
"Normal lang naman sa mga tao ang ganun. Marahil kung hindi lang karaniwan sa mga mamamayan ng Sadaharra ang may kasamang ahas sa paligid nila, malamang ay may matatakot din sa amin dito. Hindi rin siguro kami lalapitan ng mga tao at gayundin kami sa inyo."
Ngumiti siyang muli kay Gola. Gumaan ang pakiramdam niya dito. Hindi kasi ito sarkastikong katulad ni Nemeruh.
"Kailangan ko din sigurong masanay na kasama ang mga kauri niyo para mawala ang matinding takot ko..."
Masayang tumango ito sa kanya. Inaya na silang lumabas ng silid ni Prinsipe Cobran upang makapananghalian. Nagugutom na rin ang prinsesa ngunit nag-aalangan siyang makasabay ang mga ito sa hapag-kainan.
"Uh, prinsipe... Baka magalit ang iyong kapatid dahil tinulungan mo ako... At isa pa...." Napatingin sila sa kanyang kasuotan. Hindi pa rin siya naliligo at nakakapagpalit ng damit. Lalong wala din siyang sandalyas man lamang.
"Naku, prinsesa sa sobrang pagkasabik kong makita kang may malay ay nawala sa isip kong may mga ipinadala pala akong mga damit at sandalyas para pamalit mo. Maaari ka na munang maligo. Hihintayin ka na lamang namin sa labas ng silid na ito."
"Maraming salamat muli sa iyong kabutihan,mahal na prinsipe."
Lumabas na ang dalawa sa kwarto at siya naman ay nagtungo na sa banyo na nasa silid din na iyon.
Mabilis lamang siyang naligo at nagsipilyo. Mainam na kumpleto ang mga gamit sa loob ng banyong iyon.
Isinuot niya ang isa sa mg damit na nakasabit sa malaking damitan na naroon. Napili niya ang isang bestidang kulay luntian at krema na hanggang sakong ang haba. Dahil malamig ang klima sa kaharian ay may kakapalan ang tela nito. Kumportable namang siya roon at tamang-tama ang sukat sa kanya.
Namili rin siya ng sandalyas na ibabagay roon ngunit tila ayaw niyang magsuot ng kahit ano sa mga iyon.Hindi dahil sa wala siyang magustuhan sa mga iyon, ang lahat naman ay pawang magaganda at natatangi ang disenyo ngunit dahil sa halos lahat ay may takong at hindi talaga siya sanay magsuot ng kahit anong sapin sa paa kapag nasa loob ng palasyo. O minsan pa nga ay kahit sa tuwing lumalabas siya at namamasyal noon sa Arrence ay hindi rin siya mahilig magsapatos. Ganoon na siya mula pa pagkabata. Binansagan tuloy siyang 'ang prinsesang nakayapak'.
Sinuklay niyang mabuti ang may kahabaang buhok at sinuot muli ang kanyang supil. Matapos masigurong maayos na ang kanyang itsura ay lumabas na siya ng silid.
Naroon at naghihintay si Cobran sa kanya sa may pasilyo. Nakangiti ito sa kanya.
Pababa na sila ng hagdan ng muling maalala ni Z-raye ang magiging reaksiyon ni Clarion.
"Prinsipe Cobran, paano nga pala si Prinsipe Clarion? Baka... m-magalit siya?"
"Huwag mo na siyang alalahanin pa. Batid naman niya ang pagkuha ko sa iyo mula sa silid ng ilusyon. Bilib nga ako sa iyo dahil ikaw pa lamang ang nakagamit ng kapangyarihan sa loob ng silid na iyon."
"Nagkataon lang siguro na labis-labis ang takot na nararamdaman ko sa mga ahas kaya biglang lumabas ang kapangyarihan ko.
"Marahil ay gayon nga pero kamangha mangha pa rin ang nangyari. Wala pa kasing
nakalabas nang buhay sa silid na iyon maliban sa iyo..."
Kinilabutan si Z-raye sa isiping iyon. Ginamit ni Clarion sa kanya ang pinakamatindi niyang kahinaan upang maparusahan siya at mapaslang. Wala naman siyang karapatang magdamdam dahil sa tingin niya ay dapat lamang ang kaparusahang iyon sa kanya.
"Sa tingin mo, prinsipe, ano ang plano niya sa akin matapos kong makaligtas sa unang kaparusahan niya?"
Kapwa sila napahinto nang makababa na sila nang tuluyan sa hagdan. Mataman siyang tiningnan ni Cobran.
"Ang totoo ay hindi ko din alam. Kung nais ka talaga niyang mawala ay mas matindi pa sana ang ginawa niya sa iyo. O kaya naman ay tinapos ka na niya nung una mo pa lang tinangkang kunin ang mirmah."
Napapaisip din sa ideyang iyon si Z-raye. Ano nga ba ang mayroon sa kanya at hindi siya mapaslang agad nito?
"Hindi kaya alam niya ang tungkol sa sagradong alab? Pero...imposible..."
Naibulong niya sa sarili na bahagyang naulinigan ni Cobran.
"Huh? Ano ang imposible, prinsesa?"
"Uh, ah wala... Wala imposible sigurong mapatawad niya ako... Errr.. "
Napakunot ang noo ng binata. Tila malayo iyon sa dapat niyang marinig pero hinayaan na lang niya ito.
"Bigyan natin siya ng panahon na mapag-isipan ang mga bagay-bagay. Hindi rin kasi madali ang mga pinagdaanan namin."
Tumango na lamang siya at sumunod sa komedor. Halos kasabay lamang nilang dumating si Clarion. Binigyan siya nito ng isang malamig na tingin...
***********
BINABASA MO ANG
Awakening The Ice Prince
FantasyNaglakas loob si Z-raye na magtungo sa isang malayong kaharian upang makuha ang tanging lunas sa karamdaman ng kanyang kapatid. Kasama ang matalik nitong kaibigan na si Miroh, nagtungo sila sa nasabing kaharian sa kabila ng panganib na kaakibat nito...