Dedicated to Iamjhoycelyn
Thanks for reading and for the votes as well as your comments...
Lalo ako na inspire mag update...
^_^***********
Maraming gustong sabihin ang kanyang isipan... Ibig niyang tumakbo upang yakapin ito nang buong higpit... Subalit walang salitang mamutawi sa kanyang bibig at ang katawan niya ay nawalan ng lakas upang kumilos.
Lumapit at naupo sa kanyang tabi ang prinsipe. Ilang saglit na kapwa sila walang imik at nakikiramdam lamang sa isa't isa.
"P-Paumanhin.....prinsipe.... Paumanhin kung ako'y pumasok sa iyong silid nang walang pahintulot..."
Sa wakas ay nasambit ni Z-raye sa gitna ng malakas na tahip ng kanyang dibdib. Pakiramdam niya ay napakainit na ng kanyang mga pisngi kahit napakalamig sa silid na iyon.
"Walang problema, prinsesa... Maaari kang manatili hangga't iyong nais..."
Matapos niyon ay walang anuman nitong nilisan ang silid. Saglit namang nanlumo ang prinsesa. Ibig sana niyang pigilan ito subalit pinangunahan siya ng hiya at kaba sa kabila ng pagkasabik niyang makita ito.
Napabuntong hininga na lamang siya at nagpalinga-linga sa kabuuan ng mala kristal na silid na iyon. Nahagip ng kanyang paningin ang lamesita di kalayuan sa higaan ni Clarion. Lumapit siya roon dahil may isang bagay na nakatawag ng kanyang pansin. Dinampot niya ang isang nakarolyong papel na may tatak ng simbolo ng kanilang kaharian. Napakunot ang noo niya nang mabasa ang nilalaman nito.
"Ito ang.... Paanyaya sa pagsusulit ng kaharian para sa pagpili ng aking tagapag lingkod... Bakit may ganito si Clarion?" Takang sambit ng prinsesa sa kanyang sarili.
Nanatili siya sa silid ni Clarion hanggang sa muli siyang makatulog dala ang katanungang iyon sa kanyang isipan.
********
Lumipas ang maghapon at hindi na niya muling nakausap si Clarion. Nagkasalu-salo sila sa tanghalian at nagpulong bahagya tungkol sa mga gagawin sa pagdaraos ng babang luksa sa darating na dapit hapon ngunit tila sinadyang maging mailap ng prinsipe. Wala ni isang sulyap man lamang mula rito ang kanyang napala.
Sa kabila ng kanyang pagdaramdam ay nilibang na lamang ni Z-raye ang sarili sa pagliliwaliw sa paligid ng palasyo. Naalala niya si Marfa at naisipan niyang alamin ang kinaroroonan nito mula kay Nemeruh.
"Ibinalik na siyang muli bilang lingkod. Isa siya sa namamahala sa taniman ng mirmah..."
" Mainam naman pala kung gayon. Ang akala ko ay hindi na siya mapapatawad ng prinsipe." Masayang wika ng prinsesa.
"Kung tutuusin ay wala talagang kapatawaran ang nagawa ni Marfa ngunit dahil may magandang naibunga ang mga pangyayari kung kaya't siya ay pinatawad. Subalit, hindi na siya makakabalik pa sa paglilingkod sa loob ng palasyo gaya ng dati."
Narating nila ang malawak na pataniman ngunit wala roon ang kanilang pakay. Sinabi ng isa sa mga kawani na hindi ito naglingkod sa araw na iyon. Nagpasabi itong masama ang pakiramdam.
"Nais ko sana siyang dalawin sa kaniyang tirahan, Nemeruh...."
"Maaari naman, prinsesa ngunit sa loob ng isang oras ay magsisimula na ang seremonya ng babang luksa."
Bahagya mang nalungkot ay mas pinili na lamang ni Z-raye na manatili sa palasyo at nagpasyang kinabukasan na lamang niya pupuntahan si Marfa.
Bago nila lisanin ang halamanan ay pinagmasdan ng prinsesa ang mga tanim na mirmah. Natutuwa siya dahil naparami na muli ang mga ito mula sa natitirang piraso ngayon ay halos mapuno na ang buong halamanan sa bakuran ng palasyo ng mga papausbong na mga bulaklak nito. Naisip ng prinsesa na paduguin ang isa niyang hintuturo sa pagkagat nito. Hinayaan niyang pumatak ang kanyang dugo sa mga usbong ng halaman at hindi nagtagal ay bumuka ang mga ito. Nagliliwanag ang mga dilaw na bulaklak nito. Tila sumasayaw sa ihip ng hangin at nagpupugay sa kanya. Namangha ang mga kawani sa halamanan nang masaksihan nila ang kakayahan ng prinsesa. Yumukod sila bilang pagpapasalamat sa kanya.
*********
"Tila mailap sa iyo ang prinsipe... "
wika ni Nemeruh habang sila ay pabalik sa palasyo. Lalo tuloy bumalatay sa mukha ni Z-raye ang kalungkutan.
"Masyadong mahalaga ang bawat salita sa iyong prinsipe. Marahil para sa kanya ay wala kaming dapat pag-usapan..." Tugon ng prinsesa na halatang pinipigil ang pagluha.
Huminto sila sa paglakad at pinagmasdan siya ni Nemeruh.
"Naguguluhan ako sa inyong mga tao. Bakit kailangan niyong pahirapan ang mga sarili niyo sa kabila ng matinding pagmamahal na inyong nararamdaman? Kahangalang sabihin na wala kayong dapat pang pag-usapan dahil una sa lahat ay hindi pa siya nakakapagpasalamat sa iyo. Buhay siya at ang natitira niyang pamilya dahil sa iyo. Pangalawa, marami siyang utang na paliwanag sa mga nangyari... Ikatlo, hindi pa siya nakakahingi man lang ng tawad sa lahat ng sakit ng kalooban na idinulot niya sa iyo at panghuli, dapat niyang ipagtapat sa iyo ang kung anuman ang tunay na nilalaman ng kanyang puso..."
"Marahil ay hindi pa siya handa..." Sambit na lamang ni Z-raye ngunit sa kaibuturan ng kanyang isipan ay marapat nga lamang ang mga sinabi ni Nemeruh.
"At kailan pa siya magiging handa? Tss.."
Naiiling na lamang si Nemeruh at ipinagpatuloy na lamang nila ang paglalakad pabalik sa palasyo.
Nagtuloy ang prinsesa sa silid na laan para sa kanya at hindi niya inaasahang may isang nilalang na kanina pa nakaantabay sa kanyang pagbalik....
*******
A/N:
Sino kaya ang naratnan niya sa kanyang silid????
Salamat po sa paghihintay .... Pasensiya na talaga.... °_^
Sisikapin ko na talaga ang patuloy na update....
*rain_on_summer*
BINABASA MO ANG
Awakening The Ice Prince
FantasiNaglakas loob si Z-raye na magtungo sa isang malayong kaharian upang makuha ang tanging lunas sa karamdaman ng kanyang kapatid. Kasama ang matalik nitong kaibigan na si Miroh, nagtungo sila sa nasabing kaharian sa kabila ng panganib na kaakibat nito...