"Anong oras ang alis nyo sa isang araw?" Seryosong tanong sa akin ni Mama. Sinagot ko sya na alas otso. Ang naging plano namin ni Naly na sabihin kay Mama ay magkakasama kaming tatlo nina Jhen na pupuntang Manila para mag "staycation".
"Oo. Sa may kanto kami magkikita." Maikli kong sagot. Nagdadasal na sana hindi na ulit sya magtanong ng mga detalye.
"Wala kayong sasakyan?" Panunubok ni Mama. Hindi agad ako nakasagot dahil wala naman nabanggit si Naly tungkol sa sasakyan.
"Makikisabay kami sa pinsan ni Jhen. Ihahatid kami hanggang sa Manila." Sagot ko. Tumango tango lamang sya na para bang satisfied sya dahil hindi ko kailangan magcommute. Natatakot akong sabihin na walang sasakyan dahil pakiramdam ko ay hindi sya papayag na umalis ako. Hindi, alam kong hindi ako papayagan talaga. Sa tono pa lang ng tanong nya.
Kasinungalingan na naman. Wala naman talagang sasakyan. Walang maghahatid. Mag-isa lang ako. "Picturan mo ang sasakyan kung talagang mayroon nga." Malamig na saad ni Mama. Bumalot sa akin ang kaba.
Natutuliro akong nagmessage kay Mico. Itatanong ko kung pwede nya pa ako ihatid sa may highway sa isang araw. Sasakyan lang naman ang kailangan ko. Baka mamaya mapurnada pa ang lakad ko dahil lang dito. Fuck. Eto na naman ako, nagdesisyon ng hindi akma. Hindi ko na rin sinabi kay Naly dahil nagawan ko na ng paraan.
Madaling araw na at hindi pa rin ako tulog. Nakalatag na ang plano para sa araw na ito. Huminga ako ng malalim habang nakatingin sa screen ng aking cellphone. Nakatitig sa akin si Naly, inaantay ang sagot ko sa kanya kung bakit nagdadalawang isip akong ituloy ang mga plano mamaya. Nagrereklamo sa dami ng alalahanin ko sa utak. Mamamatay ata ako dahil sa nararamdamang kaba.
"Makipagkita ka na sa kanya. Wag nang kung ano-ano pa ang iniisip mo. Kung wala kang maramdaman sa kanya sa personal, mapapatunayan mo yan mamaya. Kung meron edi mas okay! Maging masaya ka ngayong araw. Wag kang mag-alala. Excited ka lang kaya ka kabado." Pangungumbinsi nya sa akin. Tumango lamang ako ng marahan. Hindi na isinatinig ang mga iniisip. Sya naman ngayon ang bumuntong hininga.
"Pero paano nga iyon? Sa sobrang tagal nyo nang magkakilala at nag-uusap kayo palagi araw-araw, ano pa ang pwede nyong pagusapan sa personal? Baka mamaya hindi mo sya kausapin at manahimik ka lang sa buong pagsasama nyo ah. Naku talaga!" Pahisterya nyang saad. Hindi ko rin alam.
Halos idlip lang ang ginawa ko. Naligo na agad ako at nag-ayos dahil maaga akong aalis dito. Nagmessage ako kay Naly na gumising na sya dahil maya-maya ay aalis na ako. Si Mico naman ay nasa byahe na papunta dito para sunduin ako. Mataman akong tiningnan ni Mama habang inaayos ko ang iilang mga gamit ko. Sinabi kong papunta na si Naly at magkikita kami sa kanto.
"Saan kayo kakain nina Naly mamaya?" Tanong nya habang pinagmamasdan ako. Hinagilap ko ang cellphone ko para matingnan ang reply ni Naly. Nagmessage daw sa kanya si Mama para i-confirm kung paalis na nga din ba sya ng bahay.
"Sa Ramen Kuroda. Glorietta." Sagot ko nang hindi tumitingin sa kanya habang nagtitipa naman ng mensahe para kay Naly. Nagmessage na rin si Mico na nasa kanto na sya at nag-iintay. Agad kong binitbit ang mga gamit ko para makaalis. Ilang bilin pa ang ginawa ni Mama at huwag ko daw kalimutan na ipakita sa kanya ang sasakyan na susundo sa akin.
Nagmamadali akong isinakay sa backseat ang dala kong travelling bag. Agad akong sumakay at nagpicture ng daan habang byahe para ipakita kay Mama. Nakatingin lang ako sa bintana at sinasagot paminsan minsan ang mga tanong ni Mico. Kinakabahan ako sa magiging byahe ko dahil first time ko magbyahe ulit nang ako lang mag-isa. Nag-uupdate din ako kay Austin. Hindi pa sya nagrereply malamang ay tulog pa dahil sa trabaho kagabi. Ginapang ng konsensya ang puso ko. Kung hindi ko lang kailangan magpasundo kay hindi ko naman gagawin. Nilunok ko ang konsensya at nanahimik na lang.
Agad kami nakarating sa highway kung saan ako maghihintay ng bus. Bumaba ako at kinuha na ang gamit sa backseat ng sasakyan nya. Nagpasalamat ako sa kanya dahil naabala ko pa sya ng sobrang aga. Umalis din agad sya at hindi na inintay na makasakay ako. Wala pang bus na dumating. Naguguluhan pa ako kung saan ba talaga ako sasakay na bus. Hindi pa rin ako nakakapagdesisyon kung saan nga ba ako mas malapit na bababa.
Kalaunan ay nakasakay na din ako. Nag Cubao ako pero bababa ako ng Magallanes para doon ako bumaba at sasakay naman ulit ng bus papuntang Glorietta. Nanginginig pa ako sa kaba habang iniaabot sa kundoktor ang pera pambayad ng bus fare. Huminga ako ng malalim at kinalma ang sarili. Tumunganga na lang ako sa labas ng bintana para matigil ang kaba. Nasa byahe na din ang tatlo kong mga kaibigan. Nagreply na din si Austin sa akin para itanong kung nasaan na ako. Sinabi ko sa kanya na nasa byahe pa ako at inulit sa kanya ang magiging itinerary ko ngayong maghapon bago ako magbyahe papunta sa kanya.
"Gabi ka na magbyahe dahil may ganap pa ako mamayang gabi after ng work. Kung makakaabot ka sa ganap ay ipapakilala kita sa mga friends ko." Mensahe ni Austin sa akin. Birthday nya ngayong araw. Napag-usapan namin na kung madami syang kaibigan na kasama ay baka hindi na ako sumama sa ganap nila. Sinabi naman nya na hindi naman daw sobrang dami. Hindi pa rin ako sanay sa madaming tao, baka mamaya doon pa ako abutin ng anxiety ko.
He also assured me that it's okay if I don't want to meet his friends. Kahit kami na lang muna. Hindi naman nya ako pinipilit na makisama sa ibang tao and I thanked him for that. Pinag-iisipan ko pa kung makikisama ako sa mga kaibigan nya mamaya. Iniisip ko pa lang kinakabahan na agad ako. Iniisip kong hindi ako magugustuhan ng mga kaibigan nya para sa kanya. Wala pa man silang opinyon tungkol sa akin ay guilty na agad ako.
Nakarating ako ng Glorietta ng lunch time. Ako ang huling dumating. Agad kaming nagkamustahang apat. Medyo matagal din kami sa restaurant. Pagkatapos ay dumaan kami ng drug store para bumili ng gamot dahil sumakit pa ang ulo ng isa naming kaibigan dahil sa naging byahe nya.
Nagtungo kami sa coffee shop para doon na magpalipas ng oras sa buong maghapon. Mabait silang tatlo, halos walang pinagbago sa turingan naming magkakaibigan kahit ang tagal na naming mga hindi naguusap. Nagkabiruan pa na magpapicture sa nakita naming local basketball player. Hindi na namin namalayan gabi na pala.
Unang umalis ay ang isa naming kaibigan na may sasakyan dahil sinundo sya ng Tita nya. Ang sabi nya ay may pupuntahan pa sya. Ako naman ako sunod na hinatid ng dalawa kong kasama sa pick-up point sa labas ng mall. Nahirapan pa kami magbook ng Grab papuntang terminal dahil rush hour.
Isinakay nila ako at nagpasalamat ako sa kanila. Nagenjoy ako sa oras na magkakasama kami. Nakarating ako ng terminal. Agad akong nagmessage kay Austin na nasa terminal na ako at magtatanong na ng byahe papuntang Subic. Hindi matanggal ang kaba ko dahil madaming tao dito sa terminal.
9PM pa daw ang available na byahe. Kailangan ko pa maghintay ng isang oras para makasakay. Nakabili n ako ng ticket at agad na umupo sa waiting area. Apat na oras na byahe at sa wakas ay magkikita na kami. Hindi ba matanggal sa sistema ko ang kaba. Kung ano-ano nang senaryo ang nakikita ko.
Paano kung hindi nya pala ako magustuhan? Paano kung yung nararamdaman nya para sa akin ay hindi naman pala ganoon katindi? Paano kung mahiya ako sa kanya at hindi na makapagsalita? Paano kung...malaman nya ang totoo? Fuck.
Nanlalamig ako habang nasa byahe. Hindi ako makatulog. Ang dami kong iniisip. Sobrang kinakabahan ako na excited na hindi ko malaman. Nag-update ulit ako kay Austin nang nasa San Fernando na ako. Agad akong tumingin sa bintana at tinanaw ang labas. Ang sarap magbyahe ng gabi pero hindi ko gaano ma-appreciate dahil sa nararamdaman ko.
Anong gagawin ko kapag nagkita na kami mamaya? Yayakapin ko ba agad sya o shake hands muna? Makikipag-apir ba ako? Beso ba? Kailangan ko bang magbeso sa kanya? Tangina. Hindi ako makahinga sa kaba.
Natatanaw ko na ang terminal. Namamanhid ang kamay ko sa sobrang lamig. Sobrang lakas ng tibok ng puso ko. Bumaba ako ng bus at luminga linga sa paligid. Halos wala nang tao dahil alas dose na rin. Nagmessage ako sa kanya na nasa terminal na ako. Umupo ako sa waiting area. Tiningnan ko ang madilim na langit at napangiti ako. Sa wakas at nandito na ako, sobrang lapit ko na sayo. Konti na lang makakasama na kita.
YOU ARE READING
Serotonin
Non-FictionI wrote all of this about him. He'll never read any of it, so you can. I hope you enjoy it. He would've.
