Entry 22

20 0 0
                                        

"Nakasakay na ako sa tricycle papunta dyan. Akala ko naman malayo ka pa." Pagkabasa ko ng mensahe sa akin ni Austin ay agad akong napaismid. Ako pa talaga ang pinag-intay nya. Akala ko naman pagbaba ko ay agad nya akong sasalubungin. Naiihi pa ako dahil hindi ko nagawang bumaba sa stop over kanina.

Naghanap ako ng comfort room pero nakakandado na ang mga pintuan, marahil dahil malalim na ang gabi kaya nila iyon inilolock. Unti-unti na akong nakakaramdam ng pagkairita. Agad akong bumalik sa kinauupuan ko para maghintay kay Austin. May nakausap pa akong babae na naghihintay naman ng bus.

"Babyahe ka rin papuntang Dau?" Tanong nya sa akin. Itinuro nya pa ang travelling bag na katabi ko. Agad akong umiling.

"Kadarating ko lang. May susundo kasi sa akin. Hinihintay ko pa sya eh." Nahihiya kong sagot sa kanya. Ngumiti naman sya ng tipid sa akin.

"Magbabakasyon ka? Ilang araw? Maraming beach dito. Buti at ngayon ka dumating dahil madalas ang pag-ulan noong mga nakaraang araw. Kahapon lang tumigil." Saad nya. Tumango tango naman ako sa kanya.

"Sabi nga din ng susundo sa akin na maulan nga daw. Buti at ngayon ay hindi na naulan." Tipid kong sagot sa kanya. Wala sa sarili akong napalingon sa likod ko pagkatapos ko sumagot sa babaeng estranghero.

Isang lalakeng nakakulay itim na t-shirt at pants na kulay berde ang naglalakad sa pathway. Kinakabahan kong nilingon muli ang babaeng kausap ko at ngumiti sa kanya. Hindi man ako sigurado pero pakiramdam ko ay si Austin na iyon. Napatingin naman sya sa likod ko at lumingon din ako sa kaliwa ko.

"Tara na?" Sabi nya sa akin. Nahihimigan ko pa ang pagkakatuwa nya. Nakatukod ang dalawang siko nya sa metal railing habang nakatingin sa akin. May ngising naglalaro sa labi nya. Hinawakan nya ang ulo ko at ginulo ng konti ang buhok ko. Nawala ang kung ano mang irita na nararamdaman ko dahil pinag-intay nya ako dito. Gusto ko pa sana magtampo pero hindi ko na magawa ngayon.

Dapat ko ba sya yakapin? Kaso nahihiya ako. Huminga ako ng malalim. Tumayo ako at hinarap sya. Tumuwid na sya ng tayo at umikot na patungo sa akin. Agad nyang kinuha ang travelling bag na nasa tabi ko. Nagpaalam na ako sa babaeng kausap ko kanina at naglakad na kami palayo sa terminal. Sobrang lakas ng tibok ng puso ko.

"Ang tagal mo. Naiihi na ako." suplada kong sabi sa kanya. Hindi ako makatingin dahil nahihiya pa ako. Inakbayan nya ako habang naglalakad. Kinagat ko ang ibabang labi ko para magpigil ng ngiti.

"Sorry na. Binilisan ko naman. Nag tricycle na nga ako kasi wala nang jeep. Doon ka na lang umihi sa motel mamaya. Ibaba muna natin itong mga gamit natin tapos balik tayo doon sa Smokes." Saad nya. Tumango lamang ako para sumang-ayon sa kanya.

Walking distance lang magmula sa terminal ang pinuntahan naming motel. Pinagbuksan nya ako ng glass door para makapasok kami sa lobby. Dikit-dikit ang mga motel at hotels dito. Lilipat na lamang daw kami bukas ng umaga sa mas magandang hotel malapit sa city square.

Kinuha na nya ang susi after nya mag-fill up ng mga details na kailangan sa front desk. Sumakay na kami sa elevator paakyat. Tahimik kami sa loob ng elevator. Naiihi na talaga ako. Hindi pa rin matanggal ang kaba ko. Agad naman nyang binuksan ang pintuan ng room namin. Ibinaba nya ang mga gamit namin sa gilid.

"Nandyan ang CR." Sabi nya. Agad akong nagtungo doon para makaihi na. Medyo maliit lang ang banyong ito. Mabilis naman akong nag-ayos ng sarili. Hindi pa makalabas dahil pakiramdam ko ay hihimatayin ako. Kailangan ko ikalma ang sarili ko.

Naghugas ako ng kamay at tiningnan ang sarili sa salamin. Hindi naman mukhang pagod, pakiramdam ko pa nga ay hindi rin ako kulang sa tulog. Wala akong ibang maramdaman ngayon kundi ang kaba at pagkaasiwa sa kanya. Kung ano-ano na ang tumatakbong negatibong isipin sa utak ko. Huminga ako ng malalim at inayos muli ang lagpas balikat na buhok ko bago lumabas ng CR.

Naabutan ko syang nakaupo sa kama. Nakabukas na ang TV. Nilingon nya ako ng lumabas ako. "Ako naman ang mag-CR." Tumango ako at ako naman ang umupo sa pwesto nya kanina. Iginala ko ang tingin ko sa kwarto. Sakto lamang ang laki nito, may bedside table sa tabi at medyo rinig dito ang mga sasakyan sa labas dahil malapit nga ito sa mismong terminal. Malaki rin ang kama at malinis ang paligid. Lumabas din agad sya ng CR.

"Lilipat tayo bukas ng hotel. Ang ingat dito, hindi tayo makakatulog ng maayos." Bungad nya sa akin paglabas nya. Tumabi sya sa pwesto ko at hinawakan ang kamay ko. Agad bumilis ang tibok ng puso ko kung may mas ibibilis pa ba ito. Tumango ulit ako sa kanya para maitago ang kaba ko.

Kung ano sya sa pag-uusap namin ay ganoon rin sya sa personal. Medyo mahaba ang buhok nya ngayon, kulot at medyo magulo. Naaamoy ko sa kanya ang pinaghalong alak at pabango nya. Malambot ang mga tingin nya sa akin at nangingiti habang pinaglalaruan ang mga daliri ko. "Kamusta ang byahe mo? Hindi ka ba napagod?" Tanong nya sa akin.

Binabasag nya lagi ang katahimikan sa aming dalawa. Nangingiti na rin ako habang tinitingnan na sobrang liit ng mga daliri ko habang nakapatong sa palad nya. Pinagsalikop nya ang mga daliri namin dalawa. "Hindi naman. Nag-enjoy ako sa byahe. Halos tatlong oras nga lang ang byahe ko papunta dito. Expected ko apat na oras ang byahe." Bulong ko sa kanya.

Tumango sya at tiningnan ako. "Gusto mo bang pumunta ng Smokes?" Tanong nya sa akin. Kinalas ko ang hawak ko sa kamay nya at tumayo ako. Hindi ako mapakali dahil sobrang lakas ng tibok ng puso ko. Pakiramdam ko lulubog ako sa kinauupuan ko kanina. "Sobrang dami bang tao?" Tanong ko sa kanya habang paharap ako sa kanya. Agad nyang hinawakan ang kamay ko at hinila ako papunta sa kanya ng marahan.

"Hindi naman. Mga kaibigan ko lang ang nandon." Tinitingala nya na ako ngayon. Dahan dahan syang yumakap sa may bewang ko. Ang gilid ng ulo nya nakalapat malapit sa dibdib ko. Agad ko rin syang niyakap pabalik. Binalot kami ng katahimikan. Pinadaan ko sa mga hibla ng kulot nyang buhok ang mga daliri ko. Gusto kong maiyak sa nararamdam ko ngayon. Ngayon ko lang maramdaman ang ganito.

"Fuck. Ito yon. Ito yung matagal ko nang gustong maramdaman." Bulong nya. Humigpit ang yakap nya sa bewang ko. Napapikit ako at wala sa sariling napatango. Oo, ito iyon. Nawala ang kaba ko. Hindi mapaglagyan ang saya na nararamdaman ko ngayon. Sa unang pagkakataon nawala lahat ng pangamba ko. Nawala lahat ng mga iniisip kong hindi maganda. Napanatag at nakuntento ako. Wala akong ibang maramdaman kundi ang malakas na tibok ng puso ko. Masakit na masaya.

Dahan-dahan nya akong hinila at pinaupo sa kanyang hita. Tinitigan nya ako at kitang kita ko sa mga mata nya na parang kay tagal nyang hinintay ang pagkakataon na ito. Inilapit nya ang kanyang mukha sa akin at dinampian ng halik ang labi ko. Marahan at banayad na halik. Isinabit ko naman ang aking dalawang braso sa kanyang mga balikat upang mailapit pa lalo ang sarili ko sa kanya. Ramdam na ramdam ko ang lahat. Pagmamahal at pangungulila ko sa kanya.

Hindi ko pakakawalan itong pakiramdam ko ngayon. Mahal na mahal ko sya. Hindi ako halos makahinga pero hindi ako natatakot sa kahit ano o kahit saan dahil magkasama kami. Ayoko nang matapos ito. Sana hindi na matapos ito.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Feb 02, 2025 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Serotonin Where stories live. Discover now