SARANGGOLA

1.2K 39 20
                                    

I
Patpat, papel de hapon at saka kola,
Buto at katawan kapag pinagsama.
Palikpik, dikit sa magkabilang tabi,
Buntot, pakendeng, yaring papel at tali.

II
Pisi, pininong bubog saka pang-ikit,
Gamilyang habang tali, ipinangsirit.
Paitaas ang pukol, ipalulutang,
Gumuhit paigkas at pumailanlang.

III
Ngayo'y naglalaro sa himpapawirin,
Nagsasayaw at humaharot sa hangin.
Nagpapasya siyang may hawak ng tali,
Ngayo'y tayog ng pangarap ang kaiwi.

IV
Hindi gagawarang maging isang ibon,
Halikan ang ulap sa lakas na ipon?
Hindi matutumbasan sakay sa amihan,
Halinhan ang lungkot ng kaligayahan.

V
Minsan, buhay kawangis ng saranggola,
Malas ang palad, talunan sa digma.
Napapadpad sa'n mang itulak ng hangin,
Napapagal, sadlak sa bingit ng bangin.

VI
Kung nasa tugatog umereng tagumpay,
Nalalasing, hibang sa saganang buhay.
Kung mahilo'y lagpak sa batuhang lupa!
Nagsisisi sa mga sala't lisyang gawa.

VII
Wasak ang papel, bali-bali ang patpat,
Binusal na panaghoy hindi maampat.
Wakas, rikit ng tinatamasang rangya,
Balakyot ay lipas, hininga'y wala.

Buwan ng Abril,
10th Avenue, Gracepark,
Lungsod ng Caloocan

MGA TULA NG NAKARAANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon