**Pindatic Ode
I
Dumatal panahon ng tag-araw,
Gaya ng hindi inaasahan,
Lamang akala'y pangkaraniwan,
Pakiwari ko'y unang pagdalaw.
Buong liwanag isinambulat,
Bawat paningin isiniwalat.Amihan, sa iyo'y sumasabay,
Sa aplaya, hangi'y bumabaybay.
Butil ng buhangi'y kumikinang,
Bundok sa palibot nalilinang.
Maaliwalas buong paligid,
Kalayaang bigay lubhang sugid.II
Ngunit dumating isang araw,
Nakita, unang pagkakataon.
Pansin, sa iyo lang nakatuon.
Sa pagtingin mo tila balaraw,
Tumarak sa 'king dibdib na hungkag,
Pinunan ng larawang marilag.Nakipaglaro mula umaga,
Oras lumaon 'di alintana.
Kahilinga'y wala itong wakas,
Maghapo'y huwag sanang lumipas.
Ngunit karaniwan sa paghapon,
Araw ay sa dagat bumabaon.III
At muli'y dumating ang tag-araw,
Alindog mo'y sabik na masilay.
Pinagsamahan nawa'y mabulay,
Saan mang dako hindi matanaw.
Kahit alimpuyo na bumaling,
Sa apat na sulok 'to'y kumiling.Maghihintay sa sunod na taon,
Magbalik sa aming munting nayon.
Ipagsama sa tabing-dagat,
Magyayapak sa buhanging bulak.
At tag-araw na walang hanggahan,
Hanggang sa dulo ng dalampasigan.Buwan ng Marso
Barangay Potrero
Lungsod ng Malabon
BINABASA MO ANG
MGA TULA NG NAKARAAN
شِعرKOLEKSYON NG MGA TULA NA INILIMBAG NG NAKARAAN, AYON SA NATATANGING KARANASAN.