O, KUPIDO

94 1 0
                                    

**Shakespearean Sonnet

I
O, kupido, pamosong kupido,
Nasok sa buhay ko nang palihim.
Tinudlang dibdib ng 'yong palaso,
Puso'y umantig, hinga'y lumalim.
Tinuruang umibig, suminta,
Sa dilag na may tinanging yumi,
Ganda'y lubhang nakahahalina.
Laging nasa, masilay mga ngiti,
Sinubukang lumapit, manligaw.
Ihayag laman ng kalooban,
Isipa'y siyang isinisigaw.
Tuwina'y sambitla kanyang ngalan,
Ngunit biglang nanghina, sumemplang
Nang binigo, isipa'y nabuang.

II
O, kupido, bastardong kupido,
Ika'y singaw at walang magulang.
Biglang litaw, wangis kinatha mo,
Hindi tao, walang pinagmulan.
Buong mundo ko'y pinaniwala,
Pangakong dilag mapapaibig.
Sa katulad kong hitsura'y wala,
Sa halip malay ko'y naligalig.
Halos mabaliw, nais mag-amok,
Dumatal sa dulo ng sukdulan.
Dalamhating sanhi'y utak-lamok,
Umaktong sobra't may katangahan.
Nanlumo at uwido'y humina,
Naliyo, kapasyaha'y gumitna.

III
O, kupido, sutil at maloko,
Dibdib niligalig nang masidhi.
Bawat saglit puso'y nalilito,
Inakalang damdami'y lumandi.
Katapatan sa dilag inalay,
Ganti sa sumpaa'y taliwakas.
Tiwala ng puso'y ibinigay,
Ngunit sinta'y sa iba tumakas.
Binola't pinaikot ang isip,
Hinimok sa huwad yaring utak.
Pasakit, wala kang pakialam,
Pagkamuhi'y hindi mapaparam.

IV
O, kupido, mapagpaimbabaw,
Palaso'y ipinagmamalaki.
Pag-ibig na aral pawang rabaw,
Dulot ng pag-asam purong hapdi.
Kinalmang sarili may pagpilit,
Likidong gamit mayro'ng kamandag.
Binulay nangyaring ipinalit,
Lamuyo sa piling ng magdamag.
Kalooban ngayo'y tumatangis,
Napagtantong sa una'y magsisi.
Upang di masila ng mabangis,
Muang maiwasang masalisi.
Bagamundong puso'y pasasaan?
Manatiling hitad sa kawalan?

Buwan ng Marso
Barangay Potrero
Lunsod ng Malabon

MGA TULA NG NAKARAANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon