GITARA

707 41 14
                                    

I
Mga hagod, umindayog hanggang paibaba,
Bisig di-kalaparan ngunit sapat ang haba.
Mga tali na pawang nakahilera'y matigas
Batak, hinila at umikit sa itaas.

II
Ikinasa sa kandungan saka inilapit,
Hinawaka'y bisig, sinimulang kumalabit.
Ipinantay sa pagtinig ayon sa pagkinang,
Hinagap ang bawat iwa sa datihang linang.

III
Pagkalabit, ugong animo'y umaawit,
Nagpapahele sa atubili't munting paslit.
Nagsisindi ng damdamin na tulog at hingal,
Naglalambing sa dibdib na malupit at pagal

IV
Pagkalabit, tunog may dulot na humikayat,
Nagpapalamig sa kapootang labis umangat,
Nagpapakalma sa litong ugat na binuhol,
Nagpapalambot sa pusong batong may bukol.

V
Pagkalabit, himig ay kusang ibinibigay,
Nagpapaligaya sa kalungkutan ng buhay,
Naglalagay sa dahon ng mga kulay at pinta,
Nagsasadya sa puso, pag-ibig walang hangga.

Buwan ng Marso
Barangay Potrero,
Lungsod ng Malabon

MGA TULA NG NAKARAANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon