ILAP

252 7 4
                                    

Ang tula na ito ay inihahandog ko sa kanya.
Hindi nagsasawa sa pagsagot sa aking mga tanong, kakulitan at paggagambala.
Pinag-ukulan ng pansin ang aking interes, opinyon
at sampatak na pampersonal na bagay.
Huwag ka sanang magbago. Isa kang kaibigan na tunay.

I
Sa malayo nakapirmi,
Halatang ika'y mailap.
Sa malapit nanatili,
Humahagibis sa pag-irap.

Halatang ika'y mailap.
Kung tawagi'y 'di luminga.
Humahagibis sa pag-irap,
Kumurap, pigil hininga.

Kung tawagi'y 'di luminga.
Magpakilala, nais ko.
Kumurap, pigil hininga.
Magpahayag sana sa 'yo.

Magpakilala, nais ko,
Gaya ng 'sang kaibigan.
Magpahayag sana sa'yo,
Gamit loob, kababaan.

II
Gaya ng 'sang kaibigan,
Huntahan ng ilang oras.
Gamit loob, kababaan,
Hanggang sa araw ng bukas.

Huntahan ng ilang oras,
Makilala, isa't-isa.
Hanggang sa araw ng bukas,
Matantong katoto pala.

Makilala, isa't-isa,
Lumaon pa ang panahon.
Matantong katoto pala,
Lumapit pati alon.

Lumaon pa ang panahon,
Pag-asa itong sumilay.
Lumapit pati alon,
Pagsilip nitong liwayway.

Buwan ng Nobyembre, 2015
Lungsod ng Doha,
Bansang Qatar

MGA TULA NG NAKARAANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon