TIKATIK SA TAG-ARAW

70 2 0
                                    

Mula sa estilo ni Dylan Thomas

I
     Nang ang bagyo ay lumayo
Nang iwan ng ulan ang isang bahagi
     Makulimlim paligid nito
               Kundiman
          Wari'y tugtuging
Bumabalot ang lamig sa buong balat
Hanggang manuot sa mga kasukasuan
          Gaya ng tali
               Humigit
     Sa katawan ang kalamigan.

II
     Nang ang araw ay sumilip na
Bahaghari nama'y tumambad sa lambak
     Magbibigay rin ng pag-asa
               Sa lahat
          Maging sinoma'y
Mabighani sa arko ng pitong kulay
Kumakaway ibat ibang uring sinag
          Sa kaninoma'y
               Hikayat
     Sa bawat bibig, mangingiti.

III
     Nang silahis biglang sumibat
Lumagos sa hibla nitong tubig-ulan
     Lumikhang pangkat ng mga kulay
               Kumulog
          Badyang tapos na
Pagbuhoss ng ulan, tuluyang nagwakas
Panibagong bukas ngayo'y nahahanda
          Kasiyahan di'y
               Kumalat
          Sa paligid ng kakahuyan

IV
     Nang kumalat buong liwanag
Yumakap tubig-baha sa mga ulap
     Gumapang sa bawat lansangan
               Umagos
          Tinakpa'y kalye
Lumangoy ang mga basurang alaala
Sanhi'y nakaraan ng mga buhay
          Alintana ri'y
               Sumabit
     Sa mga tuyuang pilikmata

V
     Nang maiwan buong tikatik
Pumatok mga pinong kristal nang marahan
     Nagdulot ng kinang patalsik
               Gumapang
          Sa pisnging humpak
Bumagsak sa maputlang mga tuyong labi
Natikma'y kapaitan ng mga lumipas
          Sa buong araw
               Tikatik
     Sa tag-araw ay may tikatik

Barangay Tinajeros
Lungsod ng Malabon

MGA TULA NG NAKARAANTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon