Sabado.
Ang aga ko pa namang gumising. Imbes na natutulog pa sana ako ngayon.
Ang usapan alas-nuebe. Pero nine-thirty na wala pa siya. Akala mo kung sinong matinong kausap. Naka-six hundred na bilang na ako ng mga taong dumadating sa city hall. Hindi pa dun kasama yung mga taong hindi pansinin.
"Kanina ka pa?"
Nilingon ko ang pinanggalingan ng boses. Sinimangutan ko siya.
"Ang tagal mo. Akala ko ba nine?"
"Sorry, hindi nag-alarm yung cellphone ko kanina. Hindi pa nga ako nag-aalmusal eh. Pwedeng daan muna tayo kahit sa 7Eleven lang?"
Ako din naman hindi din nakapag-almusal. Akala ko nga late na ako. Tapos mas malala pa pala itong babaeng ito.
"Tara na. Pasalamat ka gwapo ako."
Napamaang siya. Akala niya siya lang ang malakas ah. Ako din kaya.
Narating namin ang pinakamalapit na 7Eleven at kaagad siyang naghanap ng kakainin. Kumuha ako ng sandwich saka ng Vitamilk at kaagad na tinungo ang counter. At dahil may dalawang customers pa ang nakapila sa unahan ko, ilang sandali lang ay naabutan niya na ako sa pila.
Tinignan ko kung anong kinuha niya.
"Mahilig ka pala sa hotdog."
Umiwas siya ng tingin. Bigla yatang nahiya. Pinansin ko lang naman na mahilig siya sa hotdog kasi nga dalawa yung kinuha niya.
Aaaah, kaya pala. Grabe, kababaing tao bakulaw kung kumain.
Pagkatapos naming magbayad ay naupo kami sa pinakasulok kung saan tanaw ang mga tao at mga sasakyang dumadaan sa labas. Hanggang ngayon umiiwas pa rin siya ng tingin sa akin.
Kumagat ako sa sandwich. Habang siya ay kasalukuyan pa lang na inilalagay ang ketchup at manhattan dressing sa hotdog niya. Sunod kong napansin ang kinuha niyang inumin.
Beauti Drink.
"Seryoso, naniniwala kang gaganda ka kapag ininom mo 'yan?"
Sa wakas ay tumingin na siya sa akin. Pero seryoso. Umiinom talaga siya nun? Porke maganda lang yung packaging akala niya gaganda na din siya. Pero sabi nga nila maganda daw siya. Baka nga effective.
"May one thousand milligram ng marine collagen kaya ito. Good for skin yun. Ikaw kanina pa ang dami mong napapansin. Pakialamero ka din pala."
"Sabi ni Dad, maaari mo din daw makilala ang isang tao sa mga pinipili niyang pagkain. At sabi nga ng isang gasgas na linya, you are what you eat."
Napatingin siya sa kinakain niya. At natawa ako sa kasalukuyang inaakto niya. Pag sa loob ng classroom akala mo kung sinong smart kid, may pagkaengot din pala.
"Kaya nga sobrang ganda ko 'di ba? Dahil sa Beauti Drink na ito. Try mo."
Umiling ako.
"Tingin mo kailangan ko pang uminom niyan?"
Umikot yung mga eyeballs niya.
"Kung yung mga genius nga hindi tumitigil sa pag-aaral. Yang mukhang yan pa kaya. Kailangan niyan ng very close maintenance."
Hindi ko alam pero imbes na mainis eh natawa pa ako. Okay. Mukhang na-underestimate ko itong babaeng ito.
"Kesa naman yang mukha mo. Sampung drums ang kakailanganin niyan."
Sumimangot siya.
"Wag kang sumimangot. Kamukha mo yung takip sa Mogu-mogu."
Lalo pang sumimangot yung mukha niya. Hindi ko na napigil ang matawa.