Sunday morning.
Nakakaantok. Ang aga kong nagising kanina. Seven pa lang nambubulabog na sina Ali at Kia. Aattend ng third mass pero yung preparation two hours. Biruin mo yun. Dalawang oras kung magpaganda.
Baka naman may pinagpapagandahan. Patay tayo diyan. Yung basketbolistang totoy na naman. Panira sa buhay. Hindi na lang ipirata ng ibang school. Balita kasing may mga schools na nag-iinteres doon.
Okay sige na. Siya kasi ang star player ng school namin. At oo magaling nga siya. Ang sabi pa nga inaalagaan na siya ng isang sikat na university sa Manila para pag graduate niya ay siguradong sa university na iyon na siya tutuloy ng college. Pero hindi pa rin mawawala ang sinabi ko noon. Mahina daw ang utak niya kaya bumabawi na lang sa pagiging varsity player. Ganun nga yata talaga. Hindi sa lahat ng bagay nakaaangat ka.
Nasa kalagitnaan kami ng homily ni father. Pag itong pari pa namang ito ang nagmimisa eh sobrang haba. Ang daming sinasabi. Frustrated talk show host yata. Active nga daw sa facebook. Syempre todo likes naman yung mga estudyante sa bawat status niya. Nakiki-close.
Kaya naman kapag hindi talaga kayang ipasok sa kukote yung mga sinasabi ni father eh hindi sinasadyang nakakagawa ka pa ng kasalanan. Kapagkuwan kasi'y hindi maiiwasang mahagip ng mga mata mo ang mga bagay-bagay na hindi na dapat pang pinupuna. At mamamalayan mo na lang nakakapag-isip ka na ng hindi maganda sa kanila.
Hayyy. Ang hirap magconcentrate.
Naramdaman ko ang mariing pagsiko ni Ali sa akin. Nasa dulo ako katabi niya. Katabi niya naman si Kia at katabi naman nito sina Joan at Leila.
"Halatang hindi ka nakikinig. Magconcentrate ka nga sa homily ni father."
"Eh sa ayaw kong makinig. Boring."
"Best part nga ang homily. Yun yung babaunin mo paglabas ng simbahan. Saka syempre yun yung basehan ng Gospel reflection natin bukas kay Ma'am."
"Eh di babasahin ko na lang bukas yung sa'yo tapos gagawan ko ng version ko."
Sasagot sana siya nang kalbitin siya ni Kia. May kakaibang ningning sa mga mata nito. Hindi ko alam kung ano pero parang hindi ko nagugustuhan.
"Si Jordan nasa likod natin. Pang-anim na upuan mula sa atin."
Sabi ko na nga ba.
Nagsingitian naman na parang nakakaloko yung tatlo.
Tinignan ko ang reaction ni Ali. Mukhang kinikilig din pero ayaw ipakita. Nakakainis siya.
"Wag mong sabihing lilingunin mo siya?"
Hindi ko na napigilan ang sarili ko.
"Lilingunin lang naman ah?"
"Makinig ka kay father. Nagho-homily siya o."
Tinignan niya ako na parang sinasabing 'look who's talking.'
"Eh kung ayoko din?"
Hindi ako tumugon. Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag ang nararamdaman ko. Tinitigan ko na lang siya ng matagal. Makuha ka sa tingin.
"Okay. Sige. Magco-concentrate na. Ikaw din."
Napangiti ako. Hahaha. Buti naman. Hindi na siya lilingon sa unggoy na iyon.
"Sabi mo eh."
Ngumiti din siya. Hindi ko alam kung para saan pero natutuwa ako na hindi siya titingin sa lalaking iyon dahil sa akin.
Not bad. Okay din naman palang makinig dito sa mga sinasabi ni father paminsan-minsan. Hindi ko lubos akalain na nagawa kong tumagal ng ilang mahabang minuto sa pakikinig sa kanya. Kahit paminsan-minsan din ang pagsulyap ko kay Ali.