"Ang daya nito."
Napangiwi siya.
"Sorry. Dysmenorreah. Hindi talaga kinaya."
Napailing ako. Pumasok na siya ngayong Martes. Maaliwalas ang mukha niya. At nasa kalagitnaan kami ng paghihintay sa flag ceremony. Nakatingin na naman yung ibang kaklase at kapwa namin mga estudyante. Pero wala akong pakialam sa kanila ngayon. At mukhang ganun din siya.
"Ganyan ka naman talaga."
Ngumiti siya.
"Ang galing mo nga daw sabi nila Kia. Napabilib mo nga daw si Sir Miguel. Inspired ka siguro 'no?"
Umiling ako.
"Kung alam ko lang na aabsent ka hindi na sana ako pumayag noon pa na ikaw ang partner ko."
Natawa siya. Nakakasabay na siya ngayon sa mga biro ko.
"Babawi ako. Lilibre kita."
"Talaga? Gusto ko din sa Rosetta."
Natawa ulit siya.
"Candy lang ang kaya kong ipanglibre sa'yo."
Ngumiti lang ako. Tumunog na ang bell. Magsisimula na ang flag ceremony. Ang bahaging ito sa eskwelahan na ngayon lang yata ako naging masaya.
Recess.
Naiirita ako noon sa tuwing nakikita kong kasama ni Ali ang mga kaibigan niya. May maarte, may maingay, may bulong din ng bulong tulad niya at halos lahat yata sila grade conscious.
At hindi ko kailan man naisip na makakasabay ko silang kumain. Tulad ngayon.
Pinilit niya ako. Makulit talaga siya. Sumama na lang ako. Sayang kung mabubura lang ang maaliwalas niyang mukha.
"Stephen naalala mo, naikuwento ko sa'yong crush ka nitong si Kia. 'Di ba Kia?"
Tinignan ko si Kia. Bahagyang namula ang mga pisngi nito. Lakas din ng tama nitong si Ali. Kung magshare ng crush ng iba parang wala lang.
"Parang hindi naman."
Turan ko na lang. Ayokong maging awkward sa ganitong sitwasyon na sila-sila lang ang may alam ng sikreto ng bawat isa.
"Ang cute mo kasi. Suplado ka lang eh. Pero cute ka pa rin."
Si Kia. May dating din naman. Pero parang hindi naman ako gaanong tinablan nang malaman kong crush niya nga ako. Hindi ko alam. Cute ba talaga ako? Parang mas bagay ang gwapo.
Usually kasi kapag maganda ang isang babae at nalaman mong crush ka niya, parang automatic magugustuhan mo na din siya. Kasi alam mong malaki ang pag-asa mo sakali mang ligawan mo siya. Saka isa pa nanliligaw sa kanya yung tigasin naming kaklase at pinakamataas ang ranggo sa mga CAT officers.
"Hindi ako naniniwala. Laging sinasabi nitong si Ali na pangit ako."
"Sinabi mo yun sa kanya, Tarts?"
Si Joane naman yun. Tarts ang tawagan nilang magkakaibigan sa isa't-isa. Hindi ko alam kung saan galing iyon. Ang dami talaga nilang alam.
"Di ba crush mo din siya dati?"
Si Leila naman yon. Nadulas yata at biglang tinakpan ang bibig.
Tinignan ko si Ali. Namumula siya.