Do Not Mistake The Sparks When They're Just Old Light

82 3 0
                                    

Hindi ko alam kung bakit maluwang ang ngiti niya ngayon.

Mas matamis kesa sa mga ngiti niya noon. Gusto ko siyang lapitan pero parang hindi ko kaya. Ewan ko ba. Hindi ko naman siya nilapitan kahit kailan. Laging siya ang lumalapit sa akin. Parang ang hirap niya tuloy lapitan ngayon.

"Ang ganda talaga ni Ali 'no?"

Nilingon ko ang katabi kong si Robin. Akala mo kung sinong busy kanina sa pangongopya ng assignment, nakikiramdam din pala. Wala kaming klase ng first period ng hapon dahil busy si Ma'am Rosanne sa Mirranda. Malapit na naman kasi ang screening para sa mga bagong myembro ngayong school year.

"Tapusin mo na lang yang ginagawa mo kung gusto mong makahabol sa deadline niyan."

Buti na lang yung sa akin ginawa na ni Kia.

"Pero maganda si Ali 'di ba?"

Nanunukso yung mga ngiti niya. Nanghuhuli.ang mokong.

"Type mo?"

"Oo naman. Bakit ikaw Stephen, hindi ba?"

"Nakakapagod siyang tinitignan."

"Bakit naman?"

"Maya't-mayang may pinagagawa sa kanya. Kung anu-anong ginagawa. Masyadong pabibo."

"Dahil lang dun? Sino bang type mo dito sa school?"

Marami din namang magaganda sa school. Yung tipong maglalakad ka lang sa daan, mag-aalangan ka pa kung hihinto o lilingon pabalik matapos kang makasalubong ng magandang schoolmate. Physically attracted, ilang beses ko din namang naramdaman yun. Pero lahat yun hanggang doon lang. Kapag maraming beses mo na silang nakita, magsasawa ka na din sa mga mukha nila. Kaya sa bandang huli, wala pa rin talaga sa hitsura kundi sa personality.

"Type mo si Ali."

Tinignan ko siya ng masama. Nambibintang wala namang pruweba.

"It's okay, Stephen. Wala namang masama dun."

Ang kulit. Hindi nga. Nakakapikon.

"Hindi nga sabi eh."

Natawa siya.

"Yan ang gusto ko sa'yo eh. Hindi ka marunong magsinungaling kapag umiinit yang ulo mo."

Pinabayaan ko na lang. Iisipin ko na lang na mayroong thirty-one days ang January at twenty-eight lang ang sa February although every four years twenty-nine. Kailangan ng matinding pang-unawa ang batang ito.

"Tignan mo sila ni Herson. Feeling ko may lihim ding pagtingin yang si Herson sa kanya. Dinadaan niya lang sa friendship eh."

Ginawi ko ang paningin ko sa kanila na kasalukuyang nagtatawanan sa gilid ng pintuan. May pumasok sanang isang batalyong gorilla para mabungo sila.

Alam ko iyon. Yun din ang kutob ko. Pero yung isa naman tawa lang ng tawa. Masyadong inosente sa mga bagay-bagay.

"If I were you, mag-i-interrupt ako. 'Di ba close naman na kayo? Epal yang si Herson kaya susuportahan kita kapag ginawa mo yun."

Tinignan ko ang mukha ni Robin. Ayokong umamin pero naeengganyo akong gawin ang sinasabi niya.

"Anong tingin mo sa akin, uto-uto? Makalabas na nga, ang daldal mo."

Tumayo ako mula sa kinauupuan ko. I won't interrupt. Gusto ko lang talagang lumabas ng classroom dahil nagsisimula na namang magdaldalan ang mga kaklase ko. Ang iingay nila.

Pero hindi ko din mapigilang isipin yung sinabi ni Robin. Siya din namang dadaan ako sa pintuan para lumabas. Kapag dumaan kaya ako mapapansin niya ako? At pag napansin niya ako baka sakaling kausapin niya ako.

Broken RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon