#1

1.3K 49 1
                                    

Paalala: Bawat kabanata ay maiikli.

#1

MALUNGKOT na umuwi ang binata mula sa bahay ng kanyang niligawan. Matapos kasi ang mahigit isang taon niyang panliligaw sa dalagang gusto niya, ay sa wakas ay sinagot na siya nito. Pero hindi isang matamis na oo, kundi isang masakit na sorry.

"Sorry Reynel, pinilit kong magustuhan ka... p-pero wala talaga. Pasensya ka na kung nasayang ang lahat ng effort mo. Sorry... masaya rin ako kasi ikaw lang ang bukod tanging umakyat ng ligaw sa bahay... kaso, ayaw kong mapagod ka. Sorry talaga, p-pero... kailangan mo nang tumigil sa panliligaw sa akin," malungkot na sabi ni Angel sa binata. Nalulungkot din siya sa gagawin niya, pero kahit anong pilit niyang gustuhing mahalin ang binata ay talagang wala.

Mahirap ipilit ang isang bagay, lalo na kung hindi ka magiging masaya.

Nalungkot ang mga magulang ni Angel sa nangyari. Napalapit na rin kasi sila sa binata. Pero iginagalang nila ang desisyon ng anak. Pero ang siguradong malulungkot ay ang nag-iisang kapatid ng dalaga na si Arthur.

Magmula kasi nang umakyat ng ligaw si Reynel sa dalaga ay lagi na itong nakikipaglaro sa kapatid nitong anim na taong gulang. Parang tunay na kapatid na kuya na nga ang turing nito sa binata. Kapag linggo ay ipinapasyal niya ito lagi. Kaso, baka dahil sa nangyari ay baka bihira na nitong makasama si Reynel. Bata pa ito at baka hindi nito maintindihan ang nangyari sa kuya-kuyahan at ate niya.

NAPAPUNAS na lang ng luha si Reynel dahil sa mga nangyari. Hindi na rin niya napigilan. Masakit kasi, mahal na mahal niya ang dalaga, pero kailangan niyang igalang ang desisyon nito.

"Ayos lang ako... mawawala rin ang sakit nito," wika ni Reynel sa sarili at agad pumasok sa silid niya. Hindi na siya nakakain. Isa pa, mag-isa lang siya sa bahay na kanyang tinutuluyan kaya wala namang makakapansin sa kanya. Isa lang din ang sigurado, bubuhos ang luha mula sa nagdurugo niyang puso sa gabing iyon.

LabstoriKuno (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon