#23

505 26 2
                                    

#23

KINABUKASAN, ramdam ni Reynel na magaling na siya. Naisipan na niyang pumasok. Dalawang araw rin siyang nawala. Sandali pa siyang napatingin sa dala niyang cellphone, ito ay iyong ipinahiram ni Rachel na may Hello Kitty.

Sa pagdaan niya sa tapat ng pinto ng bahay ng dalaga ay tila may kakaiba. Pakiramdam niya ay parang may nagbagong hindi niya maipaliwanag. Sandali siyang napatingin sa oras, maaga pa naman daw. Naisipan tuloy niyang katukin muna ang dalaga.

Hindi niya alam, pero parang nawalan siya ng hiya na nararamdaman nang katukin niya ang pinto.

"Miss Sungit! Good morning!" sabi pa niya. Ngunit ilang segundo na ang nakakaraan ay wala pa ring nagbubukas ng pinto. Bukas naman ang ilaw sa loob kaya alam niya na nandoon ang dalaga.

Naalala niya, hindi pa siya nakakapag-sorry sa mga nasabi niya noong isang araw. Tapos, hindi na rin niya ito nakausap matapos siyang talikuran ng dalaga noong umaga ring iyon. Naisip niyang baka galit ito sa kanya.

Kinatok uli niya ang pinto hanggang sa narinig niya na may lumapit doon.

"Ano'ng problema mo Mister? Ke aga-aga, natutulog pa tao rito!"

Napangiti si Reynel.

"Galit ka ba sa akin?"

"Bakit ako magagalit?"

"Wa-wala naman. Bakit kasi hindi mo ako pagbuksan?"

"Ayaw ko nga! Bakit hindi ka pa pumasok? Male-late ka na."

"Maaga pa, gusto ko munang mag-sorry at mag-thank you sa 'yo..." Sumandal si Reynel sa pinto, samantalang sa kabila ay gano'n din si Rachel na may lungkot ang mga mata.

"Wala iyon! Ang yabang mo huh, ang lakas na ng loob mo. Iba talaga kapag luma-lovelife," ani Rachel na napayuko.

"Luma-lovelife? Hindi pa naman kami ah?"

"Doon din naman ang punta noon. Kaya maging masaya ka na kasi kahit pangit ka, may nagmahal na sa 'yo."

"Oo na... Pangit naman talaga ako." Napapangiti si Reynel pero hindi niya maipaliwanag ang tila kakaibang atmospera ng paligid.

"Ang totoo, hindi ka naman Reynel pangit..."

Napatawa ang binata. "Ba't parang bumait ka?"

"Gago ka! Hindi ako mabait sa 'yo!"

'Eh, ba't mo nasabing hindi ako pangit?"

Napahikbi si Rachel.

"Dahil hindi talaga... w-wala ka lang talagang tiwala at bilib sa sarili mo..."

Tila may kung ano siyang naramdaman sa mga narinig niyang iyon. Napatingin siya sa oras, naisipan niyang mag-abang na ng masasakyan.

"Miss Sungit, aalis na ako!" Inilayo na ng binata ang likod niya sa pinto at naglakad palayo. Doon ay unti-unting bumukas ang pinto ng bahay.

"Hoy!"

Napatigil ang binata. Parang nakaramdam siya ng kakaiba. Hindi niya maipaliwanag, kaya nilingon niya ang dalaga.

"Reynel..."

"R-rachel?" Nagulat si Reynel nang bigla siyang lapitan ng dalaga. Doon ay naramdaman niya ang pagdikit ng kanilang mga labi. Napapikit silang dalawa. Umiiyak ang dalaga habang si Reynel ay nakaramdam na tila lumulutang siya.

Matapos iyon ay dahan-dahan silang naglayo. Tila hindi makapaniwala sa mga nangyari. Napatingin si Reynel sa dalaga at doon ay nakita niya itong umiiyak.

"R-rachel?"

Natigilan siya nang bigla siyang yakapin ng dalaga.

LabstoriKuno (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon