#WAKAS

863 37 22
                                    

#WAKAS

LUMIPAS ang mga araw, tila naglaho si Angel sa buhay ni Reynel. Hindi na siya tinetext nito. Ni kumusta nga ay wala. Ngunit nang mga sandaling iyon ay parang wala na lang sa kanya ang mga nangyaring iyon. Ang tanging inaalala na lang niya ay si Arthur. Hindi na rin niya iyon nakukumusta hanggang sa naisipan niyang puntahan ang mga ito isang hapon pagkalabas niya mula sa trabaho.

"Tao po!" malakas na tawag ni Reynel sa labas ng gate ng bahay nina Angel. Napansin din niya ang isang itim na motor sa tabi. Alam na kaagad niya kung kanino iyon.

Maya-maya pa ay iniluwa ng pinto ng bahay si Arthur.

"Kuya!" sigaw kaagad ng bata at nagtatakbo kaagad sa may gate para pagbuksan si Reynel.

Agad kinarga ng binata si Arthur habang hawak sa isang kamay ang isang balot ng tinapay na kanyang pasalubong.

"Na-miss mo ang kuya?" nakangiting tanong ni Reynel.

"Oo kuya! Wala na nga akong makalaro rito!"

"Nandiyan ang papa at mama mo?" tanong uli ng binata na naglakad na papunta sa bahay.

"Nasa loob po sila. Kinakausap si kuya Martin."

Napatango na lang si Reynel at agad ibinaba si Arthur nang makarating sa tapat ng pinto. Huminga muna siya nang malalim at doon ay dahan-dahan siyang pumasok.

Nakita kaagad siya ng mga magulang ni Angel na nakaupo sa salas. Nandun din si Angel at si Martin. Nakita rin niya ang bulaklak sa ibabaw ng mesa.

"Magandang hapon po!" nakangiting sabi ni Reynel.

"Dinalaw ko lang po si Art," dagdag pa ng binata. May kaunting kurot sa kanya ang senaryong iyon pero hindi na iyon tulad ng dati.

Parang nailang naman ang mga magulang ni Angel nang dumating ang binata pero wala na rin naman silang magagawa. Habang si Angel, bigla siyang nalungkot... napaglaruan niya ang damdamin ni Reynel. Akala niya, mahal niya ang binata pero nang dumating si Martin ay hindi pala. Nahihiya siyang aminin iyon sa lalaking minahal siya nang walang kapalit... sa lalaking umasa sa wala mula sa kanya.

Dumiretso si Reynel sa k'warto ni Arthur at doon na sila nagkuwentohan at naglaro. Hinintay rin muna ng binata na makaalis si Martin bago lumabas.

Ilang sandali pa ay may kumatok sa pinto ng kuwarto ni Arthur.

"Art? Rey?" Boses iyon ng mama nito. Agad nila iyong pinagbuksan. Sa pagbukas ng pinto ay kay Reynel kaagad ito tumingin.

"Kumusta po tita. Long time no see!" nakangiting sabi ni Reynel.

Nakaramdam naman ng lungkot ang mama nina Angel. Pareho boto silang mag-asawa kay Reynel. Iyon nga lang, hindi ito ang gusto ng kanilang dalaga. Wala silang nagawa.

"Sorry Rey..." Napayakap na lang ang ginang kay Reynel.

"B-bakit po kayo tita nagso-sorry?" tanong agad ng binata.

"Alam naming nasaktan ka ng anak namin... pero sana, maging masaya ka pa rin."

Napangiti naman si Reynel.

"Tita, salamat po. Para ko na rin po kayong pamilya. Kayo ni Tito... Kasama po sa buhay ang masaktan pero alam ko, magiging okay rin po ako," masayang tugon ni Reynel sa mama nina Angel.

BAGO umalis si Reynel at kinausap muna siya ni Angel sa labas.

"Rey, sorry..." malungkot na sabi ni Angel sa binata.

Ramdam ni Reynel ang lungkot pero gano'n daw talaga.

"Okay lang iyon. Kasama iyan sa buhay," sagot naman ni Reynel na nakatingin sa mga bituin. Magkatabi sila ni Angel na nakasandal sa gate.

"A-akala ko... mahal kita... h-hindi pala... Hiyang-hiya ako sa sarili ko..." Napakusot sa mata si Angel nang sabihin niya iyon. Naiyak siya dahil sa nagawa niya. Tila may isang malungkot na musika ang bumubulong sa hangin nang mga sandaling iyon.

"Salamat pa rin kasi naiparamdam mo sa akin iyon kahit kaunting panahon..." Parang maiiyak na rin si Reynel dahil biglang bumabalik sa ala-ala niya ang mga araw na nagkakilala sila ni Angel... dahil iyon kay Arthur. Isang simple at mumunting kwento hanggang sa ligawan na nga niya ang dalaga.

"Sayang iyong first kiss mo... sa akin mo pa naibigay..." mahinang sambit ni Reynel.

Napayuko si Angel.

"H-hindi ko iyon pinagsisisihan Rey... Siguro'y tama lang iyon na ibigay ko sa kagaya mo..." Napasandal si Angel sa bisig ng binata.

"I-ikaw rin ang first kiss ko. Siguro iyon ang pinakamagandang memory nating dalawa... hindi ko iyon makakalimutan..." Tuluyan nang umagos ang luha ni Reynel sa gilid ng kanyang pisngi.

"Alam ko... may makikilala kang babae na mamahalin ka at susuklian ang pagmamahal mo. Mukhang nakita mo na nga e," sabi ni Angel at binigyan ng munting ngiti si Reynel.

"Hahayaan ko na lang ang tadhana sa mga mangyayari. Oo, kakaiba siya... pero gusto ko munang maka-move on sa 'yo..." Napangiti rin si Reynel.

"Ang korni!" dagdag pa niya at napatawa silang dalawa.

"Sige na Angel uuwi na ako... magkikita pa naman tayo. S'yempre, parang kuya na rin ako ni Art."

"Kuya ka na nga niya e. Mas close pa nga kayo... maraming thank you sa 'yo. Thankful ako kasi nakilala kita." Pagkasabi niya noon ay niyakap niya ang binata.

"Pwede naman tayong maging magkaibigan 'di ba?" Nakangiting tanong ni Angel matapos bumitaw ng yakap.

Ngumiti naman si Reynel. Tila nabunot ang isang napakalaking tinik sa kanyang dibdib nang mga sandaling iyon.

"Hayaan na lang natin ang tadhana." Nagkangitian ang dalawa pagkasabi ni Reynel noon.

"Sige na, uuwi na ako."

"Ingat ka Rey!"

Maya-maya pa'y may tricycle na dumaan. Pinara kaagad iyon ni Reynel. Bago nga siya makalayo ay kinawayan pa siya ni Angel.

NATAPOS ang kwento nilang dalawa noong gabing iyon. Ang kwento ng kanilang mga pusong hindi itinadhana. Ngunit magkagano'n man, patuloy pa rin ang isang bahagi ng kanilang kwento.

Hindi man naging maganda ang katapusan ng kwentong pag-ibig ni Reynel at Angel, baka sa ibang kwento ay maging happily ever after na ang binata.

Sa pagdating ni Reynel sa apartment ay agad siyang sinalubong ni Rachel.

"Saan ka galing Mister?" tanong ng dalaga.

"Kina Angel," nakangiting tugon ng binata na nagpakunot ng noo ng dalaga.

"Ang tanga mo! Umaasa ka pa rin sa wala?" sabi naman ni Rachel pero nginitian lang siya ni Reynel.

"Natapos na labstorikuno namin... at umaasang sa tamang panahon, tunay ko nang love story ang magaganap," seryosong sabi ni Reynel at pagkatapos ay pinisil niya sa pisngi si Rachel. Madiin iyon kaya nasaktan ang dalaga.

"Tangina kang panget ka! Ang sakit no'n!" Galit na sabi ng dalaga pero tinawanan siya ni Reynel at tumakbo kaagad sa loob ng apartment nito.

WAKAS

Maraming salamat sa lahat ng bumasa. Sana, ako na lang si Reynel. Lols

LabstoriKuno (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon