#5

608 29 0
                                    

#5

NAPATINGIN bigla si Reynel kay Angel nang bigla itong dumighay. Napangiti na lang nang pilit ang dalaga. Naparami kasi ang kain niya, paano, favorite na ulam niya ang nakahain. Nahiya tuloy siya sa nagluto.

"E-excuse me..." sabi na lang ni Angel at muling uminom ng tubig. Ngumiti na lang si Reynel na patapos na rin sa pagkain.

"Kuya! Ang sarap mo talagang magluto. Mas magaling ka pa kaysa kay Mama," masigla namang sabi ni Arthur sabay subo sa natitira nitong kanin sa plato.

"Hindi naman Art, mas magaling pa rin si Tita. Susumbong kita..." pabiro namang sagot ni Reynel sa bata.

"E, totoo naman kuya. 'Di ba ate?"

Napatigil naman sa paglagok ng tubig si Angel dahil sa sinabi ng kapatid. Gusto na tuloy niyang kurutin si Arthur dahil sa kadaldalan nito.

"A-ah... E-eh..." Napasulyap pa ang dalaga kay Reynel. Hindi niya alam ang sasabihin.

"Naku ka talaga Arturo!" sabi na lang ni Angel sa kanyang isip.

"Ako na ang maghuhugas ng plato," sabi agad ni Reynel. Agad siyang tumayo at hindi na hinintay ang isasagot ni Angel.

"Kuya! Si ate na, para naman makapaglaro na tayo ng playstation..." sabat naman ni Arthur.

"Oo nga, ako na Rey. Nakakahiya naman kung ikaw pa ang maghuhugas. Ikaw na nga ang nagluto..." sabi naman ni Angel na nakangiti nang pilit.

"A-ah... E-eh, Art. Baka umuwi na rin agad ako. Maaga ako bukas e. Opening na ang sked ko," sabi naman ng binata na naisipan na lang na gumawa ng dahilan.

"Ang daya mo kuya. Uuwi ka na agad," sabi naman ni Arthur. Ramdam agad nila na may tonong pagtatampo iyon.

"Pasensya na Art. Medyo busy kasi si kuya..."

"Eh, ba't noon kuya, lagi kang nandito?" Nagkatinginan si Reynel at Angel sa sinabing iyon ng bata.

"Art! H'wag nang makulit!" saway ng dalaga.

"Ganito Art, maglaro tayo pero hanggang 8 lang huh. After no'n, uuwi na ako. Okay lang ba sa 'yo?" Ipinatong pa ni Reynel ang kamay niya sa balikat ng bata at ngumiti.

"Paano kasi kuya, 'di ka na laging napunta rito. Bakit noon, lagi kang nandito?"

"Kasi nililigawan ko noon ang ate mo. Kaso, binasted na niya ako." Gusto sana itong sabihin ng binata.

"Art! Maglaro na kayo ng kuya mo. Mamaya, uuwi na siya," sabi naman ni Angel na pinagpatong-patong na ang plato na pinagkainan nila.

NAGPAALAM na si Reynel kay Arthur. Alas-otso na kasi ng gabi. Masaya ang binata kasi masaya ang bata. Pero ang hirap para sa kanya kung laging ganito. Paano nga naman niya malilimutan si Angel kung may sitwasyong ganito?

"Kuya! Bukas uli."

"Pasok ka na sa loob Art! Huwag nang makulit. Sige na!" sabi naman ni Angel.

"Si ate oh... kuya, may sasabihin daw si ate."

"Arturo!" Sinamaan pa ng tingin ni Angel ang kapatid kaya nagtatakbo iyon papunta sa loob ng bahay.

Huminga muna nang malalim ang dalaga.

"P-pasensya ka na Rey..."

"A-ayos lang... Kaso, mahirap itong ganito. Napalapit na rin kasi ang loob ko sa kapatid mo."

Nasa seryosong usapan ang dalawa nang biglang may tumigil na tricycle sa kalapit bahay nina Angel. Isa sa kapitbahay nila. May music iyon at may kalakasan. Isang kanta ng Silent Sanctuary, Sa 'Yo ang title. Nag-iba tuloy ang atmospera sa paligid.

"Salamat Rey..." nakangiting sabi ni Angel. Parang nailang naman ang binata. Nakita kasi nito ang ngiti ng dalaga.

"W-wala iyon... Sige, uuwi na ako. Nga pala..." Ngumiti rin si Reynel.

"Isarado ninyo nang mabuti ang bahay huh... ingat kayo huh."

Nagkangitian muli sila.

Lumakad na si Reynel papunta sa labas ng gate. Pakiramdam niya ay nabawasan nang bahagya ang bigat ng dibdib niya. Parang medyo gumaan.

"Rey!"

Kumabog bigla ang dibdib ng binata. Sumulyap siya sa dalaga. Umihip bigla ang malamig na simoy ng hangin. Sumakto iyon sa chorus ng kanta.

Tumingin, sa 'king mata. Magtapat, ng nadarama...

"Ingat ka pag-uwi! Text mo 'ko huh!"

Kusang lumapad ang labi ng binata. Nagtaka siya. Narinig na niya lagi ang ingat ka pag-uwi mula sa dalaga, pero iba ang dating niyon sa kanya nang mga oras na iyon. Tapos, iyong huling sinabi ng dalaga. Noon lang niya narinig. Ni minsan ay hindi nagsabi si Angel nang gano'n.

"Sige!" Sabay kaway ng binata nang bahagya sa kanyang kanang kamay.

...Kung maging tayo, sa 'yo na ang puso ko.

LabstoriKuno (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon