#24

491 28 5
                                    

#24

MALALIM ang iniisip ni Reynel buong araw. Lutang siya, hindi niya maintindihan. Hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari.


"Imposible... nangyayari ba talaga ito sa akin?" aniya sa sarili habang naglalakad papunta sa sakayan.


"Imposible talaga!"


Hindi siya makapaniwala, dalawang babae na ang humalik sa kanya. Tila may kung anong pagkagulo ang bumabalot sa kanyang isip. Hanggang sa biglang tumunog ang kanyang cellphone sa bag. Agad niya iyong kinuha. May tumatawag, si Angel. Sinagot niya kaagad iyon.


"H-hello?" bungad ni Reynel.


"Hello, Rey? N-nakauwi ka na?" sambit naman ni Angel sa kabilang linya.


"P-pauwi pa lang." Napalunok pa ng laway ang binata.


"A-ahmm. P-pwede ba akong humingi ng favor?"


"A-ah. Sige!" sagot naman ni Reynel na sandali munang umupo sa abangan ng mga pasahero.


"P-p'wede mo ba akong samahang mamili?" tanong ng dalaga.


"Nga-ngayon na?" sambit naman ni Reynel.


"Yap! Okay lang ba?"


Napangiti agad si Reynel at agad tumayo.


"E, si Art? 'Di ba, may pasok iyon?"


"Sina Mama ang sumundo. Dumating na sila e. So? Wait na kita dito sa Jollibee?" ani Angel.


"S-sige! On the way na!" Agad tumayo si Reynel at pumara ng tricycle. Hindi na nga niya naisipang ayusin ang sarili. Gulo ang buhok, pawisan at amoy-pawis na. Dugyot kumbaga dahil sa maghapong trabaho.


"Ingat!" ani ng dalaga at pinatay na nito ang tawag.


Limang minuto lang ay agad narating ni Reynel ang pinagtatrabahuhan ng dalaga. Abot-tainga ang ngiti na iniabot sa driver ang bente, sabay sabing "Keep the change!" Tuwang-tuwa tuloy si Manong pagkatapos.


Diretso agad siya sa loob. Pagkapasok ay agad niyang inilibot ang tingin sa loob. Sa may counter area, doon ay nakita niya si Angel na nakasuot ng uniporme sa trabaho.


"Welcome to Jollibee sir! Ano po'ng order nila?" sabi agad ng babaeng crew.


"A-ah, e-eh, wala Miss," sabay kulbit ng binata kay Angel.


Lumingon ang dalaga.


"R-rey!" Napangiti agad ito.


"Tara na!"


Gulat na gulat ang lahat ng crew. Bago pa lang kasi ang dalaga sa trabaho nito kaya hindi nila kilala si Reynel ang binatang matagal na nanligaw sa kanilang magandang Visor.


"Hindi ka na nakapag-ayos ah? Amoy pawis ka na," sambit ni Angel nang makasakay sila ng tricycle.


"A-ah. Pasensya." Parang nahiya si Reynel at agad kinuha ang towel sa bag at ipinunas niya iyon sa mukha ay leeg.


"Dumating na pala sina Tita?" ani Reynel.


"Yap, kagabi."


"Bakit mo ako niyakag?" dagdag pa ng binata.


"Miss na kita e."


Palakpak ang tainga ni Reynel nang marinig iyon at natawa siya nang mahina.


"Ikaw ba talaga iyan?" tanong pa ng binata.


"Palagay mo?" sabay ngiti ng dalaga.


"Nakakapanibago e." Sandaling natahimik si Reynel.


"Masanay ka na."


"Masanay saan?" ani Reynel.


"B-basta!"


Nagkasulyapan pa sila at nagkangitian.


Sa Xentro Mall sila bumaba, doon mamimili si Angel. Kaso, hindi nito inaasahan na kasalukuyan din palang naroon si Martin. Sa paglakad ng dalawa sa loob ng mall ay saktong nakita sila ng binata.


"Angel!" tawag ng binata na nakaporma pa ng suot. Tila isang teleserye ang dating nang magtagpo ang mga mata nila.


"Ma-martin?"


"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong ng binata. Nang mga sandaling iyon ay tila na-etsapwera ang kasama ni Angel.


"Mamimili ako."


"Gusto mo, samahan kita?" alok ng binata.


"A-ah. E-eh, sige!"


Tila may kung anong bagay ang bumaon sa dibdib ni Reynel nang marinig na pumayag si Angel. Parang gusto na lang niyang maglaho.

LabstoriKuno (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon