#4

639 33 0
                                    

#4

DUMAAN muna sa grocery si Reynel bago dumiretso kina Angel. Bumili muna siya ng pasalubong. Bumili rin siya ng karneng baboy at mga sangkap sa pagluluto. Mula sa kanila kasi ay isang sakay lang sa tricycle  para makarating sa bahay ng dalaga.

Medyo kinakabahan pa siya habang nakasakay siya sa tricycle. Ganito ang pakiramdam niya nang unang beses niyang pumunta sa bahay ng dalaga para ligawan ito. Parang gusto na lang tuloy niyang bumalik, pero hindi p'wede.

"Bahala na..." Kinulbit ng binata ang driver ng tricycle. Hudyat iyon na mababa na siya.

Napalunok pa ang binata ng laway nang tumapat siya sa gate ng bahay nina Angel. Kailangan muna niyang tumawag para malamang may tao. Parang ayaw niyang tumawag. Parang gusto na lang niyang mag-back out... pero naalala niya si Arthur.

"Para sa bata..."

Tatawag na sana si Reynel kaso, bumukas bigla ang pinto ng bahay nina Angel. Iniluwa noon ang dalaga. Agad tinanaw nito ang binatang nasa gate at nagmadaling pumunta para buksan iyon.

Parang nahiya si Angel sa binata nang pagbuksan niya ito.

"P-pasensya ka na..." wika ng dalaga na hindi makatingin nang diretso kay Reynel.

"Para kay Arthur... napamahal na sa akin ang kapatid mo e," sagot naman ni Reynel.

"S-salamat..." tugon ni Angel at pumasok na ang dalawa sa loob ng bahay.

*****

AGAD pinagbuksan ng pinto ni Arthur si Reynel nang malaman nitong ang kuya Rey niya ang kumakatok. Napangiti naman bigla si Angel sa tuwa. Alam kasi niyang close sa binata ang kapatid.

"Kuya! Dito ka na lang lagi... si Ate kasi, pinapunta dito 'yung lalaki kanina. E, 'di ba, ikaw lang ang p'wedeng pumunta rito... Basta kuya! Ikaw lang ang kuya ko. Susuntukin ko na iyon sa sunod."

Napangiti na lang si Reynel. Gusto niyang sabihing hindi na pwede Art. Binasted na ako ng ate mo. Hindi niya ako mahal. Sana maintindihan mo.

"Dito ka na sa salas... ipagluluto kita ng ulam... ang favorite mong adobo," sabi ni Reynel sa bata habang ipinapakita ang karneng nasa supot.

Nakaramdam na naman ng hiya si Angel. Alam kasi ng binata na pareho sila ng kapatid niya ng paboritong ulam... at pinakamasarap para sa kanya ang luto ni Reynel.

HABANG nanonood ng TV si Arthur, busy naman si Reynel sa kusina. Feel at home na siya rito magmula nang magustuhan din siya ng mga magulang ni Angel.

"R-rey... may maitutulong ba ako?" nahihiyang tanong ni Angel nang makitang ginagayat ng binata ang karne.

"A-ah... kaya ko na ito. Bantayan mo na lang si Art, baka biglang lumabas."

Dama ni Angel ang paglamig ng binata sa kanya, pero hindi niya ito masisisi. Lumabas siya ng kusina at sinamahan na lang ang kapatid sa panonood.

"Bakit ganito ang nararamdaman ko?" Nang mga sandaling iyon... bigla iyong naitanong ni Angel sa sarili. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya na ni minsan ay hindi pa niya naranasan kapag nasa kanila ang binata.

LabstoriKuno (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon