#11

548 30 1
                                    

#11

HINDI pa rin makapaniwala si Reynel sa mga nangyayari. Kahapon lang niya nakilala si Rachel at ngayon ay magkasama silang kumakain sa loob ng Jollibee na nasa tapat ng OMNHS. Akala niya ay mamimili na sila kaso nagyakag ang dalaga na kumain muna sila. Doon na nga rin siya napilit ni Rachel na magkwento... Naikwento niya ang nangyaring pagkabasted kay Angel.

Kaso parang laking pagsisisi ni Reynel pagkatapos. Paano, tinawanan lang siya ni Rachel.

"Kawawa ka naman... Todo effort tapos, nganga!" Tumawa uli ang dalaga. Tumahimik na nga lang si Reynel. Nahiya siya at nainis sa dalaga. Pinagbalingan na lang niya ay ang burger at fries na libre ng dalaga.

"Pero aminin mo, gumaan ang pakiramdam mo..." bigla pang sabi ni Rachel matapos sumipsip ng coke.

"Ewan... 'Di kita ma-gets..." sagot naman ni Reynel at sunod-sunod na sumubo ng fries hanggang maubos.

"Palusot ka! Wala ka kasing napagkwentohan kaya mukha ka laging haggard... problemado... stress," ani Rachel habang nakatingin kay Reynel.

Hindi na nga napigilan ni Reynel na mapangiti. Tama nga naman ang dalaga, parang nabawasan ang problema niya. Parang nakahinga nang maluwag. Gumaan ang pakiramdam. Naguguluhan nga lang siya kasi biglang bumait ang dalaga sa kanya.

"Salamat..." sabi na lang niya sa dalaga at kumuha rin siya ng fries na na kay Rachel.

"Gago ka! Tawid-bakod ka!" saway ng dalaga at binawi niya ang fries na nasa kamay ni Reynel.

"Bakit ka nga pala bumait sa akin?" tanong ng binata at pasimple uli siyang kumuha ng fries sa lalagyan ng dalaga.

"Hindi ako bumait sa 'yo... Naawa lang talaga ako. Sabi na nga ba e, iyang itsura mo, pang-hopeless romantic," sagot sa kanya ng dalaga at may tawa pang kasama.

"B'wiset na babae 'to!" sabi na lang ni Reynel sa sarili. Pinagkainteresan naman niya ay ang natirang ice cubes sa nainom niyang coke. Kinain niya iyon.

Hindi na umimik si Reynel matapos iyon. Pero sumisimple siya ng sulyap sa kaharap na dalaga. Hindi pa rin siya makapaniwala. Pakiramdam nga niya ay may ilang pinagtitinginan sila. Para ring naiilang siya kasi maganda ang kasama niya.

"Ilang taon ka na nga pala?" tanong bigla ni Rachel.

"27."

"Tanda mo na pala..."

"Alam ko, e ikaw?" Parang nainis si Reynel.

"27 din."

"Tanda mo na rin pala e," bawi ni Reynel.

"Pero hindi tatandang walang partner..."

Parang nabagsakan ng maraming bato si Reynel nang marinig iyon. Durog siya sa sinabi ng dalaga. Parang gusto na niyang umalis dahil sa mga patama sa kanya ni Rachel.

"Kuya!"

Kaso biglang may nagsalita sa tabi niya. Napalingon siya at doon nga niya nakita ang batang si Arthur at kasama nito si Angel.

LabstoriKuno (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon