MENG
Pagkamulat na pagkamulat ng mga mata ko ay agad na bumangon ako ng higaan at bitbit ang tuwalya ay lumabas na 'ko ng kwarto namin ni Bea. Marami akong dapat gawin today kaya kailangang kumilos nang maaga. Pupungas-pungas pa 'ko at hindi ko man lang nagawang suklayin ang buhok ko at siguradong may muta pa 'ko kaya ganoon na lang ang pag-igtad ko nang makita ko si Alden na nasa kusina namin at tinutulungan ang nanay kong magluto ng pagkain.
Agad na naitakip ko ang hawak na tuwalya sa dibdib ko dahil wala akong suot na bra at masyadong manipis ang sanding suot ko. Ano ba naman kasi ang ginagawa ng lalaking dito sa bahay namin nang ganito kaaga?
"Good morning!" masayang bati ni Alden sa 'kin.
"Morning din," sagot ko na hindi maiwasang mapakunot ang noo. Ano'ng ginagawa mo rito? I mouthed to him habang nakatalikod si nanay.
Sa halip na sumagot ay ngumisi lang siya pagkatapos niyang itaas-baba ang dalawang kilay.
"Nicomaine, maligo ka na at malapit nang maluto 'tong mga 'to," narinig kong sabi ni nanay. Tatalikod na sana ako nang maisipan kong silipin ang niluluto ni madir. Tocino ang nakasalang sa kawali at may corned beef na Delimondo ang tatak ayon na rin sa packaging ng de latang hindi pa naitatapon sa basurahan. Iyon ang paboritong corned beef ni Alden kaya sigurado akong siya ang may dala ng mga 'yon.
"Aba'y ano pang tinatayo-tayo mo riyan, bata ka? Maligo ka na at gigisingin ko na rin ang mga kapatid mo mayamaya lang. Sige na." Itinaboy pa ako ni nanay sa pamamagitan ng sandok na hawak niya.
Naglakad na nga ako papunta sa maliit naming banyo na halos kanugnog lang din ng kusina namin. Saktong pagkatapos kong maligo ay handa na ang mesa. Nakadulog na rin ang dalawa kong kapatid na halatang inaantok pa.
"Miguel, alisin mo 'yang siko mo sa ibabaw ng mesa. Nasa harap ka ng grasya," pagbubusa ni madir dahil nasa ibabaw nga naman ng mesa ang isang siko ni Miguel habang nakapatong naman ang baba niya sa palad. "Alden at Meng, maupo na rin kayo."
Magkatabi ang upuang natira para sa amin ni Alden kaya hindi ko sure kung makakakain ako nang maayos. Kung bakit naman kasi lumipat nang pwesto si Bea. May fix na pwesto kami pabilog na mesa namin kaya nagtataka ako kung bakit biglang nag-iba ng pwesto ang kapatid kong 'to.
Pero tila alam ko na ang sagot dahil sa lihim na pagsulyap-sulyap nina Alden at Bea sa isa't isa na akala siguro nila ay hindi ko napapansin.
"Ang sarap naman ng corned beef na 'to!" komento ni Miguel at pagkatapos ay muling sumubo ng pagkain.
"Marami akong dalang ganyan," pagbibida naman ni Alden na parang nagpapalapad ng papel sa mga kapatid ko at pati na rin sa nanay ko.
"Talaga kuya?" masayang tanong ni Miguel.
Hindi maiwasang tumaas ng kilay ko dahil sa sinabi ng kapatid ko. At kelan pa natutong makipag chummy-chummy sa bagong kakilala si Miguel? Kuya agad ang tawag kay Alden? Wow, fantastic baby!
BINABASA MO ANG
God Gave Me You (COMPLETED)
Fiction généraleLove is not a thinking thing. It's a feeling thing. You don't have to think about it. You just have to feel it. -Alden to Meng This is a collaboration book with @iamaivanreigh :) Artwork by: @cgthreena