PASSWORD : Loving you from afar

969 47 35
                                    



SINURI ni Shery ang paligid bago maupo. Isa-isa niyang inilapag sa damuhan ang dalang aklat at laptop habang inililingid ang paningin. Ayaw kasi niyang maabala o may kasamang tao. Gusto niyang mapag-isa at tahimik na makapanaliksik.


Noong makumpirmang walang tao sinuot niya ang eyeglasses saka hinarap ang laptop. Binuksan niya ang browser at sinimulang hanapin ang lugar na pinagdalhan sa kanya ng kanyang lolo.


Ang puting kwarto!


Tumagal ng ilang minuto bago napasabunot ng buhok ang dalaga sa pagkadismaya. Ang dami niyang reference pero lahat ng iyon ay hindi kayang sagutin ang tanong niya.


Ahh! impit niyang sigaw. Sobrang naiinis siya, sagad at nakakasira ng pasensiya.


Palagi kasi niyang napapanaginipan ang lugar na iyon na para bang may gusto itong sabihin o ipaliwanag pero hindi niya maintindihan. Gusto niya itong puntahan, alamin kung ano bang mayroon doon at bakit dinala siya roon. Pero paano? Hindi naman sinabi ng kanyang lolo, ni hindi nga nito napag-uusapan ang tungkol doon.


Mababaliw na ako lolo! sigaw niya sa isip habang nakapikit. Bahagya rin kasing nanakit ang ulo niya sa dami ng iniisip.


Iniisip lamang niya ang kanyang lolo ng biglang magkaroon ng ideya. Tama! Bakit hindi ko simulan sa kanya.


Muli siyang nagtipa at binasa ang salita roon, "Louise Hanzrouie."


Maraming lumabas na impormasyon at larawan pero wala roon ang sagot sa hinahanap niya. Sa huling pagkakataon muling nanumbalik ang inis niya. Gusto niyang magwala, sumigaw at magpagulung-gulong sa damuhan sa gayon ay mailabas niya ang nadaramang inis.


"Anong ginawa niyo?"


Napalingon sa likuran si Shery kaya bumungad sa kanya ang mataas na halaman. Gusto niya sanang isawalang bahala ang ingay pero narinig niya ang kanyang pangalan galing sa pamilyar na boses.


Sa noo'y pagtayo niya agad siyang napatago noong makita si Brent na kinukwelyuhan si Iniego na may saklay.


"Anong ginawa mo kay Shery? Bakit hindi na siya bumalik sa party?" muling singhal ni Brent kay Iniego na nakatingin lang ng masama sa kanya.


Agad napatakip ng bibig si Shery noong itulak ni Brent si Iniego dahilan upang masubasob ito. Malakas ang pagbagsak ni Iniego dahil napaluha ito samahan na rin nang pananakit ng paa nitong may benda.


Muling kwinelyuhan ni Brent si Iniego, "Huwag na huwag kong malalaman na dumidikit ka kay Shery dahil hindi lang iyan ang mararamdaman mo, mahal ko siya at walang sinuman ang pwedeng manakit sa kanya dahil baka makapatay ako!"


Namilog ang mata ni Shery sa narinig, hindi niya inaasahan ang nasaksihan. Lalo pa't si Brent na halos isuka siya sa kanyang kasalanan ay sasabihin na mahal siya. Para bang hindi totoong Brent ang nakikita niya ngayon kaysa sa Brent na nakaharap niya noong nakahandusay siya mula sa pag-iyak.

PASSWORD  (Completed) (Raw)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon