Untold#7-Ang Kakaibang Katangian ng Tiyanak

134 5 0
                                    

                                                        Tiyanak

Ang tiyanak (binabaybay ding tianak o tianac) ay isang nilalang na, sa , gumagaya sa anyo ng isang bata. Karaniwang nitong hinuhubog ang sarili bilang isang bagong silang na sanggol at umiiyak katulad nito upang mahikayat ang mga walang kamalay-malay na mga manlalakbay. Kapag dinampot ng isang biktima, nagbabalik ito sa tunay na kaanyuhan at aatakihin ang biktima. Bukod sa paglaslas sa mga biktima, natutuwa rin ang tiyanak sa pagliligaw ng landas ng mga naglalakbay, o pagdukot sa mga bata.


Ang Kakaibang Katangian ng Tiyanak


Nawala ang ina na kasisilang pa lamang ng sanggol. Nagulo ang maternity ward ng ospital. Ang mga narses at helpers ay naging balisang-balisa sa paghahanap sa pasyenteng hindi pa man nakapagpapahinga nang sapat ay lumabas na nang walang paalam. Naulinigan ng ibang ina sa ward ang nangyari at sila ay nagkaroon ng ligamgam.

Umiiyak ang sanggol na iniwan ng ina; nilapitan siya ng isang nars upang payapain. Binuhat ang sanggol mula sa kuna at kanyang niyakap ang bagong silang at isinayaw-sayaw pa. Nagimbal ang nars nang maramdaman na ang sanggol na salo sa kanyang bisig at nakadantay sa kanyang dibdib ay biglang lumaki at bumigat. Itinulak niya ang sanggol papalayo sa kanyang katawan at ibig na ihagis o ihulog iyon nguni't ang mga kamay nito ay nakasakal na sa kanyang leeg. Nakita niya ang sanggol na nag-iba ang anyo, nagkaroon ng balahibo ang mukha at mga bisig, nanlilisik ang mga mata, at naging matutulis ang mga kuko. Hindi man lamang nakasigaw ang nars; nang matagpuan siya ay nakahandusay na sa sahig, dilat ang mga mata, duguan, at wala nang buhay. Ang mukha at dibdib ng nars ay tila karne sa tadtaran na hiniwa-hiwa ng kutsilyong matalim.

Hindi kaagad maipaliwanag ng mga pulis kung ano ang totoong naganap. Nawala ang nagsilang na ina at nawala rin ang isinilang na sanggol na, ayon sa sabi-sabi, ay siyang pumatay sa nars.

Samantala, sa nayon ng Lagrimas ay kadarating pa lamang, sakay ng isang tricycle, ang isang babaeng nakalugay ang buhok at tila pagod sa paglalakbay. Habang bumababa ang babae mula sa tricycle ay pasakay naman sa sasakyan ding tinuran si Father Robert. May ilang taga-nayon ang nakapaligid kay Fr. Robert. Nagbibigay sila sa pari ng pasasalamat at magandang hangarin na siya sana ay magkaroon ng mahinahong paglalakbay at magandang kapalaran sa susunod na tungkulin. Nagpasiya ang puno ng simbahan sa probinsyang kinabibilangan ng Lagrimas na isara na ang maliit na kapilya sa nasabing nayon. Kakaunti ang tao sa Lagrimas at lalong kakaunti ang tumatangkilik sa kapilya.

Sa malayo ay nakatanaw mula sa bintana ng kanyang kubo ang arbolaryo ng nayon, si Tata Pepe.

"Gunding, paalis na ang pari," sabi sa asawa. "Natuloy ang pagsasara sa kapilya. Natitiyak kong malaya nang makapaglalaro ang mga masasamang espirito."

"Mahabaging Birhen ng Lagrimas! Huwag naman sanang mangyari, Pepe. . ." sagot ni Gunding.

Nang gabing iyon ay malakas ang hihip ng hangin. Tila may namumuong sama ng panahon; marahil ay padating ang isang bagyo. Naririnig ng mag-asawang Pepe at Gunding ang pinto ng kapilya na humahampas sa dingding gawa ng malakas na hangin; naiwan ni Father Robert ang pinto na hindi mahigpit ang pagkakasara.

"Pepe, halika't ikandado natin ang pinto ng kapilya," paanyaya ni Gunding sa asawa.

Agad na tinahak ng mag-asawa ang landas patungo sa kapilya. Inabutan nila ang pinto na hindi mapatigil sa bukas at sara dahil sa malakas na hihip ng hangin. Maingay ang salpok nito sa pader at nakagagambala ang langitngit ng mga kalawanging bisagra nito. Madilim sa kapilya nguni't naaninag ng mag-asawa ang estatwa ng birhen sa may dako ng altar. Malamang na ang estatwa ay mahuhulog sa lupa at mabibiyak kung magpapatuloy ang pag-uga dito ng malakas na hangin.

My Untold Stories(Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon