One Date with J: El Roi (The God who sees me)

1.9K 87 11
                                    

Malago na ang aking mga dahon,

Malapit na ring mahinog ang aking mga prutas,

Malapit na naman akong akyatin ng mga bata,

Pitasin ang pagkaing maibabahagi sa mga dayuhan at manlalakbay,

Mainit ang sikat ng araw sa aking mga sanga at dahon ngunit ayos lang,

Natutuwa ako sa tuwing maglalaro at sisiksik sa akin ang ihip ng hangin,

Iindayog, kikiskis, nakakagawa ako ng ingay na nakakapagpakalma sa paligid.

May lalaking dumating at tanda kong parati na siyang pumupunta sa akin,

Tulad ng dati, hindi siya nandito para mamahinga o kumain,

Naririto siya para kumuha ng kapayapaan,

At magdasal?

Hindi ako sigurado.

Pansamantala ko siyang hinayaan sa lilim ng aking mayayabong na sanga,

Pansamantalang pinapaypayan,

Pansamantalang hinayaang mapuno ng kapayapaan ang puso niyang tila busog sa kalituhan ngunit may gustong paniwalaan,

Pansamantala lamang.

Tinawag siya ni Philip,

Sa wakas natagpuan rin niya,

Humahangos na lumapit at sa nanlalaking mga mata sinabi niya,

"Natagpuan namin si Jesus..." (John 1:45)

Natawa si Nathaniel na siyang nakikisilong sa akin,

"May magmumula bang mabuti sa Nazaret?" (John 1:46)

Ayaw niyang sumama noong una ngunit sumunod na rin siya,

Ano'ng magagawa mo kung tinawag ka Niya?

Ano'ng laban mo kung Siya mismo ang gumawa ng paraan upang makilala mo Siya?

Sa tingin mo ba, ang lahat ng bagay ay aksidente lamang?

Tinanong siya ni Nathaniel, "Paano ninyo ako nakilala?"

"Bago ka pa tawagin ni Philip, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos."

Hindi siya makapaniwala.

Ano'ng nakain niya at sa isang pitik bigla siyang naniwala? 

"Rabi, kayo po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!"

"Nanampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makakakita ka ng mga bagay na higit kaysa rito!" (John 1:47-50)

Pinili Niya ang mga mangingisda at tax collector,

Pinili Niya ang isang tagasunod kahit na alam Niyang sa bandang huli ay tatraydurin din Siya ,

Pero alam mo bang hanggang ngayon namimili pa rin Siya?

Maaaring isa kang guro, doktor, nurse o inhinyero,

Pulis, may-bahay, estudyante o kahit tambay sa kanto,

Maaaring hindi Niya nakita ng literal si Nathanael sa lilim ng aking mga sanga,

Maaaring nabasa Niya ang nasa puso at alam Niyang kaya ni Nathaniel na maging disipulo,

Tulad mo.

Kapag tinawag ka Niya, tinawag ka Niya,

Kapag nakita ka Niya, nakita ka Niya dahil kilala ka Niya,

Kapag pinili ka Niya, alam Niyang kaya mo dahil tutulungan ka Niya,

Kapag tinawag ka ng makapangyarihang Diyos, 

Susunod ka ba o mananatili na lang sa ilalim ng aking sanga?

-Ang Fig Tree na marami ng nakita

The Awesome GodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon