One Date with J: Reality vs. Expectations

1.4K 74 4
                                    

One month later...

May hawak akong ice cream. Nakatitig sa tv habang ginagawang almusal ang kalahating galon ng rocky road sa mga kamay ko. Nagmo-movie marathan ako. 

Natapos ko na ang The Conjuring II. Tapos na din ang The Conjuring, pati na ang Insidious 1, 2 and 3. Napanuod ko na din ang Annabelle, Ouija, Don't Breathe, saka lahat ng Paranormal Activity. Inulit ko na din ang Evil Dead pati Jeepers creepers. Lahat na yata ng pinakanakakatakot na pelikulang iniiwasan ko dati, pinanuod ko na. Pero hindi ako natakot. Ni simpleng gulat hindi ko nagawa. Ngayon ko napagtantong effective palang manuod ng scary movies kapag brokenhearted ka. Walang makakapagpatakot sa'yo. Baka 'yung mga multo pa sa pelikula ang matakot sa'yo pag ikaw ang nagalit o naglabas ng sama ng loob.

Mula sa luma kong external hard drive na gamit ko pa noong nag-aaral ako, biglang lumabas ang isang movie na angkop na angkop sa akin ngayon. Ubos na pala ang horror movies ko. Wala na akong choice kundi tibayan ang loob sa pelikulang ito.

That Thing Called Tadhana 

Gusto ko nang patayin ang tv pero hindi ko magawa. Natulala na lang ulit ako habang nakikita ang sarili sa pelikula. 

"Paano nga ba makalimot?" tanong ni Angelica Panganiban na tanong ko din sa sarili ko.

Parang gusto ko tuloy pumunta ng Baguio.

Where do broken hearts go nga ba? What went wrong nga ba? Ikaw ba talaga ang may kasalanan?

Hindi ko na nasubaybayan ang mga nangyayaring eksena. Nawalan na rin ako ng gana sa ice cream. Nanatili na lang iyon sa kamay ko. Naisip ko, kahit gaano ka-realistic ang movie na ito, hindi niya kayang i-capture yung sakit na nararamdaman ko.

Kinulang pa rin sila doon. Parang 50% lang ang napapakita nila. External lang. Pero sana parang katulad na lang din sa pelikula, palilipasin ng direktor ang ilang buwan o linggo tapos ipapakita sa screen na okey ka na, moved on na at may darating na ulit na tao tapos true love na. Mula sa isang broken relationship, may darating ng maganda. 

Sana ganoon na lang din sa totoong buhay. Pero hindi eh. Hindi. Sa totoong buhay, kailangan mong tiisin ang bawat oras, bawat araw at linggo na kailangan mong tiisin ang sakit sa puso mo.

Naiinggit ako. Sobrang naiinggit ako. Mabuti pa si John Lloyd may Maja Salvador sa One more chance. Mabuti pa si Angelica Panganiban may JM De Guzman. Noong dumating si Kuya Lee, parang siya 'yung puso sa That Thing Called Tadhana, tapos ako 'yung arrow na hinayaan siyang tumusok sa akin. Pero hindi tulad sa pelikula na gumaan ang bigat ni puso, ang ginawa ni Kuya Lee, naka moved on siya pero iniwan niya sa akin ang kanyang maleta. Naiwan sa akin ang bigat na dala niya noong una pero ako na ngayon ang may dala. At tila mas bumigat pa. Dahil pati bigat sa puso ko, bitbit ko na.

Pero wala, walang dumating sa akin ngayon para tanggalin ang bigat na ito. Kailangan kong bitbitin ang mga maletang ito ng mag-isa.

Tuluyan ko ng nabitiwan ang ice cream. Naiiyak ako. 

Nag-back fire sa akin ang lahat. Kailangan kong mag move on ng mag-isa. Unfair.

Pagdating sa office, ngayon ko naranasan na kailangan mong mag-pretend sa lahat na okey ka. Hindi mo puwedeng ipahalata sa kanila na durog ka dahil sa paghihiwalay ninyo ng ex mo. Alam na nilang lahat na wala na kami ni Kuya Lee pero hindi ako nagkukwento. Wala akong kinukwentuhan kahit isa. Kahit kay Maggie. Ayaw ko nang ipaalam kahit kanino. Nanahimik na lang ako. Gusto ko na lang sarilinin at kahit na ganoon ang nangyari, naging desisyon ko pa rin na pangalagaan ang reputasyon ni Kuya Lee. Hindi dahil sa deserve niya, pero dahil sa mahal ko pa rin siya. 

Nilulubog ko na lang ang sarili ko sa trabaho. Isang beses lang ako kumain sa trabaho. Tumitigil lang ako kapag papasok ng banyo. Nagkakaroon lang ng chance ang utak ko na maisip siya paglabas ng kumpanya. Iyon ang kinakatakutan kong oras ng araw ko dahil babalik na naman ako sa pagiging malungkot. 'Yung lungkot, takot at awa sa sarili, pagsasabay-sabayin na naman nila ako. 

Ang ngiting ipinapakita ko sa lahat, ang aking mga tawa, pagbibiro at paulit-ulit na pagsasabi sa sarili kong matapang ako, kaya ko ito, marami na akong pinagdaanan, wala na lang dapat ito---bumibigay din ako pagtapos ng araw. Bumabalik ako sa pag-iyak at pagdadasal na sana naging maayos na lang ang lahat. Kelan ba magiging maayos ang lahat? 

Sa bawat pagkakataon na tumutunog ang cellphone ko, inaasam kong siya ang nag-text o tumatawag sa akin. Sa tuwing tatawagin ako ng katrabaho ko na may naghahanap daw sa akin sa labas ng office o may tawag ako sa telepono, minsan tumatalon ang puso ko at umaasang sana siya iyon. Hinahanap niya ako at makikiusap na mag-usap kami. 

Pero ni anino ni Kuya Lee, wala. 

Ini-imagine kong sa Facebook puro hugot ang posts niya. Nagsisisi na pinakawalan niya ang nag-iisang babaeng minahal siya ng totoo. Na malungkot siya. Na nag-iinom siya kasama ang mga kabanda. Na dinadamayan siya ng mga iyon sa paghihiwalay naming dalawa. May nakita naman akong post niya na kasama ang mga kabanda niya pero mukhang nagkakasiyahan pa sila. 

Ine-expect kong brokenhearted din siya tulad ko. Na miserable din siya. Pero...wow, hindi ang makita ang ganito: In a relationship with ____.

 Biglang nanlamig ang mga daliri ko. Natulala ako sa screen ng cellphone ko. Wow, isang buwan palang, ganoon pala ako kadaling ipagpalit?

Agad-agad ko siyang in-unfriend. Oo na, bitter ako. Sino'ng hindi? 

Mas nadagdagan pa ang sakit ng biglang nag-overseas call sa akin si Mags, tinatanong kung ano'ng nangyari sa amin ni Kuya Lee. Hindi pa ako makaamin noong una na break na kami. Sabi ko lang na busy siya sa pag-aasikaso sa pagpunta sa Jeddah kaya hindi kami madalas magkita. 

"Tapatin mo nga ako, Olive. Kayo pa ba talaga?" tanong ni Maggie. Medyo hysterical ang boses. "Kasi may nag-chat sa'kin na nakita niyang may kasamang ibang babae si Lee."

This time, hindi lang daliri ko ang nanlamig. Buong katawan ko na. Matapos kong putulin ang tawag ni Maggie, nagmamadali akong dumiretso sa CR ng opisina, walang pakialam sa officemates ko. Wrong timing ang balita niya. 

Nararamdaman kong nanginginig ang buong katawan ko. Nararamdaman ko ring sasabog ang luha sa mga mata ko pero pinipigilan ko. Tinampal-tampal ko ang pisngi ko, hindi ito ang tamang oras para umiyak. Wala ako sa lugar. Nasa trabaho ako at napakarami ko pang kailangang gawin. Hindi ako puwedeng umiyak. Hindi ko puwedeng ipahalata sa lahat na affected ako kay Kuya Lee. 

"J, kahit ngayon lang. Kahit ngayong araw lang, ipa-survive mo sa akin ang araw na ito. Ayokong makita ng mga tao na ang sakit-sakit ng puso ko. Na mas nasasaktan ako. Bigyan mo ko ng strength. Please, kahit ngayon lang..." pagdadasal ko habang nakasandal sa pintuan ng CR at nakatingala. Pinipigilan na ding tumulo ang mga luha. 

Indeed, J answered my prayer. I survived at walang nakahalata. Pagdating ko sa bahay, saka bumuhos ang iyak. Sa ibabaw ng kama ko, inilabas ko ang iyak na buong araw kong tiniis. Lumuhod ako at inilabas lahat ng nararamdaman kay J. Habang umiiyak, inilabas ko din ang librong ibinigay sa akin ni Julianna, matagal na panahon na. 

Between my sorrow and tears, i continued to read...

+++

Many times when God isn't changing your circumstances it's because He's mostly concerned with changing YOU within the circumstance. Your character, your inner strength, your integrity matters to Him because they are everlasting qualities. The wisdom, the strength and the maturity that grows within you are all things you're going to need to sustain the calling God has on your life. Know that there is a purpose in your pain. - Brittney Moses

"the pain you have been feeling cannot compare to the joy that is coming." Romans 8:18

"Jesus replied, "You don't understand now what I am doing but someday you will." John 13:7

The Awesome GodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon