Pinaupo niya ako sa harap ng siga ng apoy. Binigyan din niya ako ng balabal dahil nag-uumpisa ng lumamig ang hangin at nagsisimula ng dumilim. Sa tabi namin ay nakalagay ang mga prutas, gulay at iba't-iba pang pagkain. Inaabutan din niya ako ng isang tasa ng mainit na sabaw. Nakakagutom pero hindi ko magawang pansinin.
Matalim akong nakatingin kay Ka Nena.
"Mabuti ito sa katawan, Pula. Para madaling gumaling ang mga sugat mo," sabi niya.
Hindi ako nagsalita. Gusto kong itapon sa mukha niya ang hawak niyang tasa.
Napabuntung-hininga siya nang mapansin nang wala akong balak kunin sa kanya ang tasa ng sabaw. Inilapag na lang niya iyon sa tabi at nagsimulang haluin ang kumukulong sabaw na nakasalang sa siga ng apoy. Mas nagmukha siyang mangkukulam ngayon sa paningin ko habang ginagawa niya iyon.
"Hindi mo ako dapat kamuhian, Pula," sabi niya habang bahagyang nakatalikod sa akin at naghahalo.
"Ano'ng hindi ko dapat kamuhian sa'yo?" nanggigigil na tanong ko at dinuro siya. Inilapit ko pa ang mukha ko sa kanya. "Pinapatay mo ang lahat ng tao sa isla. Ultimo ang mga inosenteng bata, hindi mo pinalagpas."
Tiningnan niya akong parang mas malaking kalokohan ang sinasabi ko. "Ginawa ko lang ang nararapat, Pula. Hindi mo kailangang magalit sa akin."
"Ako ba ang kailangan mo? Kung ako ang kailangan mo, hindi mo sila dapat dinamay!" galit na sigaw ko. Ngayon ko nailabas ang galit na kanina ko pa kinikimkim.
Sarkastiko siyang tumawa. "Wala kang ideya kung gaano kasarap ang ginagawa natin ngayon. Ang mga taong iyon ang may pinaka-puro at malinis na dugo at katawan. Ang sarap nilang pahirapan..."
Dinuro ko siya. "Baliw ka."
Kumunot ang noo niya sa akin. "Pasimple silang nagtatanim ng maling paniniwala sa'yo. Ang islang ito ang taguan ng pinaka-masasamang tao. Pero biglang naniniwala na sila sa maling Diyos. Dahil sa Julie na iyan. Siya ang nagsimula nang lahat. Isang malaking kalokohan ang ginawa niya."
"Kahit kailan walang ginawang masama sayo ang mga tao dito sa isla Kung naging masama man sila dati, hindi ba mabuting nagbago sila?" sigaw ko sa kanya.
Sarkastiko siyang ngumiti. "Gusto mo ring maging kristiyano, hindi ba?"
Nangunot ang noo ko. "Ano?"
Nagpatuloy si Ka Nena. Humarap sa akin. Tiningnan ako, mata sa mata. "Alam mo ba kung bakit nandito ka, Pula? Alam mo ba kung sino ka talaga?"
Mas lalong nangunot ang noo ko. Hindi ko maintindihan ang sinasabi niya.
"Isa kang anak ng Diablo, itinatago kita sa islang ito," pag-amin ni Ka Nena.
Nanlaki ang mga mata ko.
BINABASA MO ANG
The Awesome God
Spiritual"What no eye has seen, nor ear heard, nor the heart of man imagined, what God has prepared for those who love him." 1 Corinthians 2:9