One Date with J: Elohim Chayim (The Living God)

983 49 8
                                    

Bago ang lahat, gusto ko lang linawin sa'yo,

Hindi ako ang balon ni Sadako,

Hindi ako ang balon kung saan may lumalabas na babaeng mananakot sa'yo na tatagos sa telebisyon mo at pagkatapos ng isang linggo ay matatagpuan ka ng mga kaibigan mong nakakanganga sa upuan mo,

Hindi ako iyon.

Isa akong balon na ang layunin ay magbigay ng buhay mula ng bilhin ako ni Jacob,

Magbigay buhay sa mga nanunuyong lalamunan ng mga taga Samaria at nakikidaan,

Marami na akong napainom mula sa lalim kong mahigit isandaang talampakan at lawak kong kasya ang isang tao,

Mayroon akong tubig na nagiging gamit para sa pagkain, bahay at hanap buhay ng mga samaritano,

Tubig na kung ako'y mawawala, paano na sila?

Masayang maging ako,

Biruin mo, hindi mabubuhay ang mga taong ito ng wala ako?

Anim na pung porsyento ng katawan ng tao ay naglalaman ng tubig,

Kaawa-awa naman sila kapag nag-retiro na 'ko,

Mas kakayanin mong huwag kumain ng apat na pung araw pero hindi mo kakayanin ng walang tubig,

Kaya't aminin mo man o hindi,

Ayaw mo man o hindi,

Haluan mo man ng pampalasa o hindi,

Hindi mo kayang mabuhay ng walang tubig.

Pero may mga pagkakataon na tulad ng buhay mo, nanunuyot din ako,

Kapag masyadong matindi ang init ng araw,

Kapag masyadong tuyo ang lupa,

Minsan nadidismaya rin sa akin ang mga tao,

Sa lugar na ito, isang milagro na ang makaranas ng ulan,

Kaya't minsan nalulungkot din ako,

Minsan nauuhaw din ako,

Tulad mo.

"Maaari bang makiinom?" (John 4:7)

Sabi ni Jesus sa Samaritanang dumating upang umigib ng tubig sa akin,

Nagulat ako dahil hindi nakikihalubilo ang isang Judio sa isang samaritana lalo na't isang babae pa,

Sabi ni Jesus, "Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa iyo ng tubig, ikaw ang hihingi sa kanya at bibigyan ka niya ng tubig na nagbibigay-buhay." (John 4:10)

Sino ang nagsasalitang ito?

Ano itong tubig na sinasabi niya na higit pa sa aking laman?

Tubig na nagbibigay-buhay? 

May higit pa pala sa tubig na kaya kong ibigay?

"Ang bawat uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan." (John 4:13-14)

Tulad ng samaritana, nais ko rin ng sinasabi niya,

Upang mapawi rin ang uhaw na nararamdaman ko,

"Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa," wika ni Jesus (John 4:16)

Nakita ko agad ang paglungkot sa mukha at mga mata ng babae,

Naririnig ko palagi ang usap-usapan sa kanya,

Nalaman ko na ang hindi magandang nakaraan pati ang kasalukuyang sitwasyon niya,

Nakikita ko palagi ang lungkot sa mukha niya tuwing umiigib siyang mag-isa dahil walang gustong sumama sa kanya,

Ang pag-iwas at palihim na bulung-bulungan ng kapwa niya babae,

Ang malisyosong tingin sa kanya ng kalalakihan,

Ang dahilan kung bakit siya parating mag-isang pumupunta sa akin,

Ang samaritanang ito ay malungkot,

At hindi lang siya pumupunta sa balon dahil sa pisikal na uhaw,

Pati na rin sa espiritwal.

Sinabi ng babae, "Ginoo, palagay ko ay isa kang propeta." (John 4:19)

"Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga ninuno, ngunit sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos."

Sinabi naman ni Jesus, "Maniwala ka sa akin, darating ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem." (John 4:21)

"Ang Diyos ay Espiritu at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat siyang sambahin sa espiritu at katotohanan." (John 4:24)

Sinabi ng babae, "Nalalaman ko pong darating ang Mesiyas, ang tinatawag na Cristo, Pagdating niya, siya ang magpapahayag sa amin ng lahat ng bagay." )John 4:25

Naiintindihan ko na,

"Akong kausap mo ngayon ang iyong tinutukoy," sabi ni Jesus. (John 4:26)

Dumating ang kanyang mga alagad, nagtataka kung sino ang kanyang kausap,

Ngunit tulad ko, ang babae ay natulala,

Iniwan ang banga, bumalik sa bayan at ipinamalita.

Ang takot at hiya niya na makipag-usap sa ibang tao ay biglang nawala,

Ang pakiramdam niya na walang tatanggap sa kanya ay hindi na naging mahalaga,

Hindi niya napigilang hindi ikwento sa iba ang taong kumausap sa kanya.

Ang babaeng ito ay naghahanap ng kaligayahan at pagmamahal sa maling paraan,

Pero ang Diyos na mismo ang lumapit sa kanya,

Ang paghingi ng tubig ay pasakalye lamang,

Ang direktang pagpunta sa Samaria ay kasama sa plano,

Ang kadesperadahan ng Samaritanang magkaroon ng maayos na relasyon ay matatapos na,

Dahil sa pagkakataong ito magkakaroon siya ng relasyon na hindi mauuwi sa sakit, pighati at paghihiwalay,

Isang relasyon na aapaw sa puso niya ang tubig na nagbibigay-buhay,

Isang relasyon na anuman ang pagdaanan niya, kakayanin niya,

Dahil si Jesus ang kasama niya,

Dahil mismong ang Diyos ang lumapit at nagbibigay ng panibagong relasyon sa kanya, bagong pag-asa,

Dahil importante siya,

Dahil hindi na mahalaga ang nakaraan,

Dahil hindi binibilang ng Diyos ang dami ng mga lalaking dumaan sa buhay niya,

Dahil limang beses man siyang nagkamali, anim na beses siyang ibabangon ng Diyos,

Hawak sa magkabilang kamay kasama ang kapatawaran,

Hindi na mahalaga ang nakaraan,

Dahil tanggap siya,

Dahil mahal siya,

Hindi na ulit siya mauuhaw.

 -Ang Uhaw na Balon ng Samaria

The Awesome GodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon