One Date with J: The Risen God

816 32 5
                                    

Hindi ko na alam kung gaano na ako katagal sa salamin na ito. Hindi ko na alam kung inabot na ako ng ilang araw o oras. Nakaupo at nakasandal lang ako sa gilid. Nakayakap sa mga tuhod ko at nakatingin sa kawalan. May dumarating na pagkain at inumin pero hindi ko ginagalaw. Hindi ko kayang kumain. Wala akong gana. Ngayon ko napapagtantong si Father God ang gumawa ng salamin at nagpapakain sa akin.

Punung-puno pa rin ang puso ko ng kalungkutan. Paminsan-minsan ay may luha pa ring pumapatak sa mga mata ko. Nakikita ko ang araw na lumulubog at lumilitaw. Tinatamaan ako ng sinag niyon pero hindi ko maramdaman ang init. Kahit na nasa salamin ako, nararamdaman ko rin na kakaiba ang paligid. Kakaiba ang mga araw at gabi. Masyadong tahimik. Halos walang hangin na dumadampi sa mga halaman at lupa. Tila ang buong mundo ay nagluluksa. Nararamdaman din niya ang nararamdaman ko. Tila umiiyak rin sila.

Buhay na buhay pa rin sa gunita ko ang itsura ni Jesus habang nakapako siya sa krus. Noong namatay na siya. Noong ibinaba na siya mula sa krus. Noong nililinis na siya. Noong binabalutan na siya ng tela. Noong dinala na siya sa libingan niya.

Humagulhol na naman ako.

Masakit siyang makitang wala nang buhay. Ang tanging Lalaki at Diyos na nagbigay sa akin ng buhay, wala na. Masakit pa rin.

Pinahid ko ang pumatak na luha sa mata ko at suminghot. Umayos ako ng upo. Tumingala ako. Ito 'yung pagluluksang pinakamalungkot. 'Yung tipong walang katapusan. Walang makakatanggal ng sakit. Hindi ka makaka-moved on. Mas matindi pa sa pagluluksa ko sa mga magulang at kamag-anak ko.

Walang makakapawi ng lungkot at sakit kundi si Jesus lang din. Ganoon ang pakiramdam.

May narinig akong mga yabag ng paa. May sinasabi sila pero hindi ko maintindihan dahil may kalayuan sila sa akin. Naaninag ko lang na mga babae sila at may mga dala.

Bigla akong nahilo. Parang nanlabo ang mga mata ko. Pagtingin ko sa lupa, gumagalaw ang mga bato doon. Lumilindol!

Napakabayolente ng lindol na nakita kong gumalaw ang lupa sa paligid ko. Natakot ako. Nag-panic ako. Bigla akong napatuwid ng upo.

Mula sa pinaglilibingan ni Jesus ay may nakita akong liwanag. Isang imahe. Isang anghel? Tila siya ang naging dahilan kaya lumindol. Bumaba siya mula sa langit. Nakakasilaw na parang kidlat ang mukha niya at napakaputi ng suot niya. Mula sa kinaroroonan ko ay nakita kong inikot niya ang malaking batong nakatakip sa libingan ni Jesus. Naupo roon. Nanginig sa takot ang mga guardia na nagbabantay sa libingan ni Jesus at biglang nagsitumbahan at nawalan ng malay.

Ang sabi ng anghel sa mga babae, "Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang hinimlayan niya. Magmadali kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siyang muling nabuhay! Mauuna na siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Iyan ang balitang hatid ko sa inyo." Matthew 28:1-7

Kumabog ng malakas ang dibdib ko. Napatayo ako. Hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Nandilat ang mga mata ko. Totoo ang nasa Bible. Buhay siya! Nabuhay na siya!

Mula sa pagkakasandal ng mga kamay ko sa salamin, naramdaman kong unti-unting nawala ang salamin. Naamoy ko ang samyo ng hangin. Naramdaman ko ang init ng bukang-liwayway. Napatingin ako sa paligid. Napatingin ako sa mga ulap. Pakiramdam ko, kumindat sa akin ang Diyos.

Madali! Puntahan mo na siya!

Tila iyon ang sinasabi niya sa akin. Nakangiti. Masaya. Kasama ang mga anghel na nagdiriwang rin sa pagbabalik ng kanilang Hari at Panginoon dito sa lupa.

Kumakabog ng malakas ang dibdib at humihinga ng malalim na inumpisahan kong maglakad. May kaunting takot akong maglakad sa panahon na ito na wala ang salamin ng Diyos. Pero ginawa ko. Para kay Jesus. Alang-alang kay Jesus.

Gusto ko na siyang makita!

Binilisan ko ang lakad. Nagmamadali. Excited. Kasabay ang pangingilid ng luha. Ang kabog ng dibdib. Ang pangungulila. Ang pagkasabik sa kanya. Miss na miss ko na siya.

Pakiramdam ko nararamdaman ko ang cheering ng mga anghel. Go, Olivia. Go!

Tumakbo na ako. Nabulabog ko ang mga alikabok sa lupa. Sumabay sa kabilang direksyon ng hangin ang mga damo, halaman at bulaklak na nadadaanan ko. Hindi ko alam kung saan ako papunta pero tatakbo ako. Hahanapin ko siya.

Hahanapin ko si Jesus!

Pero napahinto ako. Parang nag-slow motion ang lahat. Parang huminto sa pagtibok ang puso ko. Parang tumigil ang oras.

Hindi ko na pala siya kailangang hanapin. Dahil nahanap na niya ako.

Nasa harapan ko siya ngayon.

Nakangiti. Nakatayo. Hinihintay ako.

"Hi, Olivia..." bati niya.

Nahigit ko ang hininga ko. Gusto kong kurutin ang sarili ko. Totoo nga. Totoo ang lahat. Buhay siya. Nabuhay siya mula sa kamatayan.

Nagsituluan ang luha ko. Para silang may sariling mga buhay na naglabasan. Napahawak ako sa bibig ko. Umiiyak ako sa saya. Sa sobrang saya. Kahit nanlalabo ang paningin ko sa luha, hindi ko magawang pumikit o kumurap man lang. Hindi pa rin ako makapaniwala. Alam kong hindi panaginip ang lahat.

He conquered death.

Gusto ko ring mag-Hi sa kanya. Gusto kong magsalita pero wala akong maisip sabihin. Naumid ang dila ko sa lakas ng presensiya niya.

Dahan-dahang sumilay ang ngiti sa mga labi ko. Tumutulo ang mga luha na itinaas ko ang isang kamao ko.

Yes!

Gusto kong magsasayaw sa tuwa. Gusto kong tumalon. Gusto kong humagulhol sa kaligayahan. Hindi ko ma-contain.

Amazing ka, God! Amazing ka!

Sa harap niya, sa mga paa niya, lumuhod ako. Dineklara na siya ang aking Lord and Savior.

Inilahad niya ang isang kamay sa akin. "Come, Olivia," ani Jesus. Nakangiti. "May date pa tayong dalawa."

Tinanggap ko ang kamay niya.

The Awesome GodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon