Chapter 18

1.6K 69 4
                                    

Unedited


Pagkatapos makausap ni Tuesday ang kaibigan, napabuntong-hininga na lang ito. Alam niyang hindi mahalaga kay January ang pera. Kaya nga magkasundo sila sa lahat ng bagay.


Sinimulan ni Tuesday gawin ang pakiusap ni January sa kanya. Umalis siya ng opisina at pumunta ng Marco Polo Hotel. Habang nagmamaneho nakasanayan na ni Tuesday ang makinig ng music. Nawawala ang kanyang pagod at pansamantala rin niyang nakakalimutan ang mga gumugulo sa kanyang isipan.



Ilang minuto na lang sana ay makakarating na ito sa kanyang patutunguhan nang makatanggap ito ng tawag mula sa kanyang mama. Pagkatapos nilang mag-usap ng kanyang ina, agad niyang kinabig ang manibela at mabilis na pinatakbo pabalik ang kanyang sasakyan.


Lakad-takbo ang ginawa nito nang makarating ng ospital sabay pahid ng kanyang mga luha. “Papa....” bulong niya sa sarili.


Inabutan ni Tuesday ang kanyang mama na nakaupo sa tabi ng kanyang papa at hawak-hawak ang kamay nito habang umiiyak. Nanginginig ang mga tuhod ni Tuesday dahil sa kaba at dahil doon, huminto muna ito sa paglalakad saka sumandal sa pader.


“Lord, please? Habaan mo pa sana ang buhay ng papa ko. Please? Gusto ko pang bumawi sa kanya. Marami pa akong gustong sabihin sa kanya. Hindi pa ako humihingi ng tawad sa lahat ng mga kasalanan ko. Please? Maawa ka.” Bulong nito sa sarili saka dahan-dahang dumausdos hanggang sa tuluyan na itong napaupo sa sahig at lihim na umiiyak.



“Tuesday?” tawag ng kanyang ina nang maramdaman nitong may ibang tao sa loob ng kuwarto.


Tumingala si Tuesday sa ina na nasa harapan na niya. “Mama----ang----papa,” tanging nasambit ni Tuesday sa pagitan nang paghikbi.



Niyakap siya ng ina “lumalaban pa ang papa mo. Kailangan ka niya ngayon Tuesday,” bulong ng ina sa kanya. Mayamaya pa’y tinulungan na siyang makatayo at tuluyan ng pinuntahan ang amang natutulog.



Nanginginig ang mga kamay na hinawakan ni Tuesday ang kamay ng ama. Ilang buwan na rin itong nakaratay sa ospital kaya bakas sa pangangatawan ng ama ang hirap. Buto’t balat na lang ito at nahihirapan nang huminga kaya kailangan nang gumamit ng oxygen.



Tatlong taon na ang nakakaraan nang malaman nilang may kanser sa bituka ang kanyang ama. Nang matuklasan ito ng mga doktor, stage 3 na at ngayon nasa stage 4 na.  


Nagmulat ng mga mata ang kanyang ama. Agad itong ngumiti nang makita si Tuesday. Hinawakan siya ng ama nang mahigpit at pilit naagsalita kahit hirap na hirap na.


“Bakit umiiyak ang Martes ko? Papangit ka niyan,” ani ng ama nang pabulong.


Napangiti si Tuesday. Lagi siyang inaasar ng ama noong kabataan niya na ang pangit niya kapag umiiyak. Nagpatuloy sa pagdaloy ang kanyang mga luha kahit anong pilit niyang huwag umiiyak sa harapan ng ama.


Sandali lang nagmulat ng mga mata ang kanyang papa. Agad din itong nakatulog ulit. Inayos niya ang kumot nito saka tumayo at nilapitan ang inang nakaupo sa sofa.


“Ma? Aalis po muna ako. May gagawin lang ako sandali. Babalik din ako kaagad,” ani nito nakaluhod sa harapan ng ina.


“Mag-iingat ka anak. At bumalik ka agad ha? Baka hanapin ka ng papa mo paggising niya,” sagot naman ng ina sabay punas ng mga mata niyang may mga luha pa.


Kinuha niya ang kamay ng ina saka hinalikan. “Huwag po kayong mag-alala sa akin mama. Babalik po ako kaagad,”



Tumango lang ang kanyang ina saka sinilip ang kabiyak nitong natutulog. Mabigat ang mga paa na umalis si Tuesday sa ospital. Kailangan niya ring asikasuhin ang bilin ni January sa kanya.



Month Series: January Montereal (✔) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon