Unedited
Dahan-dahang bumaba ang mukha ni Denmark sa mukha ni January. Dahil sa kaba, hindi nagawang gumalaw ng dalaga. Tila naparalisa ang buong katawan niya. Nabibingi na rin siya sa lakas nang pagtibok ng kanyang puso. Iniisip niyang gumalaw at magsalita ngunit pati isipan niya’y hindi na rin nakikisama ng mga sandaling iyon.
Nang magtama ang kanilang mga ilong, napapikit na lang si January sabay pabulong na sambit nito ng pangalan ni Denmark.
“Mas lalo kang gumaganda kapag kinakabahan,” rinig niyang bulong ng binata. Naramdaman na lang niya ang pagdampi ng isang matamis na halik sa kanyang noo. Halik na minsan na rin niyang naramdaman noon. Ngunit kakaiba ang ligaya na hatid nang halik ni Denmark sa kanya.
“January! Nandito pa ba kayo?!” tawag ng kanyang mamo.
“Mamo! Nandito pa po kami!” ani January saka mabilis na dinampian ng halik sa pisngi ang binata na ikinagulat nito.
“Hijo? Okay ka lang ba? Bakit parang natuka ka ng ahas d’yan?” takang tanong ni mamo nang madatnan nitong nakahawak sa kanyang pisngi ang binata at tulala na sinabayan pa nang paglaki ng kanyang mga mata.
Pigil ang mga ngiting sinagot naman ni January ang kanyang mamo na agad din naman nahulaan ng tiyahin.
“Naku! Parang first time mo lang matuka ng magandang ahas Denmark. Kumurap ka nga. Baka pasukan ng langaw ‘yang mata mo sa sobrang laki,” ani mamo sabay tapik sa balikat ng binata.
Dakong alas onse ng umaga nasa The Fort na ulit sina Denmark at January. Magkahawak kamay ang mga ito habang naglalakad. Kapwa hindi maalis sa kani-kanilang mga labi ang masasayang mga ngiti.
“Ano ‘yung kanina? Binigla mo ako doon ha,” ani Denmark sabay inom ng kanyang wildberry juice.
“Mas okay na ‘yung nabigla kaysa nabitin,” sagot naman ni January sabay irap sa binata habang nakangiti.
Napahinto sa paglalakad si Denmark sa narinig niyang sinabi ni January. Hinarang nito ang kanyang katawan sa harapan ng dalaga saka matamang tinitigan ito. Tiningnan niya si January sa mga labi pabalik sa mga mata ng dalaga at pababa ulit sa mga labi ni January sabay kagat sa pang ibabang labi nito.
“Gusto mo, ulitin natin ngayon? Hindi na kita bibitinin,” ani Denmark sabay yuko sa harapan ng mukha ni January.
“In your dreams!” ani January sabay bonggo ng noo ni Denmark. “Ang daming tao dito. Sa tingin mo papayagan kitang gawin ‘yan sa harapan ng maraming tao? No way!” ani January sabay iwas sa binata na sapo ang noo na binangga niya.
“Jan! Jan!” tawag nito sa dalaga ngunit hindi man lang nakuhang lumingon ni January. Mabilis at malalaki ang mga hakbang na ginawa ni Denmark upang mahabol ang dalaga.
Nang maabutan niya ito, agad niyang inakbayan si January saka hinalikan sa ulo ang dalaga. “Para sa noo mong masakit,” ani Denmark nang tumingala si January sa kanya.
Pinulupot naman ni January ang isang braso nito sa beywang ng binata saka sabay na silang naglakad.
Nilibot nila ang buong The Fort. Iba na ito kaysa dati. Mas marami ng mga gusali at kainan. May bago na ring mall maliban sa Market-Market. Mas marami ng tao at sasakyan. Marami na ring mga magandang pasyalan.
Nang mapagod sa paglalakad, pinili ng dalawa ang pumasok sa Nolita. Isa itong tindahan na karaniwang nagbebenta ng iba’t-ibang klase ng pizza na matatagpuan sa fort bonifacio.
Naghanap sila ng bakanteng mesa. Umupo muna ang dalawa saka pinag-usapan kung ano ang kakainin nila. Pagkatapos magkasundo, si Denmark na ang pumunta ng counter at bumili. Nagtaka si January nang makita niyang nakabalot ang pagkain na binili ng binata.
“Aalis tayo?” ani January nang makalapit na ang binata sa mesa nila.
“Oo. May pupuntahan tayo,” sagot naman ni Denmark sabay kuha ng kamay ni January sa ibabaw ng mesa.
Sumunod naman si January kay Denmark. Habang sakay sila ng kotse, nakatuon lang ang atensyon ng binata sa daan. Seryoso ito habang nagmamaneho. Malalim ang kanyang iniisip. Napapansin din ni January na hindi ito mapakali. Minsan nahuhuli niyang nakatingin ang binata sa kanya sa front mirror ng sasakyan at agad din namang umiiwas kapag nahuhuli niya. Hinayaan na lang niya ito at pinili na huwag ng magtanong.
“Sinong dadalawin natin dito?” tanong ni January ng mapansin na simenteryo ang pupuntahan nila.
“I want you, to meet someone,” sagot naman ni Denmark saka nag-park na sa harapan ng isang mausoleum.
Unang bumaba si Denmark saka pinagbuksan ng pintuan ang dalaga. Magkahawak kamay nilang pinasok ang puting mausoleum. Pagdating nila sa loob, ibinaba ni Denmark ang kulay pink na mga rosas na binili nila kanina ng may madaanan silang flower shop.
“Lineth Soriano” ang nakita pangalan ni January na nakaukit sa marble na at kulay pink na lapida ng naturang puntod. Pagkatapos mailagay ni Denmark ang mga bulaklak, tumayo ulit ito saka inakbayan si January.
“Siya ang dahilan kung nasaan man ako ngayon,” saad ni Denmark.
Third year high school si Denmark noon nang makilala niya si Lineth Soriano sa isang school activity nila. Nakuha agad ng dating nobya, ang atensyon niya nang tinulungan ni Lineth ang isang may kapansanang estudyante na pinagtatabuyan ng ibang organization ng kanilang eskwelahan. Dahil sa hindi ito makalakad ng tuwid at pagewang-gewang ito kung maglakad.
Panganay sa tatlong magkapatid at nag-iisang babae. Dahil nagmula sa isang mayamang pamilya si Denmark, nakukuha nito ang lahat ng gusto niya. Hanggang sa puntong gumamit na ito ng ipinagbabawal na gamot. Nalulong sa masamang bisyo ang binata. Napabayaan na rin nito ang pag-aaral ngunit nagbago ang lahat ng dahil kay Lineth.
Nanligaw si Denmark. Ngunit hindi ganoon kadali ang panliligaw na ginawa niya. Sinunod niya lahat ng kagustuhan ni Lineth. Ang dating mahaba niyang buhok ay naging maiksi. Ang pagiging drug addict niya ay unti-unti na niyang tinigilan hanggang sa tuluyan na niya iyong iniwanan. Saka pa lamang siya sinagot ni Lineth.
Tumagal ng mahigit isang taon ang kanilang relasyon. Sa loob din ng panahong iyon ay nagbago na nang tuluyan si Denmark. Ngunit hindi nagtagal, nawala rin ang babae sa kanya.
Bigla na lang itong hinimatay habang naglalakad silang dalawa palabas ng eskwelahan. Doon na niya nalaman na may sakit sa puso ang nobya. Ipinanganak itong may butas na ang kanyang puso. Inilihim ni Lineth sa kanya ang tunay nitong kalagayan. At isang araw, tuluyan ng binawian ng buhay ang dalaga.
Nagpahid ng mga luha si Denmark nang balikan niya ang mga alaala ng dating kasintahan.
“Pasensya ka na. Ganito lang talaga ako kapag naaalala ko siya,” ani nito sabay ngiti at pahid ng mga luha.
Hinagod ni January ang likod ng binata. Hindi niya alam kung paano pagaanin ang kalooban ni Denmark. Dahil siya man ay may karanasan ding hindi niya makakalimutan na kahit sa mga oras na iyon ay hindi pa niya kayang ipagtapat kay Denmark.
“Umiyak ka lang. Iyan lang ang paraan para gumaan ang pakiramdam mo.” Sagot naman ni January habang hinagod ang likod ng binata at nakatutok lang sa harapan ng puntod.
Patuloy lang sa pagdaloy ang mga luha ni Denmark. Luha ng kalungkutan at kaligayahan. Alam niya na masaya na rin si Lineth para sa kanya. Dahil sa wakas, natagpuan na rin nito si January.
Itutuloy________
Maraming salamat sa lahat ng mga nagbabasa at magbabasa pa. Huwag po sanang kalimutang pindutin ang star sa ibaba at mag-iwan ng komento.
Love…Love…
iamdreamer28
ʕ•ٹ•ʔ❤❤❤
BINABASA MO ANG
Month Series: January Montereal (✔)
ChickLitCover by: Jeth Cano Teaser: Meet January---sa kabila ng pagiging successful bilang isang event coordinator, nanatili pa ring may kulang sa kanya. Hindi iyon sapat upang tuluyan na niyang makalimutan ang nakaraan. "Wala akong panahon para sa 'yo at...