Chapter 6: Lamented yet, Untainted

1K 44 82
                                    

*Ean

Sinalubong ako ng sakit ng ulo sa pagmulat ko ng aking mata. Dahil dito ay muli akong napapikit at napadaing. May panaka-naka pa rin akong nakikitang imahe, ngunit hindi na nito pinalalala pa ang sakit sa ulo ko. Pinilit kong tinulungan ang aking sarili para bumangon.

"Oh, hijo! Dahan-dahan lang," alalang bulalas ng isang ginang habang dali-dali akong inalalayan pasandal sa makakapal na unan. Binuksan ko ang mata ko nang sa tingin ko ay komportable na ang pagkakasandal ko. "Maya-maya lang mawawala rin iyang sakit ng ulo mo," sabi niya habang inaayos ang kamang hinihigaan ko.

Sinuri ko ang kwartong tinitigilan ko. Napakalayo nito sa nakasanayan kong tent na tinitirhan ko. Kung doon ay halos hindi na magkasya ang mga gamit ko, dito naman ay napakalawak ng kwarto na para bang kayang-kaya pagkasiyahin ang apat na tent. Kung doon ay ramdam ko ang butil ng mga buhangin sa likod ko tuwing humihiga ako sa banig, dito ay komportable ang likod ko sa malambot na kama't unan.

"Nasaan ako?" Imik ko sa gitna ng paggagala ng mata ko sa kabuuan ng kwarto.

"Kwarto ito ng Head Captain, hijo. Pinatigil ka niya rito dahil sa nangyari sa'yo kanina," sagot ng ginang sa akin dahilan para tignan ko siya. Agad nagbago ang ekspresyon ng mukha ko nang mamukhaan ko siya.

"'Nay? K-kayo 'yung hinuli ng mga gwardya noong isang araw, hindi po ba?" Gulantang kong sabi at kita kong napangiti siya. Hindi ako pwedeng magkamali, siya 'yon!

"Ako nga, hijo," pagkumpirma niya sabay upo sa gilid ng kama. Sabi na nga ba eh!

"Ayos lang po ba kayo? Anong parusa po ang binigay nila sa inyo? Totoo po ba ang sinabi niya na wala silang ginawa sa inyo?" Sunod-sunod kong tanong na puno ng pag-aalala. Muli ay ngumiti siya sa akin.

"Nakakatuwa ka talagang bata ka. Kahit hindi mo ako kaano-ano at kilala ay ganyan na lang ang pag-aalala mo," wika niya habang suot ang matatamis na ngiti. Medyo natigilan naman ako sa papuring binigay niya at agad na kumalma. "Kung anuman ang sinabi ng Head Captain sa'yo ay totoo iyon. Sa katunayan nga ay personal niya akong pinakiusapan na pumunta rito upang alagaan ka habang wala kang malay. Ayon kasi sa kanya ay nag-aalala ka raw sa akin."

"Haay, salamat naman." Nakahinga na ako nang maluwag nang malaman kong naging ligtas nga ang ale noong mahuli siya, ngunit agad naman akong napasimangot sa mga huli niyang sinabi. "Pero kahit na po. Hindi ka niya pinabalik ng Downsector agad at walang pasabi na pinagtrabaho kayo sa Upsector. Paano na lang 'yung mga naiwan niyo d'on? Sigurado akong nag-aalala na pamilya niyo."

Hindi ko inaasahan ay napansin kong lumungkot ang mga mata niya. "Mag-isa na lang ako sa buhay."

Napaawang ang bibig ko sa nasabi niya. Bigla akong nailang sa mga nasabi ko. "P-pasensya na po."

Dinig ko ang paghagikgik niya saka siya muling nagsalita. "Walang anuman. Pero sana, hijo ay huwag mo na sisihin ang Head Captain sa nangyari. Iyon na lamang ang naiisip niyang pinakamabuting paraan kaya humantong siya sa ganoong desisyon." Nagsalubong ang kilay ko sa pananalita niya. Para bang sa mga sinasabi niya ay mabuting tao ang Head Captain-- na ang taong dahilan ng pagdudusa ng Downsector ay may puso rin pala.

Nilagay niya ang kamay niya sa aking balikat na hindi pa rin naaalis ang ngiti. "Hindi siya tulad ng inakala natin, Ean. Nag-aalala rin siya para sa ating mga Downsector."

Umuyam ako't saglit na nag-iwas ng tingin sa nasabi niya. Nagbibiro ba si nanay? Baka naman tinakot 'to para sabihin ang mga 'yan. "Nag-aalala? Pag-aalala na pala ngayon ang mag-apruba ng mga batas na unti-unting papatay sa atin? Eh hindi ba naman siya tang--" Bigla akong napahinto nang makarinig kami ng mga katok mula sa pinto. Agad tumayo ang ginang at binuksan ito. Niluwa ng pinto ang Head Captain dahilan para muli akong makaramdam ng inis at mapailing.

Lakserf's Obscure: Emergence of the Crack [Book 1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon