Chapter 13: A Paragon

785 37 31
                                    

*Ean

Gumising ako nang napapangiwi sa ilaw na sumalubong sa mga mata ko. Pilit na lumaban ang mga mata ko sa liwanag at doo'y bahagya itong nasanay. Sa isang kwarto na may mabatong dingding at pader ako tumitigil. May mga ilang kagamitan din sa paligid, ngunit lahat ng iyon ay hindi pamilyar sa akin. Nasaan ako?

Inangat ko ang kamay ko upang takpan ang nakakasilaw na ilaw, ngunit nahagip ng mga mata ko ang mga gasgas at sugat sa mga braso ko. Ganoon din ang kabila kong braso. Nalipat ang atensyon ko rito na puno nang pagtataka. Hindi naglaon ay agad ko rin namang naalala kung saan ito nanggaling. Bumubuntong hininga kong inalala ang nangyari.

Tama, muntikan nang lamunin ng kadiliman ang buong Edira. Noong gabing iyon ay kumalat ang napakaraming Crack at mga Visitant. Naging matindi rin ang eksenang kinalalagyan ko noon kaya humantong ako sa ganoong pangyayari. Na nagawa kong gamitin ang sa tingin ko ay buo kong lakas para masagip ang buong Edira. Iyon nga lang ay hindi ko na alam ang nangyari matapos kong marinig ang mga sunod-sunod na pagkidlat na ginawa ko. Ang alam ko lang ay pilit kong pinatama ang mga kidlat sa mga kalaban at hindi sa mga tao ng Edira.

"Ungh..." ungol ko nang tinulungan ko ang aking sarili na bumangon. Minasahe ko pa ang ulo ko upang iwasan ang maaaring pagkirot nito. Nang makakuha ng sapat na lakas ay bumangon ako mula sa kama at nagtungo sa pinto, ngunit hindi ko pa ito tuluyang nalalapitan ay nagbukas na ito.

"Ean?" Gulat na bulalas ng isang ginang sa akin na may hawak na palanggana na puno ng tubig at isang bimpo. Hindi ko siya kilala. Nailang ako sa kung paano niya ako titigan na may unti-unting ngiting namumuo sa mga labi niya.

"M-magandang araw po sa inyo," kamot ulo kong bati sa kanya.

"Maraming salamat at gising ka na!" Nagagalak niyang bulalas habang nakayuko sa harapan ko. Lalo tuloy akong nailang sa inasta niya.

"Salamat po. Pero 'wag na po kayo yumuko," ani ko habang marahan siyang pinatatayo nang tuwid. Hindi ko lubos maintindihan kung bakit niya pa kailangang yumuko sa harapan ko para lang batiin ako. Lakas maka-prinsipe, eh isang hamak na Downsector lang naman ako.

Umangat ang pareho kong kilay nang dahan-dahan niyang hinaplos ang mukha ko na may matamis na ngiti. Pinakiramdaman ko siya kung bakit niya iyon ginawa, ngunit mas nawirdohan ako nang manatili siyang nakatitig sa akin na wari ay sinusuri ako nang mabuti. "Uhh... manang? Santo na po ba ako?"

"Kailangan itong malaman ng Head Captain," wika niya at dali-daling nagpaalam bago umalis. Naiwan naman akong may malalim na kunot sa aking noo. Nakatira ba si manang? Parang ang lakas ng tama eh.

Pinagsawalang bahala ko na lang ang nangyari at tuluyan nang lumabas ng kwarto. Bahagya akong nagulat nang malaman kong nasa kampo pala ako ng mga gwardya. Ang mga gusaling yari sa bato, ang malawak na espasyo sa gitna kung saan nakatigil ang ilang mga gwardya; hindi ako pwedeng magkamali na ito nga ang kampo nila. Ibig sabihin ba nito ay matagumpay nilang nasagip ang Edira matapos ang gabing iyon?

"...ling naman nito, ate! Ang asti-- si kuya Ean!" Halos mapabalikwas ako nang marinig ko ang pamilyar at maliit na boses. Kusa akong napangiti nang sa paglingon ko ay nakita ko ang patakbong si Dylan tungo sa akin at agad akong niyakap. Kasama niya rin sina ate Vivith at Moira na halatang gulat nang makita ako. "Kuya Ean! Gising ka na!" Natatawa kong ginulo ang buhok niya habang mahigpit pa rin siyang nakayakap sa akin.

"Diyos ko naman, Ean! Bakit ka agad bumangon?" Salubong naman sa akin ni ate Vivith at halos burahin na mukha ko sa pagkapkap sa akin. "Ayos ka na ba talaga, huh!? Iyang mga sugat mo, hindi pa magaling, ano ba naman-- mahiga ka nga muna ulit!"

Lakserf's Obscure: Emergence of the Crack [Book 1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon