Chapter 32: Fear and Hope

680 34 15
                                    

Kung hindi ko pa naramdaman ang paghinto ng lift ay hindi pa matatapos ang pag-iisip ko sa mga bumabagabag sa akin. Pinalibot ni Moira ang kanyang tingin at tila pinakiramdaman ang lift saka niya ako tinignan.

"We're here," imik nito.

Isang tipid na tango lang ang sinagot ko. Mula sa aking loob ay kumuha ako ng lakas upang kumilos kahit na alam kong nanghihina pa rin ako sa lahat ng mga nalaman ko. Inalis ko ang likod ko sa pagkakasandal at pumuwesto na sa tapat ng metal na rehas bilang paghahanda. Sinenyasan ko naman si Moira na manatili lang sa likod ko.

"Sandali, kuya," pigil sa akin ng boses ni Lance dahilan para maudlot ang gagawin ko. "Gusto ko lang sabihin na mag-iingat kayo sa oras na buksan na ninyo ang lift."

Tila nakaramdam ako ng takot sa naging babala niya at napalunok. Bahagya kasing nanumbalik sa akin ang naganap noon dito sa tower. "A-ano'ng ibig mong sabihin?"

"Napakarami nang kaluluwa ng mga taga Ancients ang nagkalat sa labas." Kaluluwa ng mga Ancients? Posible kayang ang mga Visitants ang tinutukoy niya?

"Ang mga Visitant ba ang sinasabi mo?" Pagtatanong ko.

"Iyon na ba ang tawag niyo sa kanila?" Taka niya naman. "Ang inilalabas ng lagusan, ang sumasanib sa mga tao, oo, kaluluwa sila ng mga namatay noon sa Ancients."

Agad akong nakaramdam ng kakaibang bigat sa nasabi niya. Hanggang sa maalala ko pa ang panganib na dulot ng mga MG na maaaring naghihintay sa amin. "A-at sa mga miyembro ng MG na naghihintay sa amin sa labas, tama ba ako?"

Kasabay ng sinabi ko ay naalala ko ang kalaban ngayon ni Shion na siyang pumatay kay Relena. Si Brendz na ngayon ay mag-isa lang. At kay Moira na makakasama ko papunta sa tuktok ng tower na may mas malaking panganib. Nanumbalik lahat sa akin ang mga nangyari kina Relena at Kouji dahilan para marahas na manginig ang buo kong katawan.

"Ean! A-are you ok!?" Tarantang alala sa akin ng kasama ko. Maagap niya akong naalalayan nang manghina ang tuhod ko at akmang babagsak na. Dahan-dahan ay pinaupo niya ako sa gilid habang halos hindi na ako magkandamayaw sa paghabol ko ng hininga. "Oh my, god, you're trembling! Calm down, Ean. Try to relax!"

Sinubukan kong sundin ang sinabi ni Moira, ngunit kahit anong gawin kong pagpapakalma sa aking sarili ay parang mas nilalamon pa ako ng aking takot. Parang pinaglalaruan ng memorya ko ang mapait kong ala-ala dito sa tower. Paulit-ulit na lumilitaw ang imahe ni Relena na umaagos ang dugo sa kanyang bibig at ang kalunos-lunos na sinapit ni Kouji. Gayundin ang paghihingalo ni Lance habang akay ko siya.

Ayaw ko. Ayaw kong makita ulit 'yon. Ayaw kong mangyari rin ang sinapit nila sa mga kasama ko ngayon. Si Shion. Alam kong dapat kasama namin siya noong mga panahong iyon, pero hindi ba't baka isa rin siya sa mga nasawi kung nakasama namin siya noon? Si Brendz. Hindi pa ba sapat na nilalamon na ako ng aking konsensya na hindi ko natupad ang pinangako kong babantayan ko ang dalawa niyang kaibigan? Pero ngayon ako pa ang nagdala sa kanya kung saan nasawi sina Relena at Kouji. At si Moira. Sa kabila ng nagawa niya para sa akin, ito ba ang isusukli ko? Ang dalhin siya sa kapahamakan?

Lalong lumakas ang panginginig ng buo kong katawan sa mga naiisip ko. Habang patuloy akong pinapakalma ni Moira ay patuloy din ang pagpapatay sindi ng ilaw ng lift, marahil ay dahil sa unti-unti na ring nakakain ng emosyon ko ang aking mahika. Naririnig ko rin ang boses ni Lance, ngunit hindi naging sapat lahat ng 'yon para maibsan ang takot ko.

"Bu-bumalik na tayo," bigla kong nasabi na nagpahinto kay Moira. Pakiramdam ko ba ay habang mas nagtatagal kami rito sa tower ay lalo akong natatakot para sa buhay namin. "Delikado dito! Kailangan na nating umalis, tara na!"

Lakserf's Obscure: Emergence of the Crack [Book 1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon