There is a chapter in our lives that we may call the 'Crossroads', and this is where the roads of two people's lives are destined to meet...
Part 1: Miyoko
Nagising ako mula sa mahimbing na pagkakatulog, nang marinig ko ang ringtone ng aking cellphone. Kinapa ko ang cellphone sa mesa na nasa gilid ng aking kama. Habang nakahiga pa ay kinusot ko ang aking mga mata at binasa ang natanggap na text message mula sa isang kaibigan.
From: Miyoko
August 1, 2007 5:23 AM
Yosef, magkita tayo s north intersection ng Sevilla Avenue.
May ipapakilala ako sau.
Be there at 8pm. Don't be late. Okay?
Hindi isang Hapon ang kaibigan kong si Miyoko. May-ari ng isang Japanese restaurant ang kanyang pamilya, at dito kinuha ng mga magulang niya ang kanyang pangalan.
Babaero itong si Miyoko. Halos buwan-buwan ay nagpapalit siya ng girlfriend. May mga pagkakataon pa nga na pinagsasabay niya ang dalawang babae. Hindi pa talaga siya nagkakaroon ng seryosong relasyon sa kahit kaninong babae.
Pero matagal na iyon. Napansin ko kasi nitong mga nakaraang buwan na mukhang nagbago na siya. Marahil ay binago siya nitong 'sum1' sa kaniyang text.
"Cge, cge. Pupunta ako," text back ko.
Hindi na ako nag-abala pang ibalik ang cellphone sa mesa. Nanatili ito sa aking kamay hanggang sa muli akong nakatulog.
Lumipas ang ilang oras at nagising ako dahil sa sikat ng araw na tumatagos sa bintana. Bumangon ako at umupo sa gilid ng kama. Nang maabot ng aking mga paa ang sahig ay naramdaman kong may natapakan akong isang matigas na bagay. Nang tumingin ako sa baba, nakita ko ang aking cellphone na may crack ang screen. Mukhang nahulog ang cellphone mula sa aking kamay habang ako'y natutulog. Napakatanga ko talaga, sabi ko sa sarili, binalik ko dapat iyon sa mesa bago ako matulog.
Pinulot ko ang cellphone at sinuri ang kanyang naging kapalaran. Pinindot ko ang ilang key at gumagana pa rin siya. Expensive pa naman itong phone ko na ito. Bigay ito ng mga magulang ko noong unang araw ko sa kolehiyo. Hindi man nila sabihin, alam kong pinapahiwatig ng regalo na iyon na gusto nilang mag-aral ako nang mabuti.
Ang kaso, napabayaan ko ang aking pag-aaral noong third year ko sa kolehiyo. Nalulong ako sa paglalaro ng computer games kasama ang mga classmate. Lagi akong present sa mga inuman session kasama ang barkada. Sa kanila ko rin natutunan ang manigarilyo. Napariwara ang buhay ako. Mali ang landas na tinatahak ko, pero hindi ko magawang makabalik.
Naisip kong magpabili ng bagong cellphone sa mga magulang ko. Pero mukhang hindi nila pagbibigyan ang hiling ko. Maliban na lamang siguro kung papatunayan kong mag-aaral na akong mabuti.
Hindi katulad ko, si Miyoko ay isang matalinong tao. Nagtapos siya ng kolehiyo na may honor. Ang degree na kinuha niya ay talagang pinakinabangan niya pagka-graduate. Inaasahan kasi siya ng mga magulang niya na mag-manage ng kanilang family business. Siya ang dahilan kung bakit nagkaroon ng maraming branch ang kanilang restaurant.
Totoong ideal man itong si Miyoko. Marahil, iyon ang dahilan kung bakit maraming babae ang nagkakandarapa sa kanya.
At naiinggit ako.

BINABASA MO ANG
Crossroads (Tagalog)
Romance'Crossroads' is where the roads of two people's lives are destined to meet. Naliligaw ng landas ang buhay ng college student na si Yosef hanggang sa isang araw ay nakilala niya ang isang prangka-ngunit-magandang si Isabel na nagsimulang baguhin ang...