Ang araw ay naging itim, ang lupa ay lumubog sa karagatan,
Ang mga maiinit na bituin ay nahulog mula sa kalangitan,
Ang apoy ay tumatalon na kasintaas ng langit mula sa kalupaan...Kasalukuyang pinapanood ni Frigga ang pagkawasak ng mundo mula sa kanyang silid mula sa kaharian ng Asgard.
Ipinikit niya ang mga mata at pinilit alalahanin ang mga masasayang alaala bago maganap ang pagkawasak.
"Pagkatapos ng kaguluhan ay isang bagong langit at lupa ang uusbong," sambit niya na pinipilit maging positibo sa kabila ng nararamdamang takot.
Lumapit siya sa higaan ng asawang si Odin na payapang natutulog. Nakatakda lamang itong magising pagkatapos ng Ragnarok. "Hindi ka nagtagumpay, mahal kong Odin," sambit ng diyosa habang hinahaplos ang pisngi ng asawa. "Matutuloy ang nakatakdang mangyari. Kahit ikaw pa ang pinakamakapangyarihang nilalang sa lahat ay hindi mo kayang labanan o pigilan ang tadhana." Hinalikan niya ang malamig na labi ni Odin. "Nawa'y magkasama tayong muli sa susunod nating buhay."
-*-*-
Pinapanood ng tatlong diyosa ng tadhana, ang pagpulupot ng malaking katawan ni Jormungand, ang Midgard Serpent sa Yggdrasil, ang puno ng buhay na sumusuporta sa iba't-ibang mundo.
"Dumating na ang araw ng pagkawasak. Ang Yggdrasil ay matitibag," sambit ni Verdandi, ang diyosa ng kasalukuyan.
"Nakatakda naman talagang mawasak ang Yggdrasil," sambit naman ni Urda, ang diyosa ng nakaraan. "Sa muling pag-usbong nito ay ang simula ng bagong buhay."
"Mali," pagsalungat ni Skuld, ang diyosa ng hinaharap sa sinabi ni Urda. "Sa pagkakataong ito ay nakatakda nang bumagsak ang puno."
"Ano ang ibig mong sabihin?" pag-aalala ni Verdandi.
"Nakikita ko ang hinaharap ng Yggdrasil, magtatagumpay si Jormungand sa pagwasak dito. Ang tanging pag-asa nitong makaligtas ay ang tanggapin nito kung anuman ang isinakripisyo ni Odin."
Naghawak-kamay ang tatlong magkakapatid. Sila ang naturingang mga diyosa ng tadhana, may kakayahan silang makita ang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap, ngunit wala silang kakayahan upang baguhin ito.
-*-*-
Sa unang ugat ng Yggdrasil, ang isa sa mga mundo na sinusuportahan nito, ang Kaharian ng Kamatayan na tinatawag nilang Niflheim. Ang kahariang ito ay pinamumunuan ng diyosa ng kamatayan na si Hel, na kasalukuyang nakaupo sa trono ng kanyang malamig na kaharian at pinapanood ang panaghoy ng mga kaluluwang natatakot sa nagaganap na pagyanig.
"Kamahalan, umalis na po kayo dito, iligtas ninyo ang inyong sarili!" nag-aalalang sambit ni Garm, ang asong-lobo na tagapagbantay ng kaharian ni Hel.
Ipinikit ni Hel ang kanyang pulang mga mata at huminga ng malalim. Nakakaramdam din siya ng takot ngunit walang mabasang emosyon sa kanyang mukha.
"Ito ang tahanan ko, dito ako nabibilang. Dito ko nais mamatay," sambit ng diyosa ng kamatayan. Maging ang boses niya ay malamig at kalmado.
Lumapit sa kanya si Garm at umupo sa tabi niya. "Dito ako nabibilang, sa tabi ninyo kamahalan."
Napangiti si Hel. Isang ngiti na ngayon lamang nasilayan ni Garm.
"Sana'y tayo parin ang magkasama sa susunod nating buhay," sambit ni Hel habang hinihimas ang ulo ni Garm.
"Opo, mananatili ako sa tabi ninyo sa susunod nating buhay at sa mga susunod pa."
-*-*-
Sa ikalawang ugat ng Yggdrasil ay ang ikalawang mundo nv sinusuportahan ng ugat nito, ang Jötunheim, ang teritoryo ng frost-goants.
Magkahalong takot at kaba ang kanilang nararamdaman dahil sa nagaganap na pagkawasak.
"Posibleng ang mga Aesir ang may kagagaw'an ng pagyanig ng lupa at pagbagsak ng mga bituin sa langit! Nais nilang sirain ang kaharian natin!" sigaw ni Utgard-Loki, ang pinuno ng mga higante.
Inutusan niya na maghanda ang lahat ng mga kapwa higante upang salakayin ang Asgard.
-*-*-
Sa Bifröst, o rainbow bridge na daanan papunta sa kaharian ng Asgard, nakabantay ang diyos ng liwanag na si Heimdall. Sa lahat ng nilalang sa mundo, siya ang may pinakamatalas na mata at pinakamalakas na pandinig. Pinakikiramdaman niya ang mga palapit na yabag na naririnig niyang palapit.
Sa tabi ni Heimdall, lumapit ang diyos ng kulog at kidlat, si Thor na nakahanda na rin sa nakatakdang digmaan.
"Nawa'y sa susunod nating buhay ay maging kaibigan kitang muli," sambit ni Thor kay Heimdall.
"Ayoko na, palagi mo na lamang akong binibigyan ng sakit sa ulo," pang-uuyam na sagot ni Heimdall na nakangisi.
"At sana ikaw naman ay bumait kahit papaano. Naging suplado ka tuloy dahil hindi ka na natutulog upang tumayo at magbantay sa Bifröst."
Nagsalubong ang mga kilay ni Heimdall na sadyang pikon. Inihanda niya ang kanyang Hofund, ang kanyang gintong espada at umaktong sasaksakin si Thor.
Umakto rin si Thor na pupukpukin si Heimdall gamit ang Mjöllnir, isang mahiwagang martilyo na sandata niya.
"Tumigil nga kayo!" awat ni Freya na nakapameywang. "Mapapasabak tayo sa isang digmaan na maaaring makadagdag sa pagkawasak ng mundo, ngunit mas pinaiiral ninyo ang pagiging isip-bata ninyo!"
Sa likod ni Freya, ay ang mga Valkyrie na lalaban kasama nila, na natatawa at bumubungisngis nang mapanood ang pagiging-isip-bata ng dalawa na kabilang sa pinakatanyag na Diyos ng Aesir.
Umayos naman ang dalawa nang mapagtantong tama si Freya.
Sa hindi kalayuan, natanaw na ni Heimdall ang mga paparating na mga kalaban. Nakahanda na ang mga ito na sumugod.
"Nakatungtong na ang mga higante sa Bifröst," babala ni Heimdall.
"Para sa Asgard!" sigaw ni Thor na itinaas ang Mjöllnir.
"Para sa Asgard!" sigaw din ni Heimdall na itinaas ang Hofund.
"Para sa Asgard!" sigaw ni Freya.
Natanaw na nila ang mga papalapit na higante.
"Para sa Asgard!" sabay-sabay na sigaw ng mga Valkyrie.
Naghanda na sila upang salubungin ang mga kalaban.
"Mabuti kang kaibigan, nawa'y maging magkaibigan nga tayong muli," sambit ni Heimdall na nakatutok sa mga paparating na higante.
Ngumisi si Thor at hinigpitan ang hawak sa Mjöllnir. "Alam ko naman na mabuti akong nilalang."
Hinipan ni Heimdall ang Giallar bilang tanda na nagsimula na ang katapusan.
-*-*-
Notes from Helle:
Credits to silenthein for the cover.
Maraming kakaibang terms sa Norse Mythology, and this story is a mythic fiction. May glossary po sa pinakahuling chapter na maaari ninyong maging gabay sa pagbabasa. Nadoon ang lahat ng mga kakaibang salita na inyong makikita at ang kanilang mga kahulugan.
Enjoy reading!
BINABASA MO ANG
THE FALL OF ASGARD (COMPLETED)
FantasyThe sun turns black, earth sinks in the sea, The hot stars fall from the sky, And fire leaps high about heaven itself, -a prophecy in the ELDER EDDA Credits to silenthein for the wonderful cover.