"Napasunod ko na ang Mjollnir! Dahil dito ako na ang ituturing na pinakamalakas na Aesir!" masayang sigaw ni Ashton na hindi mawala ang tingin sa hawak niyang martilyo.
Mula sa kalangitan, narinig nila ang malakas na pagkulog at pagkidlat.
"Thor," pagtawag ni Clark kay Hunter. Tiningnan niya ito, walang imik ngunit nanlilisik ang mga mata habang nakatingin sa Mjollnir na hawak ni Ashton.
"Heimdall, kahit ngayon lang, pakinggan mo 'ko, ipaubaya mo sa'kin si Vidar," sambit ni Hunter na hindi inaalis ang tingin kay Ashton. "Magpahinga ka muna."
Ngumiti si Clark na nakaipon na ng sapat na lakas upang makatayo. "Bahala ka, basta kung may mapansin ako na hindi maganda, makikialam agad ako."
Tahimik na nagpakiramdaman sina Ashton at Hunter. Habang si Freya ay binibigyan ng paunang-lunas ang mga sugat ni Clark. At si Fenrir ay nagawa na ring makatayo.
"Teka! Ako ang kailangan niya! Iwan niyo siya sa akin, at ako ang magtuturo ng leksyon sa kanya!" sigaw ni Fenrir kay Hunter.
"Hanapin mo nalang si Hel! Kami ang bida dito, kami ang bahala!" sigaw din ni Hunter.
"Si ama na ang bahala kay Hel! Inutusan niya ako upang parusahan si Vidar!"
"Manahimik ka! Ako ang bahala kay Vi...-"
Bago pa matapos ni Hunter ang nais sabihin ay mabilis na inihagis ni Vidar ang Mjollnir kay Fenrir. Dahil sa lakas ng Mjollnir ay napalipad si Fenrir ng ilang metro. Matapos iyon ay kusang bumalik ang Mjollnir sa kamay ni Ashton.
"Pasensya na, Fenrir, pero uunahin ko muna sila. Huwag ka mag-alala, isusunod kita," mayabang na sambit ni Ashton na ikinainis ni Hunter.
Mabilis na sinugod ni Hunter si Ashton ngunit nagawa nitong masalag ang kanyang espada gamit ang Mjollnir.
Agad kumilos si Utgard-Loki upang tulungan si Ashton sa pamamagitan ng pag-atake kay Hunter gamit ang kanyang sandatang kadena ngunit isang lamesa ang lumipad upang harangin ang kadena.
"Tayo naman ang maglaro," malamig na sambit ni Clark na siyang nagbato ng lamesa. "Oo nga pala, nagkamali ka ng brasong binalian ng buto. Kaliwete ako."
-*-*-
Isang sipa ang iginawad ni Hunter sa sikmura ni Ashton.
Napangiwi si Ashton dahil sa lakas ng pagkakasipa sa kanya, ngunit pinilit niya iyong balewalain at umatake sa pamamagitan ng paghampas ng Mjollnir sa ulo ni Hunter.
Mabuti na lamang at mabilis nasalag ni Hunter ang pag-atake gamit ang kahoy na espada.
"Naiintindihan ko na, sumusunod ang Mjollnir sa gusto ng humahawak sa kanya!" tiim-bagang na sambit ni Ashton na pinipilit idiin ang Mjollnir. "At ang gusto ko, ay ang maging pinakamalakas na Aesir! Sa tulong ng Mjollnir, magiging posible iyon!"
Umatake muli si Ashton. Mas nilakasan niya ang paghampas ng Mjolnir. Sinalag muli ni Hunter iyon ngunit dahil sa lakas ng Mjollnir, hindi iyon kinaya ng kahoy na espada. Unti-unti iyong nagkalamat at nabali.
Nanlaki ang mga mata ni Hunter dahil muling bumuwelo si Ashton na ihampas sa kanya ang Mjollnir ngunit isang force field ang humarang bago pa lumapat ang martilyo sa kanyang mukha.
Sa isang kisapmata, mabilis na inatake ni Fenrir si Ashton kaya nawala ang atensyon nito sa kanya. Tiningnan ni Hunter si Freya na siyang gumawa ng force field at sinenyasan ng kanyang pasasalamat bago niya ihagis sa kung saan ang mga nabaling piraso ng espada.
"Wala 'yun, gamitin mo muna ito!" Ibinato ni Freya ang kanyang espada kay Hunter na agad naman nitong nasalo.
Samantala, inihagis ni Utgard-Loki ang kadena sa direksyon ni Clark. Alam niyang hindi pa tuluyang nakakabawi ng lakas ang Aesir kaya hindi pa ito makakakilos ng maayos dahil na rin sa mga nabali nitong buto sa tadyang at kanang braso. Kailangan niyang idaan sa bilis ng pag-atake.
BINABASA MO ANG
THE FALL OF ASGARD (COMPLETED)
FantasíaThe sun turns black, earth sinks in the sea, The hot stars fall from the sky, And fire leaps high about heaven itself, -a prophecy in the ELDER EDDA Credits to silenthein for the wonderful cover.