Si Heimdall, ang tagapagbantay. Mayroong kakayahang masilayan at marinig ang lahat ng bagay na nagaganap sa siyam na mundo ngunit mas pinili niyang huwag nang makialam sa mga nangyayari sa kahit anong mundo.
Kasalukuyan siyang nakaupo sa dulo ng Bifröst upang panoorin ang paglubog ng araw.
Ilang araw na matapos tuluyang mapunta ang kaluluwa ni Balder sa Niflheim.
Naalala niya ang sinabi ni Hermod, ang tanging naglakas-loob upang pumunta sa Niflheim at kausapin si si Hel na mabawi ang kaluluwa ni Balder. Sabi nito ay ibang nilalang ang nakausap nito. Napakagandang nilalang na imposibleng maging si Hel.
Naalala niya ang unang beses na dalhin ni Loki ang mga anak niya sa Asgard na sina Fenrir, isang lobo, si Jormungand, isang ahas at si Hel, isang babae.
Natakot ang lahat sa ipinakitang anyo ni Hel. Isang nilalang na kalahating bangkay, ngunit ang kalahati nito ay isang magandang babae.
Hindi siya mahilig makialam o makiusyoso ngunit ng mga panahong iyon ay nanaig sa tagapagbantay ang kuryosidad. Ipinadako niya ang kanyang kulay gintong mga mata sa pinakamalalim at pinakamalayong mundo, ang Niflheim.
-*-*-
Matalas ang titigan nila Balder at Garm habang nasa hapag-kainan.
"Isa, dalawa, tatlo...-" bilang ni Hel. "Handa!"
Sa senyales na ibinigay ni Hel ay nagsimula nang mag-unahan sina Garm at Balder sa pagkain. Dahil nasanay sa marangyang buhay si Balder ay hindi siya sanay na kumain ng malalaking piraso ngunit si Garm ay malibis na kinain ang mga nakahaing pagkain sa harapan niya.
Si Hel naman ay hindi mapigilan ang pagtawa sa ginagawang kompetisyon ng dalawa. Halos mamula na ang maputi niyang mukha sa kakatawa.
"Ayoko na!" Naunang sumuko si Balder na puno ng dungis ng pagkain ang mukha. "Madaya, lobo siya! Matalas ang mga ngipin niya at malakas kumain!" reklamo niya habang nakaturo kay Garm na kasalukuyang nakangisi.
"Bakit kasi nanghamon ka pa? Alam mo naman na matatalo ka ni Garm?" natatawang tanong ni Hel na kumuha nh piraso ng tela at nilinis sa mukha ni Balder ang mga piraso ng pagkaing nagkalat sa mukha nito.
Ngumuso si Balder. Lumalabas ang kanyang ugaling-bata. "Wala lang!"
-*-*-
"Anak?" isang kamay ang tumapik sa kanang balikat ni Heimdall na naging dahilan upang magulat siya at mapaatras ng bahagya.
Agad niyang inayos ang sarili nang matagpuan kung sino ang tumawag sa kanya. "A-amang Odin."
"May bumabagabag sa iyo, Heimdall?"
Huminga si Heimdall ng malalim at ibinalik ang malamig na ekspresyon sa kanyang maputlang mukha. "Wala po."
"Kung ganoon," hinimas ni Odin ang kanyang puting balbas habang hindi inaalis ang tingin sa tagapagbantay. "Ano ang tinitingnan mo kanina? Mukhang napukaw nito ang iyon atensyon."
"Si-sinubukan ko lamang alamin ang kalagayan ni Balder sa Niflheim," pagsisinungaling niya na hindi makatingin ng diretso sa mga mata ng ama. Hindi naman kay Balder nakatutok ang kanyang atensyon kundi sa babaeng kausap ni Balder.
Hindi umiimik si Odin. Hinihintay nito ang karugtong ng sasabihin ng kanyang anak.
"Maayos naman po siya ngunit...-"
"Ngunit ano?"
"Hindi ko po makita kung nasaan si Hel. Iba ang kasama ni Balder. Malayo maging si Hel, kung si Hel man iyon, malamang gumamit siya ng Runes upang hindi matakot si Balder sa kanya."
Napatawa ng malakas si Odin nang marinig ang sinabi ni Heimdall. Iyon ang pinakamahabang sinabi ni Heimdall dahil bihira lamang ito makipag-usap at makihalubilo sa kapwa Aesir.
"Anak ni Loki si Hel. Kilala si Loki bilang isang mapagbalat-kayong nilalang, hindi na nakakapagtaka kung may kakayahan rin ang anak niya na magbagong-anyo tulad niya," paliwanag ni Odin.
"Kung ganoon alam ninyong ang nakita natin ay hindi tunay na anyo ni Hel?"
Marahang tumango si Odin. "Kailangan lamang natin itaboy si Hel palayo sa atin at kay Loki. Malakas ang kapangyarihan niya. Maaari iyong gamitin ni Loki laban sa atin."
Naintindihan ng tagapagbantay ang lahat. Ipinatapon si Hel sa Niflheim, hindi dahil sa nakakatakot nitong anyo, kundi dahil sa napakalakas niyang kapangyarihang taglay na maaaring gamitin ni Loki laban sa kanila.
Si Hel ay hindi masamang nilalang. Alam niya iyon. Ang pagpapatapon sa kanya sa Niflheim ay isang paraan upang iligtas siya. Nakaramdam siya ng awa sa diyosa ng kamatayan. Nais niya itong kausapin ngunit malayo ang pagitan nila sa isa't-isa. Hindi siya maaaring umalis o pumunta ng Niflheim.
Mula noon, madalas na nagmamasid si Heimdall sa Niflheim. Hindi upang bantayan ang mundo ng mga patay. Kundi upang pagmasdan ang maamong mukha ng reyna ng mundo ng mga patay. Si Hel.
BINABASA MO ANG
THE FALL OF ASGARD (COMPLETED)
FantasyThe sun turns black, earth sinks in the sea, The hot stars fall from the sky, And fire leaps high about heaven itself, -a prophecy in the ELDER EDDA Credits to silenthein for the wonderful cover.