Nanatiling walang imik si Clark. Lutang ang kanyang isip. Tila namanhid na rin ang buo niyang katawan at hindi na nararamdaman ang sakit ng mga nabali niyang buto at hapdi ng kanyang mga sugat na daig pa mga gripo na sumisirit ng dugo.
Iniangat ni Ashton ang kanyang baba at itinutok ang hawak na kutsilyo sa kanyang kanang mata. "Bilib si ama sa matalas mong paningin. Kung mawawala ang mga mata mo, mapapahanga mo pa kaya siya?" nakangising tanong ni Ashton na marahang inilalapit ang kutsilyo sa kanyang mata.
Doon lamang nagising si Clark at naalala ang kanyang sitwasyon. Nakaramdam siya ng kilabot dahil alam niyang hindi nagbibiro si Ashton dahil sa tindi ng galit nito. Ang galit ang dahilan ng maraming bagay. Pinanatili niyang nakatiim ang kanyang mga bagang upang hindi sumigaw.
Ngunit sa isang iglap, may isang malaking nilalang ang lumundag sa kanyang harapan at sinakmal si Ashton. Dahil doon, nabitawan nito ang hawak na kutsilyo, at nailigtas siya.
"Tsk, tsk, tsk. Ang sama ng itsura mo, Heimdall."
Wala nang lakas si Clark upang iangat ang kanyang ulo ngunit alam niya na boses iyon ni Freya. Naramdaman niya na lamang ang pagluwag ng kanyang pagkakagapos at pagbagsak niya sa malamig na sahig. Kahit hinang-hina na siya ay pinilit niya paring manatiling gising.
"Ako ang gusto mong paghigantihan, hindi ba?!" sigaw ni Fenrir na nasa tunay niyang anyo bilang isang malaking itim na lobo. Ang kanyang bibig ay nasa mukha ni Ashton na ipinamumukha na may kakayahan siyang lamunin ng buo ang ulo ng binatang nanlalaki ang mga mata sa takot.
Kikilos sana si Utgard-Loki upang tulungan si Ashton ngunit nakaramdam siya ng malakas na pwersa na bumalot sa buo niyang katawan at pumipigil sa kanyang pagkilos.
"Huwag ka nang magpumiglas. Usapang Aesir ang kailangan nila, huwag ka nang makialam," sambit ni Freya na gumamit ng spell upang hindi mabalutan ng libo-libong sinulid ang katawan ng Jotun upang hindi ito makagalaw.
"U-Utgard-Loki! Tulungan mo 'ko!" takot ni sigaw ni Ashton upang makahingi ng tulong sa kanyang kakampi.
"Sana lamang ay kaya ko, ngunit ako man ay nangangailangan din ng tulong," mataray na sagot ni Utgard-Loki na may kasama pang pag-irap.
"Hindi mo na sana dinamay ang kapatid ko!" sigaw pa ni Fenrir na naghatid ng kilabot hindi lamang kay Ashton, kundi maging sa kanilang lahat dahil sa nakakatakot nitong boses. "Ako ang nakatakdang pumatay kay Odin sa araw ng Ragnarok, ngunit mula ngayon, gagawa tayo ng panibagong siklo, ikaw ang uunahin kong lamunin. Babalatan kita ng buhay simula sa sikmura at dadahan-dahanin ko ang pagkuha sa mga lamang-loob mo, gusto kong makita ang takot sa iyong mga mata at malakas mong tili!" pagbabanta pa niya.
Biglaang nabasag ang isang bintana at may kung anong dalawang bagay ang pumasok mula doon. Kung ano man ang mga iyon, ang isa ay bumagsak sa ibabaw ni Freya kaya nabitawan nito ang mga sinulid na gumagapos kay Utgard-Loki. Samantalang ang isa ay dire-diretso sa dingding.
"Gintong baboy-ramo?" bulong ni Clark na tiningnan si Gullinbursti na bumalik na sa pagiging guinea pig na walang malay dahil sa malakas na pagkakauntog sa sementadong dingding. Tiningnan pa niya ang isang dumating. Inaasahan niyang si James iyon ngunit nagtaka siya kung bakit si Hunter ang kasama ni Gullinbursti. Kahit masakit ang buong katawan ay pinilit niyang bumangon dahil sa suporta ng Gungnir na nasa tabi lamang niya.
Dahan-dahang tumayo si Hunter mula sa pagkakadagan kay Freya. "S-Sorry, Freya," paumanhin niya habang tinutulungang makabangon ang dalaga.
"Ano bang nasa isip mo at...-"
Naramdaman nila ang pagyanig ng buong lugar nakaramdam din sila ng kakaibang enerhiya na nagtataglay ng kakaibang lakas sa buong paligid.
"Nandito ang Mjollnir!" sigaw ni Hunter na nanginginig dahil alam niya na ang enerhiya na kanilang nararamdaman ay nagmumula sa Mjollnir.
Nakarinig sila ng mabigat na bagay nagwawasak sa mga sahig ng bawat palapag ng hotel na bumubulusok papunta sa pinakatuktok ng hotel kung nasaan sila. Maya-maya ay lumipad ang mabigat at ginintuang martilyo sa nakataas na kamay ni Ashton at agad niyang hinampas iyon kay Fenrir.
"Vidar!" bati ni Hunter kay Ashton. "Ibalik mo sa akin ang Mjollnir ko!"
"Ngayong nandito ka na, maaari ko nang maipakita ang ang nais kong ipakita!" masayang sambit ni Ashton na mukhang nababaliw na. Itinaas niya ang kanyang kanang kamay. "Napasunod ko na ang Mjollnir! Dahil dito ako na ang ituturing na pinakamalakas na Aesir!" masayang sigaw ni Ashton na hindi mawala ang tingin sa hawak niyang martilyo.
Mula sa kalangitan, narinig nila ang malakas na pagkulog at pagkidlat.
"Thor," pagtawag ni Clark kay Hunter. Tiningnan niya ito, walang imik ngunit nanlilisik ang mga mata habang nakatingin sa Mjollnir na hawak ni Ashton.
-*-*-
Nakanganga si Rosilie nang makita si Frigga na sinalubong ng yakap si Christian. Hindi ito ang unang beses na makapunta siya sa tinitirahang mansyon ni Christian at Clark, ngunit noong unang beses na pumunta siya ay wala si Frigga.
"Naniniwala ka na na nanay niya si Frigga na principal and owner ng McClendon University?" bulong sa kanya ni James.
"Mama! Totoo ba na patay na Heimdall?" umiiyak na tanong ni Christian sa kanyang ina.
Ngumiti ng tipid si Frigga at mas hinigpitan pa ang pagyakap sa kanyang anak. "Ligtas na siya. Nararamdaman ko nang muli ang aura niya ngunit sobrang hina." Napadako ang tingin niya kay Rosilie. "Isang Midgardian?"
"Ah...uhm...ano po...-" kinakabahang sambit ni Rosilie na hindi alam ang dapat sabihin.
"Siya po si Rosilie. Niligtas namin siya mula kay Ashton," sagot ni Christian na pinupunasan ang kanyang mga luha.
"Ashton?"
"Frigga, naaalala mo ba si Vidar?" tanong ni James sa ginang.
Tiningnan siya ni Frigga bago ito marahang tumango. "Tahimik lamang siyang mandirigma. Lagi niyang pinipilit patunayan na may kakayahan siyang mapantayan ang kahit sino. Napapansin ko din noon na pinipilit niyang makipagkumpetensya kay Heimdall para sa tiwala ni Odin, kay Thor para sa titulo ng pinakamalakas na Aesir at kay Balder para sa atensyon ng lahat. Hindi ko gusto ang kanyang ugali."
"Sa palagay kasi namin, si Ashton Steele na fiancé ni Rosilie ay si Vidar," paliwanag ni James na umupo sa isang sofa.
Bigla silang nakarinig ng malakas at sunod-sunod na pagkulog at pagkidlat.
"Thor," sabay na sambit nila Frigga at James na may kasama pang pag-iling.
-*-*-
Malaki ang pagkakangiti ni Tyr nang magawa niyang maibaon ang talim ng hawak niyang sibat sa binti ni Thyrm. Sinasadya niyang tadtarin ng malalamin na sugat ang binti ng Jotun upang hindi nito magawang makatakbo o makakilos ng maayos.
Tagumpay naman siya dahil idinaan na lamang ng Jotun sa paggapang ang pagnanais na makatakas.
"Jotun, gusto ko lang ipaalala na hindi ako papayag sa pagdating ng Ragnarok!" sigaw ni Tyr habang tinututukan ng talim ng hawak niyang sibat ang noo ni Thyrm na nanginginig sa takot sa kanya. "Mahal ko ang buhay ko dito sa Midgard, mahal ko ang paglilinis!"
"Su-Sumunod lang ako sa u-utos ni Vidar!" sigaw ng Jotun na umiiyak na.
Napaisip si Tyr kung sino si Vidar. Wala siyang maalala.
"Sige, kaibigan, magkita na lamang tayo sa susunod na siklo ng ating mga buhay," sambit ni Tyr na nakangiti ng matamis sa Jotun bago niya ito saksakin sa noo at binawian ng buhay.
Tiningnan niya ang direksyon ng Wolfram Hotel kung saan mas malakas ang pagkulog at pagkidlat.
"Huli na kaya kung makikisama pa ako sa kasiyahan nila?" tanong niya sa kanyang sarili habang pinupunasan ang kanyang mga dugo at pawis sa mukha dahil sa pakikipaglaban kay Thyrm.
Nagkibit-balikat na lamang siya bago tumalikod doon at humarap sa direksyon ng mansyon ni Frigga dahil mas kailangan nila ng magpoprotekta sa kanila kung ano man ang posibleng maganap.
BINABASA MO ANG
THE FALL OF ASGARD (COMPLETED)
FantasyThe sun turns black, earth sinks in the sea, The hot stars fall from the sky, And fire leaps high about heaven itself, -a prophecy in the ELDER EDDA Credits to silenthein for the wonderful cover.