Chapter Thirty (Finale)

3.5K 95 13
                                    

INILAGAY ko ang bookmark sa gitna ng dalawang pahina ng librong hawak ko.

"Oh, Thib, dito na nagtatapos ang kwento ko sa iyo ngayong gabi. Bukas na uli ang iba," sabi ko sa aking anak habang isinasara ang libro at inilagay ito sa bedside table ni Thib.

"Pero Papa, gusto ko na malaman ang susunod," pagrereklamo ng gwapo kong anak na kasalukuyang limang taong gulang na habang nakanguso pa sa akin.

Mahina naman akong natawa at ginulo ang buhok nito. "Bukas uli, anak. Dalawang kabanata uli bukas," pag-aalo ko rito. "Sa ngayon, matulog ka na at may pasok ka pa bukas."

"Sino po maghahatid sa akin?" usisa pa nito sa akin habang humihiga na sa kama. "Si daddy po ba uli?"

"Baka," sagot ko rito habang inilalagay na sa katawan nito ang kumot. "Kapag hindi maagang magising si Treyden, ako maghahatid sa inyo ni Ayu."

Nakita ko namang sumimangot ito sa narinig. "Pa, ayokong kasabay si Ayu. Lagi na lang niya akong inaasar e."

Mahina akong natawa sa inasal nito. "Hayaan mo na, anak. Naglalambing lang si Kuya Ayu mo sa iyo."

"Pero tinatawag niya akong Jane sa harap ng maraming tao, Pa. Nakakahiya."

Tawa uli ako sa sinabi nito. Ang bata pa pero sensitibo na agad lalo na sa pangalan nito. Mas gusto kasi nito na tawagin itong TJ ng ibang tao pero Thib ang tawag namin dito sa bahay. Pero may isang tao, which is si Ayu - ang nag-iisang anak nina Yuya at Naoya, na tumatawag sa kanya ng Jane. Ang buo kasing pangalan ng panganay kong anak ay Thibodeaux Jane (pronounced as Thib-bo-do).

"Huwag ka mag-alala. Pagsasabihan ko si Kuya Ayu mo. Sa ngayon, matulog ka na."

"Good night, Pa."

Yumuko ako para halikan ito sa noo. "Good night, anak," bulong ko rito.

Maingat akong naglakad palabas ng kwarto nito at pinatay ang ilaw. Pagkalabas ko ng kwarto nito ay sinalubong ako ng isang naglalambing na yakap mula kay Trevor.

"Tulog na ba si Treyden?" tanong ko sa kanya habang ibinabalik ang yakap niya.

"Oo," mahinang sagot niya sa akin. "Nahirapan ako patulugin ang isang iyon a?"

Natawa naman ako sa sinabi niya. Totoo kasi na mahirap patulugin si Treyden dahil mabilis itong magutom at may pagkaiyakin.

"Tara na sa kwarto natin," pag-aaya niya sa akin. Bigla siyang humiwalay sa akin para titigan ako sa mata at saka ngumisi. "Gawa uli tayo baby."

Natawa naman ako sa sinabi niya. Kasabay nito ang pag-iyak ni Treyden sa kabilang kwarto.

"Bago tayo gumawa, unahin muna natin ang umiiyak nating baby," pang-aasar ko sa kanya na ikinatawa niya ng mahina.

"Ano pa nga ba?" Iyon lang nasabi niya at sabay kaming pumunta sa nursery room.

"BEST SELLER, Jhay!"

Napatingin ako sa sumigaw na si Horen na kasalukuyang nasa fiction section ng bookstore kung nasaan kami sa kasalukuyan. Pumunta kami rito ni Thib para bumili ng school supplies at napagtripan ng ninong nito na si Horen ang sumama sa amin.

"Dito ko lang muna, Thib a?" sabi ko sa anak ko. Nang tumango ito, dahil busy rin naman ito sa pagtingin ng libro, ay lumapit ako sa maingay na si Horen.

"Anong sinisigaw-sigaw mo diyan?" tanong ko rito habang tinutusok-tusok ang tagiliran nito. Wala kasi itong kiliti e, kaya natutuwa ako. Plus ang mga baby fats niya ay napunta roon.

"Tigilan mo ako, Jhay," walang paking sabi sa akin ni Horen. "Hindi ako nakikiliti, nasasaktan ako."

Tinigil ko ang pagsundot sa tagiliran nito. "Ano ba kasi iyon?"

Crown 2: Fall Into MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon