Chapter Thirty-Seven- Personal Decisions

1.2K 63 29
                                    

Chapter Thirty-Seven

Personal Decisions


NGAYON niya talaga naramdaman kung gaano siya kawalang-silbi. Ni konting apoy 'di niya magawang ilabas. Ilang araw na ang dumaan pero hindi pa rin siya nakaka-recover. Pumasok si Catriona sa silid na inuukopa niya. Kasama nito si Desdemona. Ilang araw niya ring hindi nakita ang babae kaya nagdududa siyang meron itong ginawang kababalaghan.

"Tama pala ang sinabi ni Catriona na hindi pa rin bumabalik ang kakayahan mo," sabi ni Desdemona.

"Ibalik niyo na lang ako. Wala na akong silbi sa inyo."

"Mali ka. Mahalaga ka sa amin," sabi ni Catriona saka ngumiti. "Maghintay ka sa kabilugan ng buwan." Natigilan siya. Kapag inabutan siya ng kabilugan ng buwan doon, magiging isang phoenix siya. "Mukhang nakuha mo agad ang gusto kong sabihin. Sa gabing iyon, hindi ka na namin kailangang piliting magpaapoy dahil magliliyab ka sa ayaw at sa gusto mo."

"Mahina ako kapag kabilugan ng buwan!"

"Hindi mo kami maloloko. Ang isang primogenito ay pinakamalakas kapag kabilugan ng buwan hindi gaya ng mga ordinaryong Symphonian. Kahit nagbabagong-anyo ka sa gabing iyon ay malakas ka pa rin. Gaya nga ng nasabi na namin sa'yo, ikaw ang pinakamalakas na primogenito na nabubuhay ngayon."

"Kung kasing lakas nga ako gaya ng sinasabi niyo, bakit nagkakaganito ako ngayon?" naiinis niyang tanong. Hinihiling niyang mawala na ng tuluyan ang kapangyarihan niya para hindi na siya mapakinabangan ng mga ito pero parang imposible 'yon lalo na at phoenix siya kapag nagbabagong-anyo. Bakit ba naman kasi siya phoenix?

"May kahinaan ang anyong-tao mo pero hindi ang iyong anyong-halimaw. Ang isang ordinaryong Symphonian ay nanghihina kapag nagbabagong-anyo pero iba ang mga primogenito. Mas nagiging malakas sila. 'Yon ang epekto sa kanila ng kabilugan ng buwan," paliwanag ni Desdemona saka ngumiti nang matamis. "Iyon ang inaabangan kong mangyari, ang magliyab ka at tupukin ng apoy ang buong Tierra del Cielo."

"Gagamitin niyo ako para sirain ang buong bayan?"

"Yan naman ang gusto ko sa'yo, Ezra. Matalino ka at nasusundan mo agad ang mga balak namin," sabi ni Catriona saka ipinakita sa kanya ang manika nito. Kontrolado pa rin siya ng batang mangkukulam kaya kahit manlaban siya ay wala siyang magagawa. "Pero may problema kami ng konti," bahagya itong sumimangot. "Siguradong hindi papayag ang Gran Matriarca na basta-basta lang na magtagumpay kami. Hawak niya ngayon ang karamihan sa mga primogenito at miyembro ng Umbra kaya naman paghahandaan niya ang kabilugan ng buwan."

"Hindi siya magpapatalo sa inyo."

"Alam 'yan ng pinuno kaya naman nakahanda na ang lahat," sabi ni Desdemona. "Dalawa sa mga kasama namin ang nawala pero hindi iyon hadlang para hindi matuloy ang plano."

"Kailangan niyo ba talagang idamay ang mga walang malay?"

"Walang pinipiling buhay ang digmaan, Ezra Contreras," sabi ni Catriona. "Sisiguraduhin namin na sa digmaang ito, kami ang magwawagi."


TATLONG araw mula ngayon ay kabilugan ng buwan. Iyon ang gabi na pinakamahina ang karamihan sa mga Symphonian na nagbabagong-anyo pero alam ni Queen Diamond na iyon din ang gabi kung kailan pinakamalakas ang mga First Born, nagbabagong-anyo man o hindi.

"Muñeca?"

Binalingan niya ang mga kasama niya sa silid na iyon. Nasa pagpupulong siya kasama sina Armand, Carissa at Carlos.

"Wala ka sa sarili," puna ng tio niya.

"May iniisip lang ako," aniya. "Ilang araw ng hindi nagpaparamdam ang kalaban at nagkataong papalapit ang kabilugan ng buwan."

Symphonian Curse 9: Queen DiamondTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon