Chapter Twenty-Eight
Turn Over
INABUTAN ni Queen Diamond ang kanyang lola sa kama. Nang malaman niyang siya ang ibinoto bilang bagong pinuno ng angkan ay ipinatawag din siya nito. Nang dumating siya ay inutusan nito ang lahat ng alagad nito na iwan silang dalawa sa silid.
"Natutuwa akong makita ka," mahina nitong sabi.
"Hindi ko masasabing ganoon din ako sa'yo."
Ngumiti ito. "Hanggang ngayon ba ay may hinanakit ka pa rin sa akin?"
Inigkasan niya ito ng kilay. "Masyado mong inaasahan na basta-basta akong magpapatawad, Abuela. Hindi ako gano'n kabuti."
"Naging napakalamig mo nga," puna nito. Sinenyasan siya nitong maupo sa upuang inilaan nito para sa kanya. Naupo siya. "Kaninong kamatayan ba ang gusto mong ihingi ko ng tawad?"
"Kaninong kamatayan ba ang una mong ikukumpisal?" tanong din niya.
Saglit itong tumahimik na tila nag-iisip. Mukhang sa dami ng ipinapatay nito ay nahihirapan itong pumili ng uunahin. "Sina Hermana Amalia, Hermana Berenice at Divina," anito saka ngumiti nang malungkot. Ang tinutukoy nito ay ang mga kapatid nito. "Si Hermana Amalia dapat ang pinuno ng angkan kung hindi lang siya namatay."
"Kung hindi mo lang siya pinatay," pagtatama niya. Matagal ng usap-usapan sa angkan na nakuha lamang ni Consuelo ang pamumuno dahil sa wala na ang mga ate nito na posibleng naging pinuno. Iba-iba ang ikinamatay ng mga kapatid ni Consuelo at hindi masasabing murder kundi pawang mga aksidente lamang kaya walang naghinala na ito ang pumatay sa mga iyon.
"Mga bata pa lang kami, pinili na ni Papa kung sino sa amin ang magiging susunod na pinuno, si Hermana Amalia. Mabait si Hermana at karapat-dapat na maging pinuno. Mahusay siyang makisama at mahal na mahal niya kami."
"Nagawa mo siyang patayin kahit mahal na mahal ka niya."
"Bakit nga ba?" naitanong din nito saka tumingin sa kanya. "Dahil kay Javier." Natigilan siya. Ngumiti si Consuelo. "Si Javier ang iyong abuelo, ama nina Carlos at Carolina."
"Ikaw ba at si Abuela Amalia –"
"Ang mahal ni Javier ay ang Hermana ko. Sila ang ipinagkasundo pero –"
"Pinatay mo ang ate mo para makuha ang lalaking gusto niya," hindi makapaniwala niyang sabi. Hindi ito kumibo. "Hindi tungkol sa pagiging pinuno ang dahilan kundi dahil sa isang lalaki. Ano ang ginawa mo kay Amalia?"
"Aksidente siyang nahulog sa hagdan at nabagok ang kanyang ulo."
"Huhulaan ko, pakana mo 'yon."
Tumango ito. "Ang tanging gusto ko lang ay masaktan siya at maging imbalido para ayawan siya ni Javier pero namatay siya. Iniyakan ko ang pagkamatay niya pero aaminin kong ikinasaya ko rin ang nangyari dahil napalapit si Javier sa akin."
"At si Abuela Berenice, bakit mo siya pinatay?"
"Dahil nalaman niya ang ginawa kong pagpatay kay Amalia. Hikain siya kaya nilagyan ko ng pampalala sa hika ang ininom niyang tsa-a. Inakala lamang ng lahat na namatay siya sa sakit."
"Si Abuela Divina?"
"Nagkahinala si Papa Armando na hindi aksidente ang ikinamatay ng mga nauna niyang anak at nagkahinala siyang ako ang may kagagawan ng lahat kaya imbis na sa akin ipamana ang pamumuno dahil ako ang naiwan na mas matanda, nagdesisyon siyang kay Divina ipamana iyon kahit salungatin pa siya ng buong angkan. Sa mga panahong iyon ay galit na galit ako kay Papa dahil ipinagkasundo niya ako sa lalaking 'di ko gusto. Naging paghihiganti ko ang ginawa ko kay Divina nang sinadya ko siyang iligaw sa gubat. Bata lang siya kaya madali ko 'yong nagawa. Isang araw siyang nawala at natagpuan siyang patay. Namatay siya sa lamig dahil matindi ang taglamig nang panahong iyon. Alam ni Papa na ako pa rin ang may gawa pero hindi siya nagsalita. Ang totoo, natakot siya sa kaya kong gawin sa bunso niyang si Elena kaya sa huli, ako ang pinili niyang humalili sa kanya," kwento nito. Hindi siya naka-react sa mga kwenento nito.
BINABASA MO ANG
Symphonian Curse 9: Queen Diamond
FantasySymphonia is the name of the clan. From this powerful, mysterious, old clan came one of the most influential and famous families in the world, the Contreras. This is the first part of the story of the mysterious Contreras matriarch. Witness her hu...