Chapter Four- Armando Symphonia Godinez

1.5K 67 35
                                    

Chapter Four

Armando Symphonia Godinez


MALAYO ang agwat ng edad ng kasalukuyang matriarka ng angkan sa bunso nitong kapatid na si Elena. Sa limang magkakapatid, si Elena lamang ang anak sa pangalawang asawa. Hindi pa ipinapanganak si Elena nang pumanaw ang panganay, pangalawa at ikaapat niyang mga ate. Ang tanging nakamulatan niya ay ang kapatid na si Consuelo na siyang naging pinuno ng angkan bago pa man ito nag-asawa. Limang taong gulang pa lamang si Elena nang mag-asawa ang kanyang Hermana Consuelo. Nang tumuntong siya sa edad na labinlima, ay ipinanganak ang bunsong anak ng kanyang kapatid na masasabing kanyang pinakapaborito, si Lina.

Nagpakasal si Elena sa edad na labinwalo sa isang lalaking pinili ng kanyang hermana para sa kanya pero nabiyayaan lamang siya ng anak nang sapitin niya ang edad na dalawamput lima. Inakala niyang hindi na siya magkakaanak pero dininig ng Panginoon ang kanyang mga dalangin lalo pa't bago siya nanganak ay pumanaw ang kanyang esposo. Ang batang si Maria Carolina o Lina na noo'y sampung taong gulang ang pinaka-excited nang ipanganak niya ang isang batang lalaki na pinangalanan ni Elena na Armando, alinsunod sa pangalan ng dating clan patriarch.

Bilang nag-iisang pamangkin ng clan matriarch at pinakabata sa magpipinsan, si Armando ay madaling makilala sa grupo. Sa kabila ng pagiging kilala sa angkan, mas gusto ni Elena ang mga pagkakataong kasama niya ang anak sa sariling bahay at alagaan ito. Mahal na mahal ni Elena ang anak. Ang madalas na bisita nila ay ang pinsan nitong si Lina.

Labinlimang taong gulang si Lina nang magdesisyon itong mag-aral sa Madrid. Ikinalungkot iyon ng batang si Armando.

"Dadalaw ka naman parati, 'di ba Prima Lina?" naiiyak na tanong ng bata. Inihatid ng mag-ina si Lina sa estasyon ng tren.

"Hindi naman ako magtatagal doon. Kapag bakasyon ay uuwi ako rito tapos mamamasyal tayo ulit," pangako ni Lina sa pinsan. Bago tuluyang umalis ay niyakap muna nito ang bata. Tinotoo naman ni Lina ang pangako na babalik ng Tierra del Cielo tuwing bakasyon. Nga lang, makalipas ang dalawang taon, isang nakakagimbal na balita ang dumating sa angkan.

Ang mabait at masunuring si Lina ay sumama sa lihim nitong katipan sa London. Labis iyong ikinalungkot ni Armando lalo pa at marami siyang naririnig na hindi maganda patungkol sa kanyang prima.

"Mama, totoo ba ang sinasabi ni Prima Rissa na masamang babae si Prima Lina?" tanong niya sa kanyang ina. Ilang araw ng gumugulo sa isip niya ang katanungang iyon.

"Ano ba ang tingin mo sa 'yong prima?" malumanay na tanong ng kanyang ina.

"Mabait po at mapagmahal. Maliban kay Primo Carlos, siya lang ang malapit sa akin. Sina Prima Rissa, Lota at Mela ay masusungit."

Bahagyang natawa ang kanyang ina saka siya niyakap. "Anak, kung mahal mo ang iyong Prima Lina, patuloy mo siyang mahalin. May mga mali siyang desisyon pero hindi ibig sabihin ay masama na siyang tao. Lahat naman tayo ay nagkakamali. Ang mahalaga ay ang akuin ang pagkakamali saka magpatuloy sa buhay."

"Mama, kapag nagkamali ako, aakuin ko po at hindi ko kayo hahayaang masaktan dahil sa akin," pangako ng bata sa kanyang ina.

"Anak, wala akong hindi gagawin para sa'yo," bulong nito sa bata.


MAKALIPAS ang mahigit isang taon, bumalik si Lina na kasal na sa isang mayamang Briton na nagngangalang Eliseo. Walang pakialam si Armando kung nagngangalit ang lahat ng tao sa bayan nila dahil sa ginawa ni Lina. Masaya kasi siya sa pagbabalik ng kanyang prima. Natuwa siya nang malaman na meron na itong anak, kambal pa!

Symphonian Curse 9: Queen DiamondTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon