WRITTEN BY:
burijoonche
(this is a continuation of Sugod-Bahay from the Home compilation)
"Nay! Nay! Si kuya!"
Humahangos at halos magkandarapa si Ena pauwi ng kanilang bahay. Nag-aayos si Meng ng mga labadang kakatuyo lamang, mga tanggap niya mula sa kapitbahay. Ito pa lamang ang pinaka-pahinga niya matapos ang maghapong paglalaba. Hindi niya mawari sa bunso kung bakit ito nagmamadali at mukhang nahintakutan sa mga nakita at ibabalita tungkol sa kapatid.
"Susme, Ena, anong nangyari sa yo? Sinong kuya mo? Si Baste? Si Silver?"
Malakas ang kutob niya na si Silver na naman ang sangkot sa ibabalita ng bunsong anak. Kamakailan lang ay nagpiyansa na naman silang mag-asawa para mailabas ang pangalawang anak mula sa presinto.
"Silang dalawa po Nay..."
"Ano?! Pati si Baste?! Susme, tara na nga!"
Hindi na nagawang magpalit pa ng damit ni Meng at magkasama silang mag-ina na tinungo ang kinaroroonan ng mga anak na lalaki. Halu-halo ang nararamdaman ni Meng habang tinatahak ang kalye nila patungo sa mga anak. Papalubog na ang araw noon, at malapit na ding umuwi si Ricardo. Inaalala na din niya kung papaano magpapaliwanag na naman sa asawa. Noong huling beses na nasangkot sa gulo si Silver ay muntik na nitong masuntok ang anak sa sama ng loob at galit. Bibihirang magalit ang kanyang asawa, ito na siguro ang may pinaka-malawak at mahaba ang pasensya, kung kaya't nang muntik na nitong pagbuhatan ng kamay ang anak, batid niyang malapit na sa sukdulan ang pisi ni Ricardo.
Natanaw na niya mula sa malayo ang nagku-kumpulang mga kapitbahay nila sa may basketball court ng barangay. Abut-abot ang kaba ni Meng sa kung anong madadatnan. Pumapasok sa isip na niya na makikita ang anak na duguan o di kaya ay pinagtutulungan ng mga ka-rambulan nito dati. Hindi na niya malaman kung papaano nilang madi-disiplinang mag-asawa ang kanilang pangalawang anak. Pero si Baste? Hindi niya lubos maisip na pati ang mabait nyang panganay ay masasangkot sa kahit anong gulo.
"Nay, wag po kayong mabibigla..." Hinawakan ni Ena ang kamay ng nanay nya, na ubod na ng lamig at nanginginig sa kaba.
Pilit na pinapatatag ni Meng ang kanyang loob, inihahanda ang sarili sa anumang bubungad sa kanya at sa kung ano ang itsura ng mga anak. Laking gulat niya ng biglang sumalubong sa kanya ang asawa.
"Mahal?!? Anong nangyari? Si Baste? Si Silver?!?"
"Mahal..." Kinuha ni Ricardo ang kamay ng asawa, niyakap at unti-unting inilakad papasok sa basketball court.
"HAPPY BIRTHDAY TO YOU, HAPPY BIRTHDAY TO YOU, HAPPY BIRTHDAY, HAPPY BIRTHDAY, HAPPY BIRTHDAY NANAY!"
Sa biglang paghawi ng mga tao ay bumungad sa kanya ang dalawang anak na lalaki, may hawak na bulaklak at lobo. May isang lamesa na may lamang pansit, lechon manok at cake, at nakapalibot ang mga kapitbahay na tuluy-tuloy ang pagkanta at pag-palakpak.
"Nay! Happy birthday po!"
"Lab yu Nay!"
"Si nanay! Akala kung ano na naman ang nangyari! Hahaha!"
Napatulala na lamang si Meng sa mga nangyayari, hindi na niya namalayan na tumutulo na ang luha nya. Niyakap at hinalikan na siya ng mga anak at asawa pero hindi pa din siya makapagsalita. Ang mga kapitbahay nya ay tuluy-tuloy naman sa palakpakan at kantiyawan.
YOU ARE READING
AMACon 3: Oikos - Children
FanfictionYou walk on all fours during the mornings, I carried you when you grew tired. I held your hand as you tried to walk and watched with pride as noon came and you took confident strides. Now it is evening, on all threes I walk, I wonder... Will you car...