Jaye's POV
*Flashback*
November 14, 2009
Dumiretso lang ako sa paglalakad papunta sa bahay nila Jake. Balak ko lang sana na ibigay sa kanya ang letter na ginawa ko. Gusto kong malaman niya na buhay pa ako.
Isang linggo na kasi akong nawawala. Simula noong aksidente, akala nila na wala na ako, na ikinamatay ko ang nangyari.
Buti nalang nakaligtas ako, hindi ko rin sigurado kung pano, pero nagpapasalamat nalang ako na hindi ako tuluyangnamatay nung araw na iyon.
Ngayon na medyo maayos na ang kalagayan ko, kaya ko nang makausap ng maayos sila Jake tungkol sa nangyari. Nung una, natatakot akong lumapit sa kanila, baka hindi na nila ako tanggapin dahil hindi ako nagpakita ng isang linggo, habang sila nandoon, nagaakala na patay na ako. O di kaya baka natatakot sila dahil sisisihin ko sila sa nangyari sa akin.
Pero sa totoo lang, alam ko namang aksidente lang iyon, at di niya naman iyon sinasadya.
Naaalala ko pa noong araw na iyon, habang naglalaro kami sa may gubatan. Kasama pa nga yung kaibigan niyang si Tricia eh. Sabay sabay lang kaming naglibot doon.
Medyo pagabi na ata noon, kaya nahirapan na kaming makita ang daan namin pababa. At habang naglalakad kami sa may bato bato....medyo napa sandal lang sakin si Jake, at naihulog ako pababa ng malalim-lalim na yungib.
Medyo malakas ang tama ko, kaya siguro nawalan ako ng malay.
Sa loob ng isang linggo, hinanap ako ng mga pulis, ngunit pagkatapos din ng ilang araw ay lumabas ang kwento na patay na ako.
Gusto ko sanang lumapit sa mga pulis para ipaliwanag ang lahat, kaso nagisip-isip ako.
Baka si Jake ang sisihin nila sa nangyari sa akin. Dahil siya rin halos ang dahilan kung bakit ako nahulog sa mga bato-bato.
Baka sabihin na tinangka niya akong patayin, at baka mas lalo pang masira ang pagkakaibigan namin.
Kaya mas pinili ko munang manahimik at pagisipan ng mabuti kung ano ang dapat kong gawin.
Nagpapasalamat na lamang ako ngayon na makalipas ang isang linggo, halos wala na ang sakit na nararamdaman ko. Kaya nga pupunta nalang ako sa bahay niya para ibigay ang letter. Para magpaliwanag sa kanya, at para maghanap ng paraan para ipaliwanag din sa iba.
Paglipas ng ilang minuto ay nakarating na ako sa harapan ng kanilang bahay. Plano ko na lang sanang iwan ang letter sa harapan ng kanyang pinto. Hindi ko na lang muna siya siguro kakausapin, baka kailangan niya pa ng oras para kalimutan ang nagawa niya.
Binaba ko na ang letter sa harapan ng pinto. At paalis na sana ako noon, ngunit may narinig akong nagtatawanan sa kabilang panig ng pinto, at napahinto ako.