***
Kinabukasan ay nagising ako na naroon na ako sa aking silid. Hindi ko alam kung paano akong nakabalik doon dahil ang huling naaalala ko lamang ay naroon ako sa gilid ng pool. Nagtataka man ay kumilos narin ako upang maligo, magbihis, at makapag almusal.Malapit na ako sa may kusina nang may maulinigan akong mga tinig na nagtatawanan. Sumilip ako ng bahagya at nakita ko si Teo at ang babaeng kasama nito kagabi.
Nakaupo ang babae sa high chair na naroon habang pinapanood si Teo na nagluluto ng sinangag habang may tangan na tasa ng kape.
Patagilid ang pwesto ni Teo sa gawi ng babae kaya lumilungon si Teo sa gawi nito sa tuwing may sinasabi ito.
Patalikod naman sa gawi ko si Teo kaya malaya kong napapasadahan ng tingin ang likuran nito. At sa bawat paghalo niya sa sinangag ay gumagalaw din ang kanyang mga muscles sa braso at likuran. Naka loose pants ito na kadalasan nitong suot sa pagtulog at walang pang-itaas. Tanging apron lamang ang kanyang saplot. Hindi ko alam kung ano ang pinag-uusapan nilang dalawa at ganun nalang ang kanilang tawanan. Hindi nila ako napansin kaya lumabas nalang akong muli ng kusina.
"Ano kaya'ng pinag-uusapan nila at gano'n nalang kalutong ang mga tawa nilang dalawa?"
Nagmamaktol na bulong ko habang naglalakad papunta sa kwarto ni Doña Catalina. Pero sa kalagitnaan ng hagdan ay nakasalubong ko si Maya. Isa sa mga kasambahay. Alam kong matagal na dito si Maya kaya paniguradong may alam ito at kilala nito ang bisita, kaya hindi na ako nag-atubiling itanong rito kung sino yung babaeng kasama ni Teo.
"Maya, sino yung bisita ni Señorito Teo?" Kaswal kong tanong upang hindi ito mag-isip ng kung ano.
"Hindi ko din alam eh...tanungin mo nalang si Señorito Teo. Bakit, Belle? Selos ka?" Nanunuksong anito.
"Hindi ah! Anong pinagsasabi mo! Bakit naman ako magseselos? Diyan kana nga!" Pagtataray ko. Mabilis ko nang tinalikuran si Maya dahil baka mabuko pa ako nito. Pero bago ko marating ang tuktok ng hagdan ay muli itong nagsalita.
"Girlfriend yata yun ni Señorito..kasi ang sweet nila eh..." Hindi ko na ito nilingon at nagtuloy na ako sa paglalakad.
Ang hard din nito ni Maya eh...ang sakit kaya ng sinabi niya!
Parang sinaksak ang dibdib ko sa sinabi ni Maya. Wala pa mang kumpirmasyon pero ganito na kasakit ang nararamdaman ko. Paano pa kaya kapag may kumpirmasyon na..
Imbes na sa kwarto ng Donya ako pupunta ay sa kwarto ko ako dumiretso. Ramdam ko na kasi ang nagbabadya kong mga luha at hindi iyon maaring makita ng Donya. Ayako kasing mag-alala ito sa akin at lalung ayaw kong kaawaan ako nito.
Alam kong pabor sa akin ang Donya pero ayaw ko namang pwersahin nito ang apo para lang pansinin ako.
Shit bakit ganito sakit!
Iniisip ko palang na hindi ako gusto ni Teo ay parang pinipiga na ang puso ko. Paano pa kaya ang makita itong masaya sa piling ng iba.
Hindi maaari ang ganito...
Kailangan agapan ko na itong nararamdaman ko dahil alam kong isa itong imposible at paniguradong masasaktan lang ako. Dahil malabo pa sa tubig kanal na magustuhan ako ng isang Timoteo Antonio Aragon!
Nahihibang na ako para isipin na magkakatotoo ang mga sinabi ng Donya sa akin.
Hindi na ako lumabas ng kwarto magdamag dahil sa kakaiyak. Kinatok ako ni Nay Lita pero hindi ko na ito pinagbuksan sa halip ay nagpanggap na lamang akong nakatulog. Buo na ang aking pasya. Kinabukasan ay magpapaalam na ako sa Donya. Nasa maayos na lagay na ito kaya marahil ay pwede na akong umalis.
