UHS HAUNTER FILES
Unknown
Written by: Jayvee "VBXD" AlesonNaglalakbay ang mag-asawang sina Anna at Ayran sa isang liblib na kagubatan sakay ng kanilang kotse. Nagulat naman ang dalawa nang biglang tumirik ang kanilang kotse. Kaagad na bumaba ang mag-asawa at nanlumo sila sa nangyari.
"Nalintikan na, di tayo makaka-alis dito!" kabang usal ni Ayran habang tinitignan nito ang makina ng kotse.
"Hintayin na lang natin na may dumaan na ibang sasakyan, hihingi tayo ng tulong." tugon ni Anna sa asawa at niyakap niya ito.Ilang oras din ang kanilang hinintay ngunit ni isang kotse ay walang dumadaan. Nasa kadiliman na ng gabi at tanging liwanag lang ng buwan ang tumatanglaw sa lugar. Wala rin ni isang bahay na makikita roon. Nakaramdam ng pananakit ng tiyan si Ayran.
"Sandali lang honey, sumasakit ang tiyan ko, dito ka muna sa loob ng kotse at hintayin mo lang ako." paalam ni Ayran at nagmamadali itong nagtungo sa kakahuyan para magbawas.Nakarating naman ang lalaki sa isang tagong damuhan. Kaagad na hinubad ng lalaki ang suot nitong pantalon at saka umupo. Di pa man nagsisimula si Ayran ay nakarinig ito ng kaluskos.
"Sino 'yan!" sigaw ni Ayran at nagpalinga-linga ito sa paligid ngunit tanging mga puno lamang ang naroroon. Binalewala na lamang niya ito at nagpatuloy na sa kanyang ginagawa. Ilang sandali lang ay natapos na rin ni Ayran ang kanyang ginagawa. Nag-suot nang muli ito ng pantalon at naglakad pabalik sa kotse. Nakaramdam ang lalaki na parang may sumusunod sa kanya. Ibinaling niya ang kanyang paningin sa likuran ngunit wala siyang nakita. Nang bumaling siyang muli sa harapan ay ganon na lamang ang kanyang takot. Nanginig ang kanyang katawan at napahinto siya dahil sa kanyang nakita. Biglang napasigaw ng malakas si Ayran ng sugurin siya ng isang kakila-kilabot na nilalang.Nagising naman si Anna dahil sa narinig na sigaw. Nagmadali itong bumaba sa kotse at sinundan kung saan nanggaling ang sigaw. Natagpuan niya ang kanyang asawa na nakahandusay at wala itong malay.
"Ayran, gising!" nag-aalalang sambit ni Anna habang tinatapik nito ang mukha ng asawa. Ilang sandali lang at nagising na si Ayran.
"Anong nangyari?" nagtatakang tanong nito sa asawa.
"Nawalan ka ng malay honey, buti na lang at walang masamang nangyari sa'yo." tugon ni Anna sa asawa at inalalayan nito si Ayran.Nang makarating silang dalawa sa kotse ay kaagad na silang pumasok. Pilit na pinapa-andar ni Anna ang kotse ngunit ayaw pa ring umandar. Naka-ilang ulit din sa pagpapa-andar ang babae at natuwa naman ito dahil sa wakas ay umandar na rin ang kotse.
"Salamat, makaka-alis na tayo!" nakangiting usal ni Anna sa asawa. Hindi naman tumugon si Ayran bagkus ay yumuko lamang ito. Habang papalayo ang sasakyan nila sa lugar ay biglang gumuhit ang mala-demonyong ngiti sa labi ni Ayran. Naiwan naman ang bangkay ng isang lalaki sa gitna ng kakahuyan.Wakas
BINABASA MO ANG
Haunter Files (Flash Fiction Horror Stories)
HorrorMay mga bagay na hindi nakikita, nararamdaman, at nalalaman ng iba. Ang mundo ay sadyang kakaiba at 'di kapani-paniwala. Ito'y puno ng lihim na nagkukubli sa dilim at bumubulag sa katotohanang hindi batid ng karamihan. Kaya mo bang tuklasin ang lihi...